Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Johannes Rauthe habang nakikibahagi sa ministeryo, malamang noong dekada ng 1920

MULA SA AMING ARCHIVE

“Umaani Ako ng Bunga sa Ikapupuri ni Jehova”

“Umaani Ako ng Bunga sa Ikapupuri ni Jehova”

“LAHAT ng nagdaang digmaan ay hindi maikukumpara sa kasalukuyang malaking sagupaang nagaganap sa Europa.” Ganiyan ang paglalarawan ng The Watch Tower ng Setyembre 1, 1915, sa unang digmaang pandaigdig, na nang maglaon ay kinasangkutan ng mga 30 bansa. Dahil sa labanan, iniulat ng Watch Tower: “Sa paanuman, naapektuhan ang paglilingkod [pang-Kaharian], lalo na sa Alemanya at Pransiya.”

Nang mapaharap ang mga Estudyante ng Bibliya sa tumitinding pandaigdig na alitang ito, hindi nila lubusang nauunawaan ang simulain ng Kristiyanong neutralidad. Pero determinado silang ipahayag ang mabuting balita. Sa pagnanais na maglingkod para sa Kaharian, si Wilhelm Hildebrandt ay umorder ng mga kopya ng The Bible Students Monthly sa wikang Pranses. Nasa Pransiya siya hindi bilang colporteur (buong-panahong mángangarál) kundi bilang sundalong Aleman. Ang “kaaway” na ito, na nakauniporme ng militar, ay nagbahagi ng mensahe ng kapayapaan sa nagtatakang mga Pranses na dumaraan.

Ipinahihiwatig ng mga liham na inilathala sa The Watch Tower na marami pang Alemang Estudyante ng Bibliya ang nakadama ng pananagutang ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian habang naglilingkod sila sa militar. Iniulat ni Brother Lemke, naglingkod sa hukbong-dagat, na interesado ang lima sa kaniyang mga kapuwa tripulante. Isinulat niya: “Kahit sa barkong ito, umaani ako ng bunga sa ikapupuri ni Jehova.”

Pumunta naman si Georg Kayser sa labanan bilang sundalo pero bumalik bilang lingkod ng tunay na Diyos. Ano ang nangyari? Nakatanggap siya ng publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya, buong-pusong tinanggap ang katotohanan ng Kaharian, at huminto sa pakikipaglaban. Saka siya humiling ng gawaing walang kaugnayan sa pakikipaglaban. Pagkatapos ng digmaan, maraming taon siyang naglingkod bilang masigasig na payunir.

Bagaman hindi pa lubusang nauunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang isyu ng neutralidad, ibang-iba ang kanilang saloobin at paggawi kung ikukumpara sa pangmalas at ginagawa ng mga taong pabor sa digmaan. Habang sinusuportahan ng mga politiko at mga lider ng simbahan ang pakikipagdigma ng kani-kanilang bansa, ang mga Estudyante ng Bibliya naman ay pumanig sa “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa. 9:6) Kahit may mga hindi nanatiling neutral, nanghawakan pa rin sila sa paninindigang ipinahayag ng Estudyante ng Bibliya na si Konrad Mörtter, “Malinaw kong naunawaan mula sa Salita ng Diyos na ang isang Kristiyano ay hindi dapat pumatay.”—Ex. 20:13. *

Ginamit ni Hans Hölterhoff ang karitong ito para ianunsiyo ang The Golden Age

Sa Alemanya, kung saan ang batas ay walang probisyon ng eksemsiyon para sa mga ayaw magsundalo dahil sa budhi, mahigit 20 Estudyante ng Bibliya ang tumangging makisangkot sa militar. Ang ilan sa kanila ay itinuring na may-sakit sa isip, gaya ni Gustav Kujath, na ipinadala sa pagamutan ng mga baliw at pinainom ng droga. Si Hans Hölterhoff, na tumutol ding magsundalo, ay ipinadala sa bilangguan, kung saan tinanggihan niya ang lahat ng gawaing may kinalaman sa digmaan. Pinasuot siya ng mga guwardiya ng straitjacket at itinali ito nang mahigpit hanggang sa mamanhid ang kaniyang mga braso. Nang hindi nila masira ang kaniyang determinasyon, ang mga guwardiya ay nagsagawa ng kunwa-kunwariang pagbitay. Pero nanatiling matatag si Hans sa panahon ng digmaan.

Ang iba pang mga brother na ipinatawag para magsundalo ay tumangging humawak ng armas at humiling ng gawaing walang kaugnayan sa pakikipaglaban. * Ganiyan ang ginawa ni Johannes Rauthe at pinagtrabaho siya sa mga riles. Si Konrad Mörtter naman ay ginawang attendant sa isang ospital, at si Reinhold Weber ay nagtrabaho bilang nars. Nagpasalamat naman si August Krafzig na hindi siya ipinadala sa mismong labanan. Ang mga Estudyanteng ito ng Bibliya at iba pang tulad nila ay determinadong maglingkod kay Jehova ayon sa pagkaunawa nila sa pag-ibig at pagkamatapat.

Dahil sa kanilang paggawi noong panahon ng digmaan, ang mga Estudyante ng Bibliya ay sinubaybayan ng pamahalaan. Nang sumunod na mga taon, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Alemanya ay napaharap sa libo-libong kaso sa korte dahil sa kanilang pangangaral. Para tulungan sila, ang tanggapang pansangay sa Alemanya ay bumuo ng legal department sa Bethel sa Magdeburg.

Patuloy na nadalisay ang pagkaunawa ng mga Saksi ni Jehova sa isyu ng Kristiyanong neutralidad. Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, nanatili silang neutral sa pamamagitan ng pagiging lubusang hiwalay sa militar. Kaya naman itinuring silang kaaway ng pamahalaan ng Alemanya at pinag-usig nang matindi. Pero tatalakayin iyan ng isang artikulo sa seryeng “Mula sa Aming Archive” sa hinaharap.—Mula sa aming archive sa Central Europe.

^ par. 7 Tingnan ang ulat tungkol sa Britanong mga Estudyante ng Bibliya noong Digmaang Pandaigdig I sa artikulong “Mula sa Aming Archive—Nanindigan Sila sa ‘Oras ng Pagsubok’” sa Ang Bantayan, Mayo 15, 2013.

^ par. 9 Ito ang pagkilos na iminungkahi sa Tomo VI ng serye ng Millennial Dawn (1904) at sa edisyong Aleman ng Zion’s Watch Tower ng Agosto 1906. Dinalisay ng Watch Tower ng Setyembre 1915 ang ating pangmalas at iminungkahi nito na huwag nang sumali sa militar ang mga Estudyante ng Bibliya. Gayunman, ang artikulong ito ay hindi lumabas sa edisyong Aleman.