Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY

Napagtagumpayan ng Bibliya ang Pagkasira

Napagtagumpayan ng Bibliya ang Pagkasira

BANTA: Papiro at pergamino ang pangunahing pinagsusulatan noon ng mga manunulat at tagakopya ng Bibliya. * (2 Timoteo 4:13) Paano nanganib na maglaho ang Bibliya dahil sa mga materyales na ito?

Ang papiro ay madaling mapunit, kumupas, at rumupok. “Sa bandang huli ang isang piraso nito ay maaaring maging mga hibla na lang at sandakot na alabok,” ang sabi ng Ehiptologong sina Richard Parkinson at Stephen Quirke. “Kapag nakatago, ang balumbon ay maaaring magkaamag o mabulok at kainin ng mga daga o insekto, lalo na ng mga anay, kapag ibinaon.” Nang matuklasan ang ilang papiro at mahantad sa sobrang liwanag o halumigmig, mabilis itong nasira.

Mas matibay ang pergamino kaysa sa papiro, pero nasisira din ito kapag hindi naingatan o kaya ay nahantad sa matinding temperatura, halumigmig, o liwanag. * Kinakain din ng mga insekto ang pergamino. Kaya naman, ang mga sinaunang rekord, ayon sa aklat na Everyday Writing in the Graeco-Roman East ay bihirang makaligtas. Kung tuluyang nasira ang Bibliya, malamang na namatay rin ang mensahe nito.

KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Batay sa kautusang Judio, obligado ang bawat hari na ‘isulat sa isang aklat para sa kaniyang sarili ang isang kopya ng Kautusang ito,’ ang unang limang aklat ng Bibliya. (Deuteronomio 17:18) Isa pa, napakaraming manuskritong nagawa ang propesyonal na mga tagakopya kung kaya pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga Kasulatan ay matatagpuan sa mga sinagoga sa buong Israel at maging hanggang sa Macedonia! (Lucas 4:16, 17; Gawa 17:11) Paano naingatan ang ilang napakatandang manuskrito hanggang sa ngayon?

Ang mga manuskritong Dead Sea Scrolls ay daan-daang taóng naingatan sa mga bangang luwad na itinago sa mga kuwebang nasa tuyong klima

“Ang mga Judio ay kilaláng naglalagay ng mga balumbon ng Kasulatan sa mga pitsel o banga para maingatan ang mga ito,” ang sabi ng iskolar ng Bagong Tipan na si Philip W. Comfort. Lumilitaw na ipinagpatuloy ng mga Kristiyano ang kaugaliang iyan. Kaya naman, may ilang sinaunang manuskrito ng Bibliya na natagpuan sa mga bangang luwad, madidilim na silid at kuweba, at sa tuyong-tuyong mga rehiyon.

RESULTA: Libo-libong bahagi ng mga manuskrito ng Bibliya—ang ilan ay mahigit 2,000 taon na—ang naingatan hanggang sa ngayon. Wala nang ibang sinaunang teksto ang may ganito karami at katandang mga manuskrito.

^ par. 3 Ang papiro ay gawa sa halamang-tubig na papiro din ang pangalan. Ang pergamino naman ay gawa sa balat ng hayop.

^ par. 5 Halimbawa, ang opisyal at nilagdaang kopya ng U.S. Declaration of Independence ay isinulat sa pergamino. Ngayon, makalipas ang wala pang 250 taon, kumupas na ito at hindi na halos mabasa.