Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?

Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?

Naging biktima ka na ba o ang isang kapamilya mo ng karahasan? May dahilan ka bang matakot na baka mangyari ito sa iyo? Ang karahasan ay tinaguriang isang “lumalagong problemang pangkalusugan sa buong daigdig.” Tingnan ang ilang halimbawa.

KARAHASAN SA TAHANAN AT SA SEKSO: “Isa sa tatlong babae ang naging biktima na ng pisikal o seksuwal na karahasan ng kaniyang partner,” ayon sa ulat ng United Nations. Nakalulungkot, “tinatayang sa buong daigdig, isa sa limang babae ang magiging biktima ng panghahalay o tangkang panghahalay.”

KRIMEN SA LANSANGAN: Ayon sa ulat, mahigit 30,000 mararahas na gang ang aktibong gumagawa ng krimen sa United States. Sa Latin America, halos 1 sa bawat 3 katao ang iniulat na naging biktima ng marahas na krimen.

PAGPATAY: Tinatayang halos kalahating milyong tao ang pinatay noong 2012, mas marami pa kaysa sa napatay sa mga digmaan. Ang Southern Africa at Central America ang may pinakamataas na average ng pagpatay, mahigit apat na ulit na mas malaki sa average sa buong daigdig. Sa loob ng isang taon, mahigit 100,000 katao ang pinaslang sa Latin America, at mga 50,000 naman sa Brazil lamang. May permanenteng solusyon ba para sa karahasan?

MAPATITIGIL BA ANG KARAHASAN?

Bakit napakalaganap ng karahasan? Maraming sanhi ito, kabilang dito ang lumalagong tensiyon dahil sa di-pantay na katayuan sa lipunan at kabuhayan, pagkapoot sa iba, pag-abuso sa alak at droga, karahasang nakikita ng mga bata sa mga nakatatanda, at mga krimeng waring hindi naparurusahan.

Hindi maikakailang napigilan ang karahasan sa ilang bahagi ng daigdig. Sa mataong lunsod ng São Paulo, Brazil, iniulat na nabawasan nang mga 80 porsiyento ang bilang ng pagpatay sa nakalipas na dekada. Pero laganap pa rin sa lunsod na iyon ang lahat ng uri ng marahas na krimen, at ang bilang ng pagpatay ay nananatiling mga 10 sa bawat 100,000 residente. Ano ang kailangan para tuluyan nang matigil ang karahasan?

Ang permanenteng solusyon sa karahasan ay nakasalalay sa mga tao—sa kanilang saloobin at paggawi. Para makapagbago ang mga taong marahas, ang mga katangiang gaya ng pagmamataas, kasakiman, at pagkamakasarili ay dapat palitan ng pag-ibig, paggalang, at pagmamalasakit sa iba.

Ano ang maaaring magpakilos sa isang tao na gumawa ng gayong malalaking pagbabago? Pag-isipan ang mga itinuturo ng Bibliya:

  • “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.”—1 Juan 5:3.

  • “Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” *Kawikaan 8:13.

Ang pag-ibig sa Diyos at takot na hindi siya mapalugdan ay malakas na puwersang makatutulong kahit sa mga taong marahas na magbago—maging ng kanilang buong pagkatao. Talaga bang nangyayari ito?

Halimbawa, si Alex * ay nakulong nang 19 na taon sa Brazil dahil sa ilang kaso ng pambubugbog. Naging Saksi ni Jehova siya noong taóng 2000, pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Talaga bang nagbago na siya? Oo, at pinagsisihan ni Alex ang lahat ng ginawa niyang masama. Sinabi niya: “Minahal ko ang Diyos kasi ipinadama niya sa akin na talagang pinatawad na niya ako. Pasasalamat at pag-ibig kay Jehova ang nakatulong sa akin na magbagong-buhay.”

Si César, na taga-Brazil din, ay nasangkot sa panloloob at armadong pagnanakaw. Iyon ang naging buhay niya sa loob ng mga 15 taon. Ano ang nakapagpabago sa kaniya? Habang nakabilanggo, nakausap siya ng mga Saksi ni Jehova, at nakipag-aral siya ng Bibliya. Sinabi ni César: “Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng layunin ang buhay ko. Natutuhan kong ibigin ang Diyos. Natutuhan ko ring matakot sa kaniya—isang tamang pagkatakot na bumalik sa paggawa ng masama at mapalungkot si Jehova. Ayokong maging walang utang na loob sa kabaitan niya. Ang pag-ibig at takot na iyon ang nagpakilos sa akin na magbago.”

Alamin kung paano ka makapamumuhay sa isang daigdig na walang karahasan

Ano ang ipinakikita ng mga karanasang iyon? Na ang Bibliya ay may kapangyarihan na lubusang baguhin ang buhay ng mga tao—sa pamamagitan ng pagbago sa kanilang paraan ng pag-iisip. (Efeso 4:23) Sinabi pa ni Alex na binanggit kanina: “Ang natutuhan ko mula sa Bibliya ay parang malinis na tubig na ibinuhos sa akin, unti-unti akong nilinis nito sa pamamagitan ng pag-alis sa masasamang kaisipan. Mga bagay na hindi ko akalaing maaalis ko.” Oo, kapag pinupuno natin ng malinis na mensahe ng Bibliya ang ating isipan, maaari nitong alisin ang kasamaan. Ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihang linisin tayo. (Efeso 5:26) Dahil diyan, ang malupit at makasariling mga tao ay maaaring maging mabait at mapagpayapa. (Roma 12:18) Nagiging payapa ang buhay nila dahil sa pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya.—Isaias 48:18.

Natuklasan ng mahigit walong milyong Saksi ni Jehova sa 240 lupain ang susi para maalis ang karahasan. Natutuhan ng mga taong ito na iba’t iba ang lahi, pinagmulan, at antas ng buhay na ibigin ang Diyos, matakot sa kaniya, at ibigin ang isa’t isa, anupat mapayapa silang namumuhay bilang isang pambuong-daigdig na pamilya. (1 Pedro 4:8) Sila ang buháy na patotoo na posible ang isang daigdig na walang karahasan.

MALAPIT NA ANG ISANG DAIGDIG NA WALANG KARAHASAN!

Ang Bibliya ay nangangako na hindi na magtatagal at aalisin ng Diyos ang karahasan sa lupa. Ang marahas na daigdig sa ngayon ay mapapaharap sa “araw ng paghuhukom [ng Diyos] at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:5-7) Mawawala na ang mga taong mararahas na nagpapahirap sa iba. Paano tayo nakatitiyak na talagang gusto ng Diyos na pawiin ang karahasan?

“Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan” ng Diyos, ang sabi ng Bibliya. (Awit 11:5) Iniibig ng Maylalang ang kapayapaan at katarungan. (Awit 33:5; 37:28) Kaya hindi niya pahihintulutang manatili magpakailanman ang mga taong marahas.

Oo, malapit na ang isang mapayapang bagong sanlibutan. (Awit 37:11; 72:14) Bakit hindi alamin nang higit pa kung paano ka magiging kuwalipikadong mamuhay sa sanlibutang iyon na wala nang karahasan?

^ par. 12 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng makikita sa Bibliya.

^ par. 14 Binago ang mga pangalan.