TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Kung Bakit Nagtagumpay ang Bibliya
Nagtagumpay ang Bibliya. Kaya ngayon, may makukuha at mababasa kang kopya nito. At kapag isang magandang salin ng Kasulatan ang pinili mo, makatitiyak kang ang binabasa mo ay katulad na katulad ng nasa orihinal na mga akda. * Pero bakit napagtagumpayan ng Bibliya ang likas na pagkasira, matinding pagsalansang, at tangkang baguhin ang mensahe nito, na kadalasan ay sa kahanga-hangang paraan? Bakit napakaespesyal ng aklat na ito?
“Kumbinsido ako ngayon na ang taglay kong Bibliya ay isang regalo mula sa Diyos”
Maraming estudyante ng Bibliya ang nagkaroon ng konklusyong gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Naniniwala sila na ang Bibliya ay nagtagumpay dahil ito ang natatanging Salita ng Diyos at iniingatan ito ng Diyos hanggang sa ngayon. Si Faizal, na binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito, ay nagpasiyang suriin ang mga sinasabi tungkol sa Bibliya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Nagulat siya sa natuklasan niya. Nalaman niyang wala sa Bibliya ang maraming turo ng Sangkakristiyanuhan. Naantig din siya sa layunin ng Diyos sa lupa gaya ng sinasabi sa Bibliya.
“Kumbinsido ako ngayon na ang taglay kong Bibliya ay isang regalo mula sa Diyos,” ang sabi niya. “Kung nagawa ng Diyos ang uniberso, hindi ba’t kaya rin niyang bigyan tayo ng isang aklat at ingatan ito para sa atin? Kung hindi gayon, parang nililimitahan natin ang kapangyarihan ng Diyos. At sino naman ako para limitahan ang kapangyarihan ng Makapangyarihan-sa-lahat?”—Isaias 40:8.
^ par. 3 Tingnan ang artikulong “Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?” sa Mayo 1, 2008, isyu ng magasing ito.