Alam Mo Ba?
Ano ang di-pangkaraniwan sa pakikitungo ni Jesus sa mga ketongin?
Kinatatakutan ng mga Judio noon ang isang uri ng ketong na karaniwan noong panahon ng Bibliya. Kinakain ng nakapangingilabot na sakit na iyon maging ang mga nerbiyo ng may sakit at nagdudulot iyon ng permanenteng pinsala at pagkasira sa ilang bahagi ng katawan. Wala pang gamot noon sa ketong. Ang mga nagkakaroon nito ay ikinukuwarentenas at obligadong magbabala sa iba tungkol sa kanilang kalagayan.—Levitico 13:45, 46.
Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay nagdagdag ng mga tuntunin tungkol sa ketong na wala naman sa Kasulatan, na lalong nagpahirap sa mga ketongin. Halimbawa, ipinagbawal ng mga tuntuning rabiniko ang paglapit sa isang ketongin nang hanggang 4 na siko (mga 2 metro). Pero kapag humahangin, walang sinuman ang dapat lumapit sa kaniya nang hanggang 100 siko (mga 45 metro). Sinasabi ng Kasulatan na ang mga ketongin ay dapat manirahan sa “labas ng kampo,” pero binigyang-kahulugan ito ng ilang Talmudista na ang mga ketongin ay dapat manirahan sa labas ng mga napapaderang lunsod. Kaya kapag nakita ng isang rabbi ang isang ketongin sa loob ng lunsod, babatuhin niya ito at sasabihin: “Umuwi ka sa inyo, at huwag mong dumhan ang ibang tao.”
Ibang-iba ang paraan ni Jesus! Sa halip na itaboy ang mga ketongin, hindi siya takót na hawakan sila—at pinagaling pa nga niya sila.—Mateo 8:3.
Sa anong mga saligan pinapayagan ng mga Judiong lider ng relihiyon ang diborsiyo?
Ang diborsiyo ay pinagdedebatihan ng mga lider ng relihiyon noong unang siglo C.E. Kaya naman minsan, tinanong ng ilang Pariseo si Jesus para subukin siya: “Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?”—Mateo 19:3.
Pinapayagan ng Kautusang Mosaiko ang isang lalaki na diborsiyuhin ang kaniyang asawa kung “nakasumpong siya sa kaniya ng isang bagay na marumi.” (Deuteronomio 24:1) Noong panahon ni Jesus, may dalawang magkaibang rabinikong interpretasyon tungkol sa kautusang iyan. Ayon sa Shammai, na mas istrikto, ang tanging makatuwirang saligan para sa diborsiyo ay “karumihan,” o pangangalunya. Sinasabi naman ng Hillel na maaaring makipagdiborsiyo ang isang lalaki salig sa anumang di-pagkakasundo ng mag-asawa, gaano man ito kaliit. Ayon dito, maaari nang diborsiyuhin ng lalaki ang kaniyang asawa kapag hindi niya nagustuhan ang pagkaing inihanda nito o kapag may nakita siyang mas magandang babae.
Paano sinagot ni Jesus ang tanong ng mga Pariseo? Malinaw niyang sinabi: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”—Mateo 19:6, 9.