BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Ilang Ulit Akong Nabigo Bago Nagtagumpay
-
ISINILANG: 1953
-
BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA
-
DATING NAADIK SA PORNOGRAPYA
ANG AKING NAKARAAN:
Mula sa Germany, nandayuhan sa Australia ang tatay ko noong 1949. Naghanap siya ng trabaho sa minahan at mga planta ng kuryente, at nanirahan sa Victoria. Napangasawa niya roon si Nanay, at ipinanganak ako noong 1953.
Pagkalipas lang ng ilang taon, nakipag-aral ng Bibliya si Nanay sa mga Saksi ni Jehova, kaya mga turo ng Bibliya ang ilan sa alaala ko noong bata pa ako. Pero sarado ang isip ni Tatay sa anumang relihiyon. Naging marahas siya at siga, kaya takot na takot sa kaniya si Nanay. Palihim na ipinagpatuloy ni Nanay ang pag-aaral ng Bibliya hanggang sa minahal niya ang mga turo nito. Kapag wala si Tatay, itinuturo niya sa amin ng kapatid kong babae ang mga natututuhan niya. Sinasabi niya sa amin ang tungkol sa isang paraisong lupa sa hinaharap at kung paano kami magiging maligaya kapag sinunod namin ang mga pamantayan ng Bibliya sa paggawi.—Awit 37:10, 29; Isaias 48:17.
Sa edad na 18, napilitan akong lumayas sa bahay dahil sa pagiging marahas ni Tatay. Naniniwala ako sa mga itinuro sa akin ni Nanay mula sa Bibliya, pero hindi ko iyon pinahalagahan kaya hindi ko naisabuhay. Nagtrabaho ako bilang elektrisyan sa isang minahan ng karbon. Nag-asawa ako sa edad na 20. Pagkalipas ng tatlong taon, ipinanganak ang panganay naming babae, noon ko napag-isip-isip kung ano ang mahalaga sa aking buhay. Alam kong makatutulong ang Bibliya sa pamilya namin, kaya nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero galit na galit ang misis ko sa mga Saksi. Nang dumalo ako sa pulong nila, binigyan niya ako ng ultimatum—itigil ko ang pag-aaral ng Bibliya o lumayas ako. Wala akong nagawa kundi maging sunod-sunuran sa gusto niya kaya hindi na ako nakipag-usap sa mga Saksi. Nang maglaon, pinagsisihan ko na hindi ko napanindigan ang alam kong tama.
Isang araw, may ipinakita sa akin ang mga katrabaho ko na mahahalay na larawan. Nakakaaliw pero nakakapandiri, at talagang nakonsensiya ako. Dahil tanda ko pa ang mga natutuhan ko sa Bibliya, naiisip kong parurusahan ako ng Diyos. Pero habang lalo akong nahahantad sa malalaswang larawan, unti-unting nagbago ang pananaw ko sa pornograpya. Nang bandang huli, naadik ako rito.
Sa sumunod na 20 taon, lalo akong naanod palayo sa mga pamantayang itinuro ni Nanay. Makikita sa aking mga ginagawa
kung ano ang ipinapasok ko sa aking isip. Naging bulgar ang pananalita ko, at bastos akong magbiro. Naging pilipit ang pananaw ko sa sex. Kahit nagsasama pa kami ng misis ko, nambababae ako. Isang araw, nanalamin ako at nasabi ko, ‘Ayoko sa iyo.’ Ang aking paggalang sa sarili ay napalitan ng pagkamuhi sa sarili.Naghiwalay kami ng misis ko, at naging sirang-sira ang buhay ko. Pagkatapos, taimtim akong nanalangin kay Jehova. Pagkalipas ng dalawang dekada, muli akong nag-aral ng Bibliya. Noong panahong iyon, patay na si Tatay, at nabautismuhan na si Nanay bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Napakalayo ng pamumuhay ko sa matataas na pamantayan ng Bibliya. Pero sa pagkakataong ito, determinado akong magkaroon ng kapayapaan ng isip na ipinangangako ng Bibliya. Sinikap kong linisin ang aking pananalita at maging mahinahon. Ipinasiya ko ring ihinto ang aking imoral na pamumuhay, pagsusugal, paglalasing, at pagnanakaw sa amo ko.
Hindi maintindihan ng mga katrabaho ko kung bakit gusto kong magbago. Sa loob ng tatlong taon, patuloy nila akong binubuyong magbalik sa dati kong buhay. Kapag nadudupilas ako, halimbawa, sumisiklab sa galit o nagmumura, tuwang-tuwa silang nagsisigawan: “Sa wakas, nagbalik na ang dating Joe!” Napakasakit marinig ng mga salitang iyon! Madalas pakiramdam ko, bigo ako.
Nagkalat ang pornograpya sa trabaho ko, sa computer man o mga babasahin. Laging nagpapasahan ng mahahalay na larawan sa kanilang mga computer ang mga katrabaho ko, gaya ng ginagawa ko dati. Sinisikap kong makakawala sa aking adiksiyon, pero parang determinado silang mabigo ako. Humingi ako ng tulong at pampatibay-loob sa nagtuturo sa akin sa Bibliya. Matiyaga siyang nakinig habang sinasabi ko ang aking niloloob. Gamit ang espesipikong mga teksto sa Bibliya, ipinakita niya sa akin kung paano ko haharapin ang aking adiksiyon, at hinimok niya akong patuloy na humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin.—Awit 119:37.
Isang araw, ipinatawag ko ang mga tauhan ko sa trabaho. Nang naroon na sila, sinabi kong bigyan ng beer ang dalawang katrabaho naming umaming alkoholiko. Nagprotesta ang grupo at sinabi: “Huwag naman! Gusto nga nilang huminto sa pag-inom, e!” Sumagot ako: “Tama, at gan’yan din ako.” Mula noon, naintindihan nilang pinaglalaban ko rin ang pornograpya at hindi na nila ako pinilit na bumalik sa dati kong buhay.
Nang maglaon, sa tulong ni Jehova, napagtagumpayan ko ang pornograpya. Noong 1999, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova, at lubos na nagpapasalamat na nabigyan ako ng ikalawang pagkakataon para mamuhay nang disente at maligaya.
Naiintindihan ko na ngayon kung bakit kinapopootan ni Jehova ang mga bagay na kinahumalingan ko sa loob ng mahabang panahon. Bilang mapagmahal na Ama, gusto niyang ingatan ako mula sa pinsalang dulot ng pornograpya. Totoong-totoo ang sinasabi sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ang mga pamantayan ng Bibliya ay hindi lang proteksiyon, ginagarantiyahan din nito ang tagumpay.—Awit 1:1-3.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Noon, hindi ko matanggap ang aking sarili, pero ngayon panatag na ako at may paggalang sa sarili. Malinis na ang pamumuhay ko at damang-dama ko ang pagpapatawad at tulong ni Jehova. Noong 2000, napangasawa ko si Karolin, isang sister na umiibig din kay Jehova tulad ko. Mapayapa ang tahanan namin. Isang pribilehiyo para sa amin na maging bahagi ng malinis at mapagmahal na Kristiyanong kapatiran sa buong daigdig.