TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Napagtagumpayan ng Bibliya ang Pagsalansang
BANTA: Maraming lider ng politika at relihiyon ang nagpakana ng mga planong salungat sa mensahe ng Bibliya. Kadalasan, ginagamit nila ang kanilang awtoridad para hindi magkaroon, makagawa, o makapagsalin ng Bibliya ang mga tao. Pansinin ang dalawang halimbawa:
-
Mga 167 B.C.E.: Dahil gusto niyang ipilit sa mga Judio ang relihiyong Griego, ipinag-utos ng haring Seleucido na si Antiochus Epiphanes na sirain ang lahat ng kopya ng Hebreong Kasulatan. “Pinupunit at sinusunog [ng kaniyang mga opisyal] ang mga balumbon ng Kautusan kapag nasusumpungan nila ang mga ito, at pinapatay ang mga naghahanap ng lakas at kaaliwan sa pagbabasa nito,” ang isinulat ng istoryador na si Heinrich Graetz.
-
Edad Medya: Nagalit ang ilang lider na Katoliko dahil mga turo ng Bibliya ang ipinangangaral ng mga lego sa halip na mga turong Katoliko, kaya itinuring nilang mga erehe ang sinumang may mga aklat ng Bibliya na hindi Mga Awit sa wikang Latin. Inutusan ng isang konsilyo ng simbahan ang kanilang mga tauhan na “masugid at walang-lubay na tugisin ang mga erehe . . . sa pamamagitan ng paghahalughog sa lahat ng bahay at mga silid sa ilalim ng lupa na pinaghihinalaang may mga aklat ng Bibliya. . . . Ang bahay ng sinumang erehe ay wawasakin.”
Kung nagtagumpay ang mga kaaway ng Bibliya na pawiin ito, posibleng naglaho rin ang mensahe nito.
KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Ipinokus ni Haring Antiochus ang kaniyang kampanya sa Israel, pero ang mga Judio ay nakabuo na noon ng mga komunidad sa iba’t ibang lupain. Sa katunayan, tinataya ng mga iskolar na pagsapit ng unang siglo C.E., mahigit 60 porsiyento na ng mga Judio ang nakatira sa labas ng Israel. Sa kanilang mga sinagoga, ang mga Judio ay nag-ingat ng mga kopya ng Kasulatan—ang mga Kasulatan ding ito ang ginamit ng sumunod na mga henerasyon, pati na ng mga Kristiyano.—Gawa 15:21.
Noong Edad Medya, sinuong ng mga may pag-ibig sa Bibliya ang pag-uusig at patuloy na isinalin at kinopya ang Kasulatan. Bago pa man naimbento ang palimbagan noong kalagitnaan ng ika-15 siglo, ang mga bahagi ng Bibliya ay maaaring nababasa na sa mga 33 wika. Mula noon, mabilis na naisalin at nagawa ang Bibliya.
RESULTA: Sa kabila ng mga banta mula sa makapangyarihang mga hari at klerigo, ang Bibliya ang pinakamalawak na naipamahagi at naisaling aklat sa kasaysayan. Malaki ang naging impluwensiya nito sa batas at wika ng ilang bansa, pati na sa buhay ng milyon-milyon.