Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maingat na kinopya ng mga Masorete ang Kasulatan

TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY

Napagtagumpayan ng Bibliya ang Tangkang Baguhin ang Mensahe Nito

Napagtagumpayan ng Bibliya ang Tangkang Baguhin ang Mensahe Nito

BANTA: Hindi nalipol ng bantang pagkasira at pagsalansang ang Bibliya. Pero tinangka ng ilang tagakopya at tagapagsalin na baguhin ang mensahe nito. Kung minsan, sinisikap nilang isunod sa kanilang mga doktrina ang Bibliya sa halip na ang mga doktrina nila ang isunod sa Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa:

  • Lugar ng pagsamba: Sa pagitan ng ikaapat at ikalawang siglo B.C.E., isiningit ng mga manunulat ng Samaritan Pentateuch sa dulo ng Exodo 20:17 ang pananalitang “sa Aargaareezem. At magtatayo ka roon ng isang altar.” Sa gayon, umaasa ang mga Samaritano na mapalilitaw nilang sinusuportahan ng Kasulatan ang pagtatayo nila ng templo sa “Aargaareezem,” o Bundok Gerizim.

  • Doktrina ng Trinidad: Wala pang 300 taon matapos makumpleto ang Bibliya, isang manunulat na nagtataguyod ng Trinidad ang nagdagdag sa 1 Juan 5:7 ng pananalitang “sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.” Wala iyan sa orihinal na teksto. “Mula noong ikaanim na siglo,” ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si Bruce Metzger, ang mga salitang iyon ay “mas madalas nang lumilitaw sa mga manuskrito ng Old Latin at ng [Latin] Vulgate.”

  • Pangalan ng Diyos: Ginagamit ang isang pamahiing Judio bilang kanilang awtoridad, nagpasiya ang maraming tagapagsalin ng Bibliya na alisin ang pangalan ng Diyos sa Kasulatan. Pinalitan nila ang pangalang iyon ng mga titulong gaya ng “Diyos” o “Panginoon,” mga pananalitang ginamit sa Bibliya hindi lang para sa Maylalang kundi para din sa mga tao, mga pinag-uukulan ng huwad na pagsamba, at maging sa Diyablo.—Juan 10:34, 35; 1 Corinto 8:5, 6; 2 Corinto 4:4. *

KUNG PAANO NAGTAGUMPAY ANG BIBLIYA: Una, kahit may mga tagakopya ng Bibliya na hindi maingat o mapanlinlang pa nga, marami naman ang dalubhasa at metikuloso. Sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E., kinopya ng mga Masorete ang Hebreong Kasulatan at nakilala iyon bilang ang tekstong Masoretiko. Iniulat nila na binilang nila ang mga salita at mga letra para matiyak na walang nakalusot na pagkakamali. Kapag inaakala nilang may mali sa master text na ginagamit nila, isinusulat nila ang mga ito sa margin. Ayaw ng mga Masorete na baguhin ang teksto ng Bibliya. “Kung sasadyain nilang baguhin ito,” ang isinulat ni Propesor Moshe Goshen-Gottstein, “para sa kanila, iyan ang pinakamabigat na krimeng magagawa nila.”

Ikalawa, sa dami ng mga manuskrito ngayon, nakatulong ito sa mga iskolar ng Bibliya na makita ang mga kamalian. Halimbawa, itinuro ng mga lider ng relihiyon sa loob ng daan-daang taon na ang mga bersiyon nila sa wikang Latin ang naglalaman ng orihinal na teksto ng Bibliya. Pero sa 1 Juan 5:7, isiningit nila ang mga salitang binanggit kanina sa artikulong ito. Ang kamaliang iyon ay nakapasok pa nga sa maimpluwensiyang King James Version sa wikang Ingles! Pero nang matuklasan ang ibang manuskrito, ano ang isiniwalat ng mga ito? Isinulat ni Bruce Metzger: “Ang pananalita [sa 1 Juan 5:7] ay wala sa mga manuskrito ng lahat ng sinaunang bersiyon (Syriac, Coptic, Armenian, Ethiopic, Arabic, Slavonic), maliban sa Latin.” Dahil diyan, inalis ng nirebisang edisyon ng King James Version at ng iba pang Bibliya ang maling parirala.

Chester Beatty P46, isang papirong manuskrito ng Bibliya mula noong mga 200 C.E.

Pinatutunayan ba ng mas matatandang manuskrito na naingatan ang mensahe ng Bibliya? Dahil sa natuklasan ang Dead Sea Scrolls noong 1947, maikukumpara na ng mga iskolar ang Hebreong tekstong Masoretiko at ang nilalaman ng mga balumbon ng Bibliya na mahigit sanlibong taon nang naisulat. Isang miyembro ng editorial team ng Dead Sea Scrolls ang nagsabi na ang isang balumbon ay naglalaan na ng “di-matututulang katibayan na ang pagkopya ng mga tagakopyang Judio sa teksto ng Bibliya sa loob ng mahigit isang libong taon ay lubos na tapat at maingat.”

Ang Chester Beatty Library sa Dublin, Ireland, ay nagtatampok ng isang koleksiyon ng mga papiro na kumakatawan sa halos lahat ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, pati na ng mga manuskritong may petsang mula noong ikalawang siglo C.E.—mga 100 taon lang pagkatapos makumpleto ang Bibliya. “Bagaman ang mga papiro ay naglalaan ng maraming bagong impormasyon tungkol sa mga detalye ng teksto,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary, “makikita rin sa mga ito na kahanga-hangang hindi nagbago ang teksto ng Bibliya sa buong kasaysayan ng pagkopya nito.”

“Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan”

RESULTA: Sa halip na mabago ang teksto ng Bibliya, nakatulong pa nga rito ang matatanda at maraming manuskrito ng Bibliya. “Walang ibang sinaunang aklat ang may gayon katanda at karaming patotoo sa teksto nito,” ang isinulat ni Sir Frederic Kenyon tungkol sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, “at walang patas na iskolar ang makapagkakaila na ang tekstong dumating sa atin ay tumpak sa kabuoan.” At tungkol sa Hebreong Kasulatan, sinabi ng iskolar na si William Henry Green: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.”

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Appendix A4 at A5 sa New World Translation of the Holy Scriptures, na available sa www.jw.org.