“Nasaan ang Diyos?”
“ANG LAGING ITINATANONG AY: NASAAN ANG DIYOS?”—Pope Benedict XVI, noong bumisita siya sa dating kampong piitan sa Auschwitz, Poland.
KAPAG MAY TRAHEDYA, NAITATANONG MO BA, ‘NASAAN ANG DIYOS?’ O KAPAG NAKARANAS KA NG MASAKLAP NA PANGYAYARI, NAIISIP MO BA KUNG TALAGANG NAGMAMALASAKIT SA IYO ANG DIYOS?
Baka pareho kayo ni Sheila, na nakatira sa United States. Lumaki siya sa relihiyosong pamilya. Ang sabi niya: “Mula pagkabata, interesado na ako sa Diyos dahil siya ang ating Maylikha. Pero hindi ako napalapít sa kaniya. Inisip kong pinagmamasdan niya ako, pero sa malayo lang. Hindi ko inisip na galít sa akin ang Diyos, pero hindi ko rin naramdamang nagmamalasakit siya sa akin.” Bakit kaya nag-aalinlangan si Sheila? Ipinaliwanag niya: “Sunod-sunod ang trahedya sa pamilya namin, at para kaming pinabayaan ng Diyos.”
Tulad ni Sheila, baka kumbinsido ka naman na may Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Pero baka iniisip mo kung nagmamalasakit siya sa iyo. Ang matuwid na si Job, na may pananampalataya sa kapangyarihan at karunungan ng Maylikha, ay nag-alinlangan din. (Job 2:3; 9:4) Nang dumanas siya ng sunod-sunod na trahedya—na parang walang katapusan—tinanong niya ang Diyos: “Bakit mo ako tinatalikuran at itinuturing na kaaway?”—Job 13:24.
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya? Diyos ba ang dapat sisihin kapag may mga trahedya? May mga katibayan ba na nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao sa pangkalahatan at sa bawat isa sa atin? Bilang indibiduwal, posible bang malaman kung talagang napapansin at nauunawaan niya tayo? May empatiya ba siya sa atin? Tinutulungan ba niya tayo sa mga problema natin?
Sa susunod na mga artikulo, tatalakayin natin kung paano ipinakikita ng paglalang na nagmamalasakit sa atin ang Diyos. (Roma 1:20) Pagkatapos, susuriin natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol diyan. Habang ‘nakikilala mo siya’ sa pamamagitan ng mga likha niya at ng kaniyang Salita, mas makapagtitiwala ka na ‘siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Juan 2:3; 1 Pedro 5:7.