Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa 1 Tesalonica Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

 1 TESALONICA 1:8 “salita ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “salita ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos.—Tingnan ang paliwanag sa Gawa 8:25.

REPERENSIYA:

  • Tingnan ang sinasabi ng ilang reperensiya tungkol sa ekspresyong Griego para sa “salita ng Panginoon” sa talatang ito:

  • “Karaniwan ang ekspresyong ito sa Lumang Tipan at sa Gawa, pero sa mga sulat [ni Pablo], dito lang ito lumitaw at sa 2 Tesalonica 3:1. Pero gumamit si Pablo ng katulad na mga ekspresyon gaya ng ‘ang salita,’ ‘ang salita ng Diyos,’ ‘ang ebanghelyo ng Diyos.’ Ang salita ay tumutukoy sa ebanghelyo, at ang awtor nito ay ‘ang Panginoon’ . . . Gaya ng sa iba pang bahagi ng Bagong Tipan, hindi malinaw kung sino ang tinutukoy na Panginoon, dahil parehong tinatawag na Panginoon ang Ama at ang Anak (Jesus). Pero dito, makatuwirang isipin na ang tinutukoy ay ang Ama.” Ganito ang sinabi ng komentaryong ito tungkol sa 1 Tesalonica 1:1: “Ang unang maiisip na basehan para malaman kung sino ang tinutukoy niya sa paggamit [ng terminong “Panginoon”] . . . ay ang LXX [Septuagint], kung saan ‘Panginoon’ ang madalas na ipinanunumbas sa Hebreong Yahweh, na pangalan ng Diyos.”—New International Biblical Commentary—1 and 2 Thessalonians, ni David J. Williams, 1992, pahina 24, 31.

  • “Ang katumbas ng ekspresyon sa Lumang Tipan para sa ‘salita ng PANGINOON’ (ihambing ang Isaias 38:4–5) ay maraming beses na ginamit sa Gawa para tumukoy sa lumalaganap na ebanghelyo (Gawa 8:25; 13:44, 48–49; 15:35–36; 16:32; 19:10, 20).” Ganito ang mababasa sa tinutukoy ditong teksto, ang Isaias 38:4: “At sinabi [lit., “ito ang salita”] ni Jehova kay Isaias.”—The Expositor’s Bible Commentary: Ephesians-Philemon, Nirebisang Edisyon, na inedit ni Tremper Longman III at David E. Garland, 2006, Tomo 12, pahina 382.

  • “Ang ‘salita ng Panginoon’ ay isang ekspresyon sa Lumang Tipan na kadalasan nang tumutukoy sa isang hula mula sa Diyos (halimbawa, Genesis 15:1, Isaias 1:10, Jonas 1:1 [Ginamit sa tatlong tekstong ito ang ekspresyong “salita ni Jehova.”]).”—The NET Bible, New English Translation, Ikalawang Edisyon, 1996-2017, pahina 2233.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 17, 18, 22, 23, 32, 33, 48, 65, 94, 95, 100, 101, 106, 125, 144, 146, 167, 310, 322-324

1 TESALONICA 4:6 “dahil pinaparusahan ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “dahil ang Panginoon ang tagapaghiganti”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Makikita sa konteksto na ang Diyos ang tinutukoy dito na “Panginoon.” Sa talata 7, sinabi ni Pablo na “tinawag . . . ng Diyos” ang mga Kristiyano “para maging banal,” at sa talata 8, sinabi niya na ang mga gumagawa ng seksuwal na imoralidad ay ‘bumabale-wala sa Diyos.’ Ang ekspresyong Griego para sa “pinaparusahan” ay puwede ring isaling “ang tagapaghiganti.” (Ihambing ang Roma 13:4, kung saan ang salitang Griegong ito ay isinaling “isang tagapaghiganti.”) Sa Roma 12:19, gumamit si Pablo ng kaugnay na salitang Griego para sa “paghihiganti,” kung saan sinipi niya ang sinabi ni Jehova sa Deuteronomio 32:35: “Akin ang paghihiganti.” Ito rin ang salitang Griego na ginamit ng Septuagint sa Awit 94:1 (93:1, LXX), kung saan tinawag si Jehova na “Diyos ng paghihiganti.” Lumilitaw na ang sinabi ni Pablo dito sa 1 Tesalonica 4:6 ay kinuha niya sa Awit 94:1. Gayundin, napansin ng mga iskolar na sa 1 Tesalonica 4:6, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os dito ay katumbas ng isang pantanging pangalan, gaya ng sa marami pang ibang teksto.

REPERENSIYA:

  • Tingnan ang sumusunod na mga komentaryo sa talatang ito:

  • “Malamang na ang ‘Panginoon’ na tinutukoy dito ni Pablo ay ang ‘Diyos’ at hindi si Jesus, dahil ang sumunod na mga sinabi niya ay tungkol sa Diyos.”—The New Interpreter’s Bible, 2000, Tomo XI, pahina 719.

  • “Ipinapaalala sa paraan ng pagkakasabi ng babalang ito na ang Panginoon ay isang ‘tagapaghiganti’ (NIV, “magpaparusa”). Posibleng maisip na ang ‘Panginoon’ dito ay tumutukoy sa Panginoong Jesus (na karaniwan sa Bagong Tipan). Pero sa Lumang Tipan, madalas na sabihing ang Diyos ang tagapaghiganti (hal., Deuteronomio 32:35), at makikita rin ang ideyang iyan sa Bagong Tipan. Kaya mukhang mas makatuwiran itong basehan sa pag-unawa sa tekstong ito.”—The First and Second Epistles to the Thessalonians, Nirebisang Edisyon, ni Leon Morris, 1991, pahina 124.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 17, 18, 22-24, 32, 34, 43, 65, 90, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 126, 145-147, 154, 230, 310, 322-324

1 TESALONICA 4:15 “ayon sa salita ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “sa salita ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. (Tingnan ang paliwanag sa Gawa 8:25 at  1 Tesalonica 1:8.) Ang isang halimbawa kung saan lumitaw ang eksaktong ekspresyong Griego na ito ay ang salin ng Septuagint sa 1 Hari 13:5, kung saan ang mababasa sa orihinal na tekstong Hebreo ay “ayon sa salita ni Jehova.” Ginamit din ang ekspresyong ito sa 1 Hari 13:1, 2, 32; 20:35 (21:35, LXX). Isa pa, dahil sa kawalan ng tiyak na pantukoy bago ang salitang Griego para sa “Panginoon,” makatuwirang gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 1 Tesalonica 4:15 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit sa Bagong Tipan para tumukoy kay Yahweh o sa Diyos.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 17, 18, 24, 32, 33, 48, 65, 94, 95, 100, 101, 106, 115, 127, 146, 310, 323, 324

1 TESALONICA 5:2 “araw ni Jehova”

Kingdom Interlinear: “araw ng Panginoon”

DAHILAN SA PAGBABALIK NG PANGALAN NG DIYOS: Ang ekspresyong “araw ni Jehova” ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “araw” at ng pangalan ng Diyos. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa Isaias 13:6, 9; Ezekiel 30:3; Joel 1:15; 2:11, 31; 3:14; Amos 5:18; Obadias 15; Zefanias 1:14; Zacarias 14:1; Malakias 4:5.) Noong Pentecostes 33 C.E., sumipi si Pedro mula sa Joel 2:31, kung saan binanggit ng propeta ang pagdating ng “dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova.” (Tingnan ang study note sa Gawa 2:20.) Kapansin-pansin din na sa 1 Tesalonica 5:2, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os (Panginoon), na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan.

REPERENSIYA:

  • Tingnan ang sinasabi ng ilang reperensiya tungkol sa ekspresyong Griego para sa “araw ng Panginoon”:

  • “Ang Araw ng Panginoon (na sinasabing araw ni YHWH) ay ang araw kung kailan ipagtatanggol ni YHWH ang mga matuwid at hahatulan ang mga di-matuwid.”—The New Interpreter’s Bible, 2000, Tomo XI, pahina 726.

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 1 Tesalonica 5:2 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit sa Bagong Tipan para tumukoy kay Yahweh o sa Diyos.”

  • “Ng Panginoonkurios = Jehova.”—Vine’s Expository Commentary on 1 & 2 Thessalonians, nina W. E. Vine at C. F. Hogg, 1997, pahina 112.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 14, 16-18, 22-24, 31-33, 61, 65, 66, 88, 90, 94-96, 100, 101, 106, 115, 128, 145-147, 236, 250, 260, 322-324