Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa 1 Corinto Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

1 CORINTO 4:4 “ang sumusuri sa akin ay si Jehova”

DAHILAN: “Panginoon” (Kyʹri·os) ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang titulong “Panginoon” ay kadalasan nang tumutukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo, depende sa konteksto. Sa talatang ito, ang tinutukoy ay ang Diyos na Jehova. Makikita sa konteksto na hindi nababahala si Pablo sa paghatol ng mga tao na wala namang awtoridad pero para bang nasa “hukuman” para hatulan siya. Hindi rin siya nagtiwala kahit sa tingin niya sa sarili niya. (1 Corinto 4:1-3) Sa Hebreong Kasulatan, ipinapakita na ang Diyos na Jehova ang sumusuri sa mga lingkod niya. (Awit 26:2; 66:10; 139:23; Kawikaan 21:2; Jeremias 20:12) Kaya tama lang na sabihin ni Pablo na si Jehova ang sumusuri sa kaniya. Napansin din ng mga iskolar na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan sa kontekstong ito, gaya sa maraming iba pang talata. Kaya ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan at ang kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy ay makatuwirang mga basehan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa talatang ito.—Tingnan ang Apendise C1.

REPERENSIYA:

  • Sa pahina 90 ng A Handbook on Paul’s First Letter to the Corinthians, nina Paul Ellingworth at Howard A. Hatton, 1994, ganito ang sinabi tungkol sa 1 Corinto 4:4: “Ang pandiwang humahatol ay salin din para sa anakrinō at posibleng tumutukoy pa rin sa pagsusuri, pero sa pagkakataong ito, sa pagsusuri ng Diyos. Ang Panginoon ay walang tiyak na Griegong pantukoy, kaya lumilitaw na ang kahulugan nito ay ‘Ang Panginoon lang ang may karapatang sumuri sa akin.’”

  • Mababasa sa pahina 75 ng aklat na The First Epistle of Paul the Apostle to the Corinthians, na inedit ni John Parry, 1916, tungkol sa paglitaw ng Kyʹri·os (Panginoon) sa 1 Corinto 4:4: “Kapansin-pansin na gumagamit lang si San Pablo ng κύριος [Kyʹri·os ] na walang tiyak na pantukoy kung sinisipi niya o ginagamit na reperensiya ang Lumang Tipan gamit ang salin ng LXX [Septuagint] o kung ito ay kasunod ng isang pang-ukol at nasa anyong genitive na may kasamang salita na tumatayo bilang pangngalan at wala talagang pantukoy: maliban dito at sa Roma 14:6. Kung ang κύριος [Kyʹri·os] sa dalawang tekstong ito [Roma 14:6; 1 Corinto 4:4] ay tumutukoy kay Kristo, mahirap maintindihan kung bakit hindi ito nilagyan ng pantukoy. Kaya mas makatuwirang isipin na hindi ito nilagyan ng pantukoy dahil idiniriin nito ang karapatang sumuri o humatol ng binanggit na indibidwal—‘Ang sumusuri sa akin ay ang Panginoon.’”

  • Sinasabi ng NIV Faithlife Study Bible, 2017, tungkol sa 1 Corinto 4:4: “Hindi siya [si Pablo] umaasa sa sinasabi ng konsensiya niya tungkol sa katapatan niya, kundi sa sinasabi ng Diyos.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 17, 18, 23, 24, 28-33, 41, 65, 66, 93, 95, 100, 106, 115, 125, 138, 139, 146, 187, 310, 323, 324

1 CORINTO 4:19 “kung loloobin ni Jehova”

DAHILAN: Sa karamihan ng mga manuskritong Griego, ang literal na mababasa sa 1 Corinto 4:19 ay “kung loloobin ng Panginoon,” at isinasalin din ang ekspresyong ito na “kung gusto ng Panginoon.” Dito, makikita sa konteksto na ang Panginoon ay tumutukoy sa Diyos. Sa katulad na mga ekspresyong makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, parehong ginagamit ang terminong Kyʹri·os (Panginoon) at ang terminong The·osʹ (Diyos). (Gawa 18:21; 21:14; 1 Corinto 16:7; Hebreo 6:3; Santiago 4:15) Sa Septuagint, ang pandiwang Griego na isinalin ditong “loloobin” at ang pangngalang Griego para sa “kalooban” ay madalas gamitin kapag isinasalin ang mga ekspresyon sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Gayundin, may ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit dito ng Tetragrammaton. Kaya dahil sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan at sa kahawig na mga ekspresyong lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, angkop lang na gamitin dito ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Gawa 18:21; 21:14; Santiago 4:15.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 1 Corinto 4:19 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The Anchor Yale Bible—First Corinthians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Joseph A. Fitzmyer, 2008, (Tomo 32) tungkol sa 1 Corinto 4:19: “Ang Kyrios sa ekspresyong ito ay malinaw na tumutukoy sa Diyos, hindi sa binuhay-muling si Kristo.”

  • Sinasabi ng NIV Cultural Backgrounds Study Bible, nina John H. Walton at Craig S. Keener, 2016, tungkol sa ekspresyong “kung loloobin ng Panginoon” sa 1 Corinto 4:19: “Gumagamit kung minsan ang mga Judio at Gentil ng pariralang ‘Kung loloobin ng Diyos . . .’ para sa mga plano nila.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 17, 22, 23, 28-32, 41, 65, 93, 94, 100, 101, 106, 115, 145-147, 163, 323, 324

1 CORINTO 7:17 “ang bawat isa ayon sa kalagayang ibinigay sa kaniya ni Jehova”

DAHILAN: Maliwanag sa konteksto na tumutukoy ito sa Diyos. Ang pandiwang Griego na me·riʹzo, na isinalin ditong “kalagayang ibinigay,” ay ginamit din sa ibang teksto sa kaparehong diwa, kung saan ang Diyos ang gumagawa ng aksiyon. Halimbawa, sa Roma 12:3, isinalin itong “ibinigay,” o ayon sa talababa, “itinakda; ibinahagi.” Sa 2 Corinto 10:13, bahagi ito ng ekspresyong “iniatas sa amin,” o ayon sa talababa, “ibinahagi [isang anyo ng me·riʹzo] sa amin . . . ayon sa panukat.” Ipinapakita ng mga tekstong ito na ang Diyos ang nagbibigay ng bahagi sa mga lingkod niya. Ganiyan din ang diwa ng nasa Eclesiastes 5:18. Kaya dahil sa konteksto, sa pandiwang Griego na ginamit, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa ibang teksto, at sa pangangailangang gawing malinaw kung sino ang tinutukoy ng terminong Kyʹri·os, gaya ng paliwanag sa Apendise C1, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Kapansin-pansin din na maraming salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 1 Corinto 7:17 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The Anchor Yale Bible—First Corinthians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Joseph A. Fitzmyer, 2008, (Tomo 32) tungkol sa 1 Corinto 7:17: “Ang Ho Kyrios [Panginoon] dito ay katumbas ng ho theos [Diyos].”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J28-32, 48, 65, 93, 94, 100, 101, 106, 115, 125, 144, 146, 167, 310

1 CORINTO 10:9 “Huwag din nating susubukin si Jehova”

DAHILAN: Sa maraming manuskritong Griego, “ang Panginoon” (ton Kyʹri·on) ang ginamit dito; sa ilang manuskrito naman, ang ginamit ay “ang Diyos” (ton The·onʹ). May mga manuskritong Griego rin na ang ginamit ay ton Khri·stonʹ, “ang Kristo.” Ganiyan ang mababasa sa tekstong Griego ng Nestle-Aland at sa ilang makabagong salin ng Bibliya. Pero hindi lahat ng iskolar ay sang-ayon na “ang Kristo” ang nasa orihinal na manuskrito. Halimbawa, ton Kyʹri·on (“ang Panginoon”) ang mababasa sa tekstong Griego nina Westcott at Hort (1881) at sa tekstong Griego na inilathala ng Tyndale House, Cambridge (2017). Kung titingnan ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, makatuwirang isipin na pangalan ng Diyos ang ginamit sa mismong teksto at pinalitan lang ng titulong “Panginoon” o “ang Kristo.” Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pagkakataon na sinubok ng mga Israelita ang Diyos na Jehova sa ilang, gaya ng nakaulat sa Exodo 16:2, 3; 17:2, 3, 7; at Bilang 14:22. Ang salitang Griego para sa “subukin” (ek·pei·raʹzo) ay ginamit din sa Mateo 4:7 at Lucas 4:12, kung saan sinipi ni Jesus ang Deuteronomio 6:16. Ganito ang mababasa sa tekstong Hebreo: “Huwag ninyong susubukin ang Diyos ninyong si Jehova gaya ng ginawa ninyo sa Masah.” Ang salitang Griego para sa “susubukin” sa 1 Corinto 10:9 ay ginamit din ng Septuagint sa Deuteronomio 6:16, kung saan mababasa ang pangalan ng Diyos sa tekstong Hebreo. Ang nangyari sa Masah ay nakaulat sa Exodo 17:1-7, kung saan tinanong ni Moises ang bayan: “Bakit lagi ninyong sinusubok si Jehova?” Sa huling bahagi ng 1 Corinto 10:9, sinabi ni Pablo, “gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas.” Ang ulat na ito ay nasa Bilang 21:5, 6: “Ang bayan ay patuloy na nagsalita laban sa Diyos at kay Moises,” at “nagpadala si Jehova sa bayan ng makamandag na mga ahas.” Posibleng naalala rin ni Pablo ang Awit 78:18, kung saan sinabi ng salmista na ‘hinamon [lit., “sinubok”] ng mga Israelita ang Diyos sa puso nila.’ Ipinapakita ng mga tekstong ito na ang Diyos ang ‘sinusubok’ ng mga Israelita. Kaya batay sa konteksto at sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, makatuwiran lang na gamitin dito ang pangalan ng Diyos.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng The Anchor Yale Bible—First Corinthians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Joseph A. Fitzmyer, 2008, (Tomo 32) tungkol sa 1 Corinto 10:9: “Mas pinapaboran ng karamihan ng nakatatandang komentarista ang kyrion [Panginoon] at ang paliwanag na tumutukoy ito kay Yahweh, gaya ng pagkakagamit nito sa LXX [Septuagint].”

  • Sinasabi ng The First Epistle of Paul the Apostle to the Corinthians, na inedit ni John Parry, 1916, sa pahina 147 tungkol sa 1 Corinto 10:9: “Hindi natin puwedeng isipin na sinasabi ni San Pablo na ‘si Kristo ang sinusubok’ ng mga Israelita; . . . Kahit pagbatayan pa ang tal. 4, hindi pa rin makatuwirang isipin na si Kristo ang sinusubok ng mga Israelita.”

  • Sa artikulong “The Tetragram and the New Testament,” ni George Howard, na inilathala sa Marso 1977 isyu ng Journal of Biblical Literature, ganito ang mababasa tungkol sa 1 Corinto 10:9: “Galing ito sa Bilang 21:5-6, kung saan mababasa sa Hebreong Masoretiko na nagpadala si Yhwh ng malaapoy na mga ahas sa bayan. Kung titingnan ang mga balumbong natagpuan sa Qumran, posibleng isang orihinal na Tetragram ang ginamit ni Pablo dito. Kung gayon, malamang na θεόν [the·onʹ] at κύριον [kyʹri·on] ang unang ipinampalit dito, at nang maglaon ay pinalitan ito ng mga eskriba ng Χριστόν [Khri·stonʹ].”

  • Sinasabi ng A Critical and Exegetical Commentary on the First Epistle of St Paul to the Corinthians, nina Archibald Robertson at Alfred Plummer, 1911, tungkol sa 1 Corinto 10:9: “Sa Bagong Tipan, ang ὁ Κύριος [ho Kyʹri·os] ay karaniwan nang nangangahulugang ‘aming Panginoon,’ pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Dito, makakatiyak tayo na tumutukoy ito kay Jehova, gaya ng ipinapakita sa Bilang 21:4-9 at Awit 78:18.”

  • Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s First and Second Epistles to the Corinthians, ni R.C.H. Lenski, sa pahina 397 tungkol sa 1 Corinto 10:7: “Sinipi ito mula sa salin ng LXX [Septuagint] sa Exodo 32:6, kung saan iniulat ang isang pangyayari na matutukoy ring idolatriya—ang masayang kapistahan na may kinalaman sa gintong guya. Kahit na sinasabing para ito kay Jehova, matatawag pa ring idolo ang imaheng iyon; pero mas nagpokus si Pablo sa kasiyahang ginanap pagkatapos ng pagsamba sa idolo. Sa paggawa nito, naidiin ni Pablo ang kaniyang punto sa mga taga-Corinto, na nag-iisip na mapapanatili nila ang kaugnayan nila kay Jehova kahit na inaabuso nila ang kalayaan nila at kumakain sila, umiinom, at nagpapakasaya sa mga pagdiriwang na may kaugnayan sa pagsamba sa idolo.” Sinabi pa ni Lenski tungkol sa talata 9: “Sinusubok mo ang Panginoon kapag lumalampas ka sa itinakda niyang limitasyon at inaabangan mo kung papatunayan niyang siya ang Diyos at paparusahan ang mga sumusubok sa kaniya.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 17, 18, 22, 23, 46, 65, 95, 96, 100, 101, 125, 138, 139, 145, 147, 167, 291, 295, 322-324

1 CORINTO 10:21a “kopa ni Jehova”

DAHILAN: “Kopa ng Panginoon” ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego sa ngayon, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Sa ulat na ito, nagbababala si Pablo laban sa idolatriya. Posibleng ang nasa isip niya ay ang kopa ng alak na sumasagisag sa dugo ni Kristo sa Hapunan ng Panginoon, na binanggit niya sa 1 Corinto 10:16. Tinawag niya ang kopang ito na “kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin.” Nang pasimulan ni Jesus ang hapunang ito, bumigkas siya ng pagpapala, o nanalangin siya, bago ipasa ang kopa sa mga alagad niya. (Mateo 26:27, 28; Lucas 22:19, 20) Kaya ang mga nagdaraos ng hapunang ito ay nananalangin muna bago uminom sa “kopa” ang mga kabilang sa bagong tipan. Pero si Jehova ang naglaan ng haing pantubos ni Jesus; kay Jehova iniharap ni Jesus ang handog niya; si Jehova ang nagpasiya kung paano gagamitin ang pantubos; at si Jehova ang humula at nagtatag sa bagong tipan. (Jeremias 31:31-34) Kaya tama lang na gamitin ang mga ekspresyong “kopa ni Jehova” at “mesa ni Jehova.” Kapansin-pansin na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Isa pa, nang gamitin ang Kyʹri·os sa sumunod na talata, sa 1 Corinto 10:22, maliwanag na batay ito sa Deuteronomio 32:21, kung saan makikita sa konteksto (Deuteronomio 32:19-21) na si Jehova ang nagsasabi: “Ginalit [o “Pinagselos,” tlb.] nila ako dahil sa pagsamba sa hindi naman diyos.” Kaya dahil sa konteksto, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Sinabi ng A Commentary on the New Testament From the Talmud and Hebraica, ni John Lightfoot, na inimprenta noong 1989 (Tomo 4) tungkol sa ekspresyong “mesa ng Panginoon” na ginamit kasama ng ekspresyong “kopa ng Panginoon” sa 1 Corinto 10:21: “Ang mesa ng Kataas-taasan, isang pariralang karaniwang ginagamit ng mga Talmudista para sa altar.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 24, 32, 41, 65, 80, 94, 100, 115, 146, 255

1 CORINTO 10:21b “mesa ni Jehova”

DAHILAN: “Mesa ng Panginoon” ang mababasa dito sa natitirang mga manuskritong Griego. Ang ekspresyong “mesa ni Jehova” ay pinaniniwalaang sinipi o kinuha sa Malakias 1:7, kung saan tinawag na “mesa ni Jehova” ang altar para sa paghahandog sa templo niya. Sa tekstong Hebreo, ginamit ang Tetragrammaton sa talatang ito. Sa natitirang mga kopya ng Septuagint, ang pananalitang ginamit sa Malakias 1:7 ay kahawig ng nasa 1 Corinto 10:21b. (Tingnan ang study note sa 1 Corinto 10:21.) Kapansin-pansin na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan. Kaya dahil sa konteksto, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa kawalan ng tiyak na Griegong pantukoy, ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto.—Tingnan ang paliwanag sa 1 Corinto 10:21a.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng aklat na The First Epistle of Paul the Apostle to the Corinthians, na inedit ni John Parry, 1916, sa pahina 153 tungkol sa ekspresyong “mesa ng Panginoon” na lumitaw sa 1 Corinto 10:21: “Nang tawagin ditong mesa ang altar, ipinapakita nito na ang Panginoon ang punong-abala. Karaniwan ang konseptong iyan sa Lumang Tipan.”—Tingnan ang paliwanag sa 1 Corinto 10:21a.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 24, 32, 41, 65, 80, 94, 100, 115, 146, 255

1 CORINTO 10:22 “‘Pinagseselos ba natin si Jehova’?”

DAHILAN: Makikita sa konteksto na ang Kyʹri·os dito ay tumutukoy sa Diyos. Binababalaan ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag galitin at pagselosin si Jehova sa pamamagitan ng pakikibahagi sa anumang anyo ng idolatriya. Kaya ginamit ni Pablo ang sinasabi sa Deuteronomio 32:21, pero hindi niya ito direktang sinipi. Makikita sa konteksto ng ulat na ito ni Moises (Deuteronomio 32:19-21) na si Jehova ang nagsabi sa bayan niya: “Ginalit [o “Pinagselos,” tlb.] nila ako dahil sa pagsamba sa hindi naman diyos.” Kaya batay sa konteksto at sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, makatuwiran lang na gamitin ang pangalang Jehova sa mismong teksto.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng The Interpretation of St. Paul’s First and Second Epistles to the Corinthians, ni R.C.H. Lenski, tungkol sa 1 Corinto 10:22: “Ang sinabi ni Pablo ay batay sa Deuteronomio 32:21.” Lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo ng Deuteronomio 32:19.

  • Sinabi ng Holman New Testament Commentary—I & II Corinthians, ni Richard L. Pratt, Jr., 2000, tungkol sa 1 Corinto 10:22: “Kailangang umiwas ng mga taga-Corinto sa idolatriya para hindi nila tanggapin ang poot ng Diyos, gaya ng mga Israelita na nasa pangunguna ni Moises.”

  • Sinasabi ng The Anchor Yale Bible—First Corinthians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Joseph A. Fitzmyer, 2008, (Tomo 32) tungkol sa 1 Corinto 10:22: “Ginalit ng mga Israelita noon si Yahweh dahil sa pagsasagawa nila ng idolatriya, at ang mga sumunod na sinabi ni Pablo ay tumutukoy sa galit na iyon, na nakaulat, halimbawa, sa Awit ni Moises sa Deuteronomio 32:21, ‘Pinagselos nila ako sa hindi naman diyos (ep’ ou theō); ginalit nila ako dahil sa mga idolo nila.’”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 14, 32, 35, 41, 61, 65, 74, 80, 88, 94, 100, 115, 130, 145-147, 255, 273

1 CORINTO 11:32 “dinidisiplina tayo ni Jehova”

DAHILAN: Sinasabi sa Hebreong Kasulatan na ang Diyos na Jehova ang dumidisiplina sa mga lingkod niya. (Deuteronomio 11:2) Halimbawa, sa Hebreo 12:5, 6, sinipi ni Pablo ang Kawikaan 3:11, 12: “Anak ko, huwag mong itakwil ang disiplina ni Jehova, . . . dahil sinasaway ni Jehova ang mga mahal niya.” Sa tekstong ito na sinipi ni Pablo, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo, kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto ng Hebreo 12:5, 6 sa Bagong Sanlibutang Salin. Ang mga terminong Griego para sa “disiplina” at “disiplinahin” na ginamit sa Hebreo 12:5, 6 at sa 1 Corinto 11:32 ay kagaya ng ginamit ng Septuagint sa Kawikaan 3:11, 12. Kaya ang sinasabi ni Pablo tungkol sa disiplina ay posibleng galing sa kawikaang iyon sa Hebreong Kasulatan. Dahil sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, makatuwiran lang na gamitin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng 1 Corinto 11:32. Kapansin-pansin na sa maraming manuskritong Griego, walang tiyak na pantukoy bago ang salitang Griego na Kyʹri·os sa talatang ito. Kaya sa mas bagong mga akademikong edisyon ng tekstong Griego, inilagay ang tiyak na pantukoy sa loob ng panaklong (tekstong Griego ng Nestle-Aland) o hindi na ito inilagay sa mismong teksto (mga tekstong Griego ng Society of Biblical Literature at ng Tyndale House, Cambridge). Dahil walang tiyak na pantukoy bago ang Kyʹri·os, katumbas ito ng isang pantanging pangalan.

REPERENSIYA:

  • Sa aklat na Synonyms of the Old Testament, Ikalawang Edisyon, 1897, ni Robert Baker Girdlestone, dating prinsipal ng Wycliffe Hall, Oxford, may binanggit na komento tungkol sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa tinatawag na Bagong Tipan. Ibinigay ang komentong ito bago pa mahanap ang mga manuskritong nagpapatunay na makikita ang pangalang Jehova sa mga naunang Griegong Septuagint. Sinabi ni Girdlestone: “Kung pinanatili sa bersiyong iyon [Septuagint] ang [Jehova], o gumamit ito ng isang salitang Griego para sa Jehova at ng isa pa para sa Adonai, siguradong napanatili ang mga salitang iyon sa mga sermon at argumento sa Bagong Tipan. Kaya nang sipiin ng ating Panginoon ang ika-110 Awit, posibleng ang sinabi niya ay ‘Sinabi ni Jehova sa Adoni,’ sa halip na ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon.’” Ipinaliwanag din ni Girdlestone ang hamon sa pag-alam kung kailan dapat lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Bagong Tipan: “Kung may isang Kristiyanong iskolar na nagsasalin ng Griegong Kasulatan sa wikang Hebreo, dapat niyang pag-isipang mabuti ang bawat paglitaw ng salitang Κύριος [Kyʹri·os], kung may anumang pahiwatig sa konteksto kung ano talaga ang salitang lumitaw sa tekstong Hebreo; at iyan ang magiging hamon sa pagsasalin ng Bagong Tipan sa lahat ng wika kung pinanatili ang titulong Jehova sa [salin ng Griegong Septuagint ng] Lumang Tipan. Magiging basehan ng maraming teksto ang Hebreong Kasulatan: kaya tuwing lilitaw ang ekspresyong ‘anghel ng Panginoon,’ alam natin na ang salitang Panginoon doon ay katumbas ng Jehova; ganiyan din ang masasabi natin para sa ekspresyong ‘salita ng Panginoon,’ kung pagbabatayan ang Lumang Tipan; at ganiyan din para sa titulong ‘Panginoon ng mga Hukbo.’ Kapag lumitaw naman ang ekspresyong ‘Aking Panginoon’ o ‘Aming Panginoon,’ hindi natin puwedeng gamitin ang salitang Jehova, at Adonai o Adoni ang dapat gamitin. Pero marami pa ring teksto ang hindi pasók sa mga kategoryang ito.” Gaya ng makikita sa sumusunod, maraming tagapagsalin ng Bibliya ang gumamit ng pangalan ng Diyos sa talatang ito. Ginamit ng ilan ang mga letrang Hebreo ng Tetragrammaton; ginamit naman ng iba ang mga anyong Yahweh, YAHVAH, o YHWH.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J16, 18, 32, 65, 94, 95, 100, 101, 115, 125, 145-147, 167, 201, 310, 323, 324

1 CORINTO 14:21 “sabi ni Jehova”

DAHILAN: Nang ipaliwanag ni Pablo ang tungkol sa pagsasalita ng iba’t ibang wika, sumipi siya mula sa Isaias 28:11, 12, kung saan makikita na si Jehova ang nagsasalita (“makikipag-usap siya”). Pero gumamit si Pablo ng panghalip na nasa unang panauhan para ipakitang ang Diyos mismo ang nagsasalita (“makikipag-usap ako”). Nagdagdag si Pablo ng isang ekspresyon para linawin kung sino ang nagsabi nito. Batay sa natitirang mga manuskritong Griego, ang ekspresyong ito ay “sabi ng Panginoon.” Pero lumitaw ito nang daan-daang beses sa Septuagint bilang katumbas ng mga pariralang Hebreo na “sabi ni Jehova“ at “ito ang sinabi ni Jehova.” Para sa mga halimbawa, tingnan ang Isaias 1:11; 48:17; 49:18 (sinipi sa Roma 14:11); 52:4, 5. Kaya ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan ay sumusuporta sa saling “sabi ni Jehova” sa 1 Corinto 14:21. Kapansin-pansin na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan.

REPERENSIYA:

  • Sa Exegetical Dictionary of the New Testament, 1991, (Tomo 2, p. 329-330), nakalista ang 1 Corinto 14:21 kung saan ang Kyʹri·os ay “ginamit para tumukoy kay Yahweh.”

  • Sinasabi ng The Anchor Yale Bible—First Corinthians: A New Translation with Introduction and Commentary, ni Joseph A. Fitzmyer, 2008, (Tomo 32) tungkol sa 1 Corinto 14:21: “Sumipi si Pablo mula sa Isaias 28:11, 12d, at kinopya niya ang ilang pananalita ni Isaias.” Sinabi pa ng reperensiya tungkol sa konteksto ng siniping bahagi: “Mapipilitan ang Efraim at Juda na makinig sa sinasabi ni Yahweh sa pamamagitan ng mga mananakop na gumagamit ng wikang Asiryano.”

  • Sa isang komentaryo tungkol sa 2 Corinto 3:16, 17 ng A Critical and Exegetical Commentary on the Second Epistle to the Corinthians, ni Margaret E. Thrall, 2004, nakalista ang 1 Corinto 14:21 kung saan ang κύριος [Kyʹri·os] ay “tumutukoy kay Yahweh.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10-12, 14, 16-18, 22-24, 28-36, 38, 40-43, 46, 47, 52, 59-61, 65, 66, 88, 90, 93, 95, 96, 99-102, 104-106, 114, 115, 117, 125, 130, 136, 144-147, 149, 154, 164-166, 178, 187, 195, 201, 203, 209, 210, 217, 237-239, 244, 250, 265, 269, 271, 273, 275, 279, 283, 287, 290, 295-297, 310, 323, 324

1 CORINTO 16:7 “kung ipapahintulot ni Jehova”

DAHILAN: Sa kahawig na mga ekspresyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, parehong ginamit ang mga terminong Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos), kaya makatuwirang isipin na ang “Panginoon” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa Diyos. (Gawa 18:21; 21:14; 1 Corinto 4:19; Hebreo 6:3; Santiago 4:15) Isa pa, may mga Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit dito ng Tetragrammaton. Kaya kung pagbabatayan ang kahawig na mga ekspresyong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang pagkakagamit ng mga ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, angkop lang na gamitin dito ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Gawa 18:21; 21:14; Santiago 4:15.

REPERENSIYA:

  • Sa isang komentaryo tungkol sa 1 Corinto 16:7 ng The Expositor’s Bible Commentary, 1976, (Tomo 10), sinabi ni W. Harold Mare: “‘Kung ipapahintulot ng Panginoon,’ nagdiriin sa lubusang pagpapasakop ni Pablo sa kalooban ng Diyos para sa kaniya.”

  • Sinasabi ng NIV Cultural Backgrounds Study Bible, nina John H. Walton at Craig S. Keener, 2016, tungkol sa ekspresyong “kung ipapahintulot ng Panginoon” sa 1 Corinto 16:7: “Madalas na gumagamit ang mga Judio at Gentil ng pariralang ‘kung loloobin ng Diyos’ o ng katulad na mga ekspresyon para sa mga plano nila.”

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 14, 16-18, 22, 23, 32, 65, 94, 95, 100, 101, 115, 125, 138, 145-147, 167, 310, 322-324

1 CORINTO 16:10 “gawain ni Jehova”

DAHILAN: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ay ang Diyos na Jehova. Kapansin-pansin na sa talatang ito, walang tiyak na Griegong pantukoy bago ang Kyʹri·os, na dapat sana ay mayroon batay sa tamang gramatika. Ipinapakita lang nito na ang Kyʹri·os ay katumbas ng isang pantanging pangalan.

REPERENSIYA:

  • Sinasabi ng aklat na The First Epistle of Paul the Apostle to the Corinthians, na inedit ni John Parry, 1916, sa pahina 248 tungkol sa 1 Corinto 16:10: “Lumilitaw na ang κύριος [Kyʹri·os ] na walang tiyak na pantukoy ay ginagamit lang para kay Kristo kung ito ay kasunod ng isang pang-ukol o nasa anyong genitive na may kasamang salita na tumatayo bilang pangngalan at wala talagang pantukoy. (Roma 14:6): kaya dito, tumutukoy ito sa τοῦ θεοῦ [Diyos].” Binanggit din sa aklat na iyon ang Roma 14:20 at Juan 6:28, kung saan ginamit din ang salitang Griego para sa “gawain” (erʹgon) na ginamit dito sa 1 Corinto 16:10, sa ekspresyong “(mga) gawain ng Diyos.” Karagdagang patunay ito na ang “Panginoon” dito ay tumutukoy sa Diyos na Jehova.

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J7, 8, 10, 14, 16-18, 24, 28-32, 65, 93-95, 100, 101, 106, 115, 146, 310, 323, 324