Ayon kay Mateo 8:1-34
Talababa
Study Notes
magbigay-galang: O “yumukod.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” Pero sa kontekstong ito, ang hinahanap ng mga astrologo ay ang “ipinanganak na hari ng mga Judio.” Kaya malinaw na ang termino ay tumutukoy sa pagbibigay-galang sa isang taong hari, hindi sa isang diyos. Ganiyan din ang pagkakagamit sa Mar 15:18, 19, kung saan sinabing ang mga sundalong nangungutya kay Jesus ay “yumuyukod” sa kaniya at tinatawag siyang “Hari ng mga Judio.”—Tingnan ang study note sa Mat 18:26.
ketongin: May malubhang sakit sa balat. Sa Bibliya, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya.—Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”
lumuhod sa harap niya: O “yumukod sa harap niya; nagbigay-galang sa kaniya.” Sa ulat ng Hebreong Kasulatan, ang mga tao noon ay yumuyukod din sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Maliwanag, kinilala ng lalaking ito na ang kausap niya ay kinatawan ng Diyos na may kapangyarihang magpagaling. Angkop lang na lumuhod o yumukod para magpakita ng paggalang sa Hari na pinili ni Jehova.—Mat 9:18; para sa higit pang impormasyon sa salitang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa Mat 2:2.
hinipo niya ang lalaki: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat na nakabukod ang mga ketongin para hindi mahawa ang iba. (Lev 13:45, 46; Bil 5:1-4) Pero nagdagdag ng mga tuntunin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Halimbawa, sinasabi nilang dapat na apat na siko, o mga 1.8 m (6 ft), ang layo ng isang tao sa isang ketongin, pero kapag mahangin, dapat na 100 siko ang layo, o mga 45 m (150 ft). Dahil diyan, naging malupit ang pagtrato sa mga ketongin. Sa sinaunang akda ng mga Judio, pinuri pa ang isang rabbi na nagtago sa mga ketongin at ang isa pa na pinagbabato ang mga ketongin para hindi sila makalapit. Pero ibang-iba si Jesus. Nahabag siya sa ketongin kaya ginawa niya ang isang bagay na talagang ikinagulat ng mga Judio—hinipo niya ang lalaki. Ginawa niya iyan kahit kaya niya namang pagalingin ang ketongin sa pamamagitan lang ng salita.—Mat 8:5-13.
Gusto ko: Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang kahilingan kundi sinabi niyang gusto niyang gawin ito. Ipinapakita nitong hindi niya ito ginawa dahil lang sa obligasyon.
Huwag mo itong sasabihin kahit kanino: Malamang na ipinag-utos ito ni Jesus dahil ayaw niyang siya ang matanghal sa halip na ang Diyos na Jehova at ang mabuting balita ng Kaharian. Katuparan ito ng hula tungkol sa lingkod ni Jehova sa Isa 42:1, 2, na nagsasabing “hindi niya iparirinig sa lansangan ang tinig niya” para maging kapansin-pansin. (Mat 12:15-19) Ang pagiging mapagpakumbaba ni Jesus ay ibang-iba sa mga mapagkunwari na kinondena niya dahil nananalangin sila “sa mga kanto ng malalapad na daan para makita sila ng mga tao.” (Mat 6:5) Lumilitaw na gustong makumbinsi ni Jesus ang mga tao na siya ang Kristo sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya, hindi ng mga bali-balita tungkol sa mga himala niya.
Huwag mo itong sasabihin kahit kanino: Tingnan ang study note sa Mar 1:44.
humarap ka sa saserdote: Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at magdala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo bilang hain.—Lev 14:2-32
Capernaum: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Nayon ni Nahum” o “Nayon na Nagpapatibay-Loob.” (Na 1:1, tlb.) Napakahalaga ng lunsod na ito sa ministeryo ni Jesus. Makikita ito sa hilagang-kanluran ng Lawa ng Galilea at tinawag na “sarili niyang lunsod” sa Mat 9:1.
Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.
opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.
lingkod ko: Ang salitang Griego na isinaling “lingkod” ay literal na nangangahulugang “anak; kabataan” at puwedeng itawag sa isang minamahal na alipin, gaya ng isang personal na tagapaglingkod.
marami mula sa silangan at kanluran: Ipinapakita nito na may mga di-Judio na magiging bahagi ng Kaharian.
uupo sa mesa: O “hihilig sa mesa; kakain.” Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang may nakapalibot na malambot na mga upuan sa isang mesa sa mga salusalo o malalaking handaan. Ang mga kumakain ay nakahilig sa malambot na upuan at nakaharap sa mesa, at kadalasan nang nakapatong sa kutson ang kaliwang siko nila. Ang kanang kamay ang karaniwang ginagamit nila sa pagkuha ng pagkain. Ang pagkain nang sama-sama sa iisang mesa ay nagpapahiwatig ng malapít na ugnayan. Nang panahong iyon, halos imposibleng kumain ang mga Judio kasama ng mga di-Judio.
magngangalit ang mga ngipin nila: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, at galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi.
Mataas ang lagnat: Parehong sinabi nina Mateo at Marcos na “nakahiga at nilalagnat” ang biyenang babae ni Pedro. (Mat 8:14; Mar 1:30) Si Lucas lang, malamang na dahil isa siyang doktor, ang nagsabi na “mataas ang lagnat” ng biyenang babae ni Pedro, na nagpapakitang malala ang kalagayan nito.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”
biyenang babae ni Simon: Biyenang babae ni Pedro (kilala ring Cefas). (Ju 1:42) Kaayon ito ng sinabi ni Pablo sa 1Co 9:5 na nagpapakitang may asawa si Cefas. Lumilitaw na nakatira ang biyenang babae ni Pedro sa bahay nila, kasama ang kapatid niyang si Andres.—Mar 1:29-31; tingnan ang study note sa Mat 10:2, kung saan ipinaliwanag ang iba’t ibang pangalan ni apostol Pedro.
biyenan nitong babae: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.
nilalagnat: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.
nang gumabi na: Ibig sabihin, nang matapos na ang araw ng Sabbath, gaya ng makikita sa kaparehong ulat sa Mar 1:21-32 at Luc 4:31-40.
para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niya: Ito at ang katulad na mga ekspresyon ay lumitaw nang maraming beses sa Ebanghelyo ni Mateo, malamang na para idiin sa mga Judio ang papel ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Mat 2:15, 23; 4:14; 8:17; 12:17; 13:35; 21:4; 26:56; 27:9.
para matupad ang sinabi ng propetang si Isaias: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.
nagdala: O “naglayo; nag-alis.” Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinakita ni Mateo na ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus ay katuparan ng Isa 53:4. Ang mas malaking katuparan nito ay mangyayari kapag lubusan nang inalis ni Jesus ang kasalanan, kung paanong ang mga kasalanan ng Israel ay dinadala sa ilang ng kambing “para kay Azazel” tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:10, 20-22) Sa pamamagitan ng pag-aalis ni Jesus sa mga kasalanan natin, mawawala rin ang mismong dahilan ng pagkakasakit ng lahat ng mga nananampalataya sa bisa ng kaniyang hain.
sa kabilang ibayo: Ang silangang baybayin ng Lawa ng Galilea.
Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.
ilibing ang aking ama: Tingnan ang study note sa Luc 9:59.
ilibing ang aking ama: Lumilitaw na hindi ito nangangahulugang patay na ang ama ng lalaki at kailangan lang niyang isaayos ang paglilibing dito. Dahil kung ganito ang kalagayan, imposibleng makausap pa niya si Jesus sa panahong iyon. Sa sinaunang Gitnang Silangan, kapag namatay ang isang kapamilya, karaniwan nang inililibing ito sa araw ding iyon. Kaya malamang na ang ama ng lalaki ay may sakit lang o matanda na, hindi pa patay. At hindi naman sasabihin ni Jesus sa lalaki na iwan ang ama niya na may sakit at nangangailangan ng tulong kung wala siyang ibang kapamilya na puwedeng mag-alaga sa ama niya. (Mar 7:9-13) Kaya para bang sinasabi ng lalaki, ‘Susunod ako sa iyo, pero hindi muna hangga’t buhay pa ang ama ko. Hintayin mo ako hanggang sa mamatay ang ama ko at mailibing ko siya.’ Pero sa pananaw ni Jesus, pinapalampas ng lalaking ito ang pagkakataon na unahin ang Kaharian ng Diyos sa buhay niya.—Luc 9:60, 62.
hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Tingnan ang study note sa Luc 9:60.
Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 9:59, malamang na hindi pa patay ang ama ng lalaking kausap ni Jesus, kundi may sakit lang o matanda na. Kaya parang sinasabi ni Jesus: ‘Hayaan mong ilibing ng mga patay sa espirituwal ang kanilang mga patay.’ Ibig sabihin, hindi dapat ipagpaliban ng lalaki ang desisyon niyang sumunod kay Jesus, dahil lumilitaw na mayroon naman siyang mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa ama niya. Kung susunod kay Jesus ang lalaki, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay magpakailanman, hindi tulad ng mga patay sa espirituwal sa paningin ng Diyos. Makikita sa sagot ni Jesus na ang pag-una sa Kaharian ng Diyos at pangangaral tungkol dito nang malawakan ay mahalaga para manatiling buháy sa espirituwal.
malakas na bagyo: Karaniwan lang ang malalakas na bagyo sa Lawa ng Galilea. Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat, at mas mainit ang hangin sa dagat kumpara sa nakapalibot na mga talampas at bundok. Dahil diyan, nagkakaroon ng pagbabago sa atmospera at nabubuo ang malakas na hangin na pinagmumulan ng malalaking alon.
ang liit ng pananampalataya ninyo: Hindi sinasabi ni Jesus na wala silang pananampalataya kundi kulang sila sa pananampalataya.—Mat 14:31; 16:8; Luc 12:28; tingnan ang study note sa Mat 6:30.
kayo na may maliit na pananampalataya: Ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang mga alagad niya. Sinasabi niya na hindi matibay ang tiwala o pananampalataya nila. (Mat 8:26; 14:31; 16:8; Luc 12:28) Kaya hindi ibig sabihin nito na wala silang pananampalataya, kundi kulang lang sa pananampalataya.
isang lalaking: Dalawang lalaki ang binanggit ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo (8:28) pero isa lang ang sinabi nina Marcos at Lucas (8:27). Maliwanag na nagpokus sina Marcos at Lucas sa isa sa mga lalaking sinapian ng demonyo dahil siya ang kinausap ni Jesus at mas kapansin-pansin ang nangyari sa kaniya. Posibleng mas marahas siya at mas matagal na sinapian ng demonyo. Posible rin na matapos pagalingin ang dalawang lalaki, siya lang ang gustong sumama kay Jesus.—Mar 5:18-20.
lupain ng mga Gadareno: Ang rehiyon sa kabilang (sa silangang) baybayin ng Lawa ng Galilea. Posibleng ito ang rehiyon mula sa lawa hanggang sa Gadara, na 10 km (6 mi) mula sa lawa. Ang konklusyong iyan ay sinusuportahan ng mga barya na nagmula sa Gadara, dahil kadalasan nang may nakalarawang barko sa mga baryang iyon. Sinabi naman nina Marcos at Lucas na sa “lupain ng mga Geraseno” nagpunta si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mar 5:1.) Malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito.—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.
dalawang: Sa mga ulat sa Marcos (5:2) at Lucas (8:27), isa lang ang binanggit na lalaking sinapian ng demonyo.—Tingnan ang study note sa Mar 5:2.
libingan: O “alaalang libingan.” (Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”) Malamang na ang mga libingang ito ay mga kuweba o mga uka sa malalaking bato at karaniwan nang nasa labas ng lunsod. Iniiwasan ng mga Judio ang mga libingang ito para hindi sila maging marumi ayon sa Kautusan. Kaya madalas itong puntahan ng mga baliw o sinasapian ng demonyo.
lupain ng mga Geraseno: Ang rehiyon sa kabilang (sa silangang) baybayin ng Lawa ng Galilea. Hindi matukoy sa ngayon ang eksaktong hangganan ng rehiyong ito, pati ang mismong lokasyon nito. Sinasabi ng ilan na ang “lupain ng mga Geraseno” ang rehiyon sa palibot ng Kursi, malapit sa matarik na dalisdis na nasa silangang baybayin ng lawa. Iniisip naman ng iba na ito ang malaking distrito na nakapalibot sa lunsod ng Gerasa (Jarash), na makikita 55 km (34 mi) sa timog-silangan ng Lawa ng Galilea. Tinatawag itong “lupain ng mga Gadareno” sa Mat 8:28. (Tingnan ang study note sa Geraseno sa talatang ito at ang study note sa Mat 8:28.) Kahit magkaibang lugar ang binanggit, ang dalawang lupaing ito ay makikita sa iisang malawak na rehiyon sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea, at malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito. Kaya hindi nagkakasalungatan ang mga ulat tungkol dito.—Tingnan din ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.
Ano ang kinalaman natin doon?: Nang sabihin ni Maria kay Jesus: “Wala na silang alak” (Ju 2:3), maliwanag na gusto niyang may gawin si Jesus tungkol dito. Kapansin-pansin ito dahil wala pa namang nagagawang himala si Jesus. Ang idyomang Semitiko sa sagot ni Jesus, na sa literal ay “ano sa akin at sa iyo?” ay pangunahin nang nagpapakita ng pagtutol at dapat unawain ayon sa konteksto. Kung minsan, ginagamit ang ekspresyong ito sa pakikipag-away at pagtataboy. (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28) Pero sa pagkakataong ito, hindi naman galít si Jesus. (Para sa iba pang halimbawa ng ganitong paggamit sa idyomang ito sa Hebreong Kasulatan, tingnan ang 2Sa 16:9, 10 at 1Ha 17:18, tlb.) Makikita sa sumunod na sinabi ni Jesus kung bakit siya nag-aalangan: Hindi pa dumarating ang oras ko. Pero lumilitaw na hindi naman sinasabi ni Jesus na ayaw niyang tumulong, gaya ng makikita sa reaksiyon ni Maria sa talata 5.
ipinabilanggo niya: Lit., “ibinigay niya sa mga tagapagbilanggo.” Ang terminong Griego na ba·sa·ni·stesʹ na isinasaling “tagapagbilanggo” ay nangangahulugang “tagapagpahirap,” malamang na dahil karaniwan nang pinapahirapan ng mga tagapagbilanggo ang mga nasa bilangguan. Pero nang maglaon, ginagamit na rin ang terminong ito para tumukoy sa basta tagapagbilanggo lang, maliwanag na dahil sinasaktan man ang mga nasa bilangguan o hindi, nahihirapan pa rin sila.—Tingnan ang study note sa Mat 8:29.
Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman namin sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa amin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Jos 22:24; Huk 11:12; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18; 2Ha 3:13; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito, nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo kaming pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.
parusahan kami: Lit., “pahirapan kami.” Ang kaugnay na terminong Griego ay tumutukoy sa mga tagapagbilanggo. (Tingnan ang study note sa Mat 18:34.) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang ‘parusa’ ay tumutukoy sa paggapos o pagbibilanggo sa “kalaliman” gaya ng binabanggit sa kaparehong ulat sa Luc 8:31.
baboy: Ang mga baboy ay marumi ayon sa Kautusan, pero inaalagaan ang mga baboy sa lugar na ito. Hindi sinabi sa ulat kung ang “mga tagapag-alaga” ng baboy (Mat 8:33) ay mga Judio na lumalabag sa Kautusan. Pero may tindahan ng karne ng baboy sa komunidad ng mga di-Judio na nakatira sa rehiyon ng Decapolis, dahil para sa mga Griego at Romano, masarap na pagkain ang baboy.
Media

Ang posisyon ng senturyon ang pinakamataas na ranggo na puwedeng maabot ng isang karaniwang sundalo. Ineensayo niya ang mga sundalo; iniinspeksiyon ang mga sandata nila, suplay, at pagkain; at dinidisiplina sila. Nakadepende nang malaki sa mga senturyon ang pagiging handa at mahusay ng hukbong Romano. Karaniwan na, sila ang pinakamakaranasan at pinakamahalagang sundalo sa hukbong Romano. Kaya talagang kahanga-hanga ang kapakumbabaan at pananampalataya ng senturyong lumapit kay Jesus.

Ikinumpara ni Jesus ang sitwasyon niya, na walang bahay, sa mga asong-gubat na may lungga at mga ibon na may pugad. Ang uri ng asong-gubat na nasa larawan (Vulpes vulpes) ay hindi lang sa Gitnang Silangan makikita, kundi pati sa Aprika, Asia, Europa, at Hilagang Amerika at mayroon na rin sa Australia. Karaniwan nang nakatira sila sa mga uka sa bato o hukay na ginawa ng ibang hayop pero napabayaan na o inagaw nila. Kung hindi naman, naghuhukay sila para gumawa ng sariling lungga. Ang ibon na makikita rito, ang Cetti’s Warbler (Cettia cetti), ay isa sa mga 470 uri ng ibon na makikita sa Israel bawat taon. Magkakaiba rin ang pugad ng mga ibon; may mga nasa puno, hungkag na katawan ng puno, at mga bangin. Gawa ito sa mga sanga, dahon, damong-dagat, balahibo ng tupa, dayami, lumot, at balahibo ng ibon. Dahil sa sari-saring likas na kapaligirang matatagpuan sa bansa, gaya ng matataas at malalamig na bundok, malalalim at maiinit na lambak, tuyot na mga disyerto, at mga baybayin sa timog-silangan ng Dagat Mediteraneo, gustong-gusto ng mga ibon na manirahan dito. May naninirahan dito nang permanente, at ang iba naman ay nandarayuhan.

Sa silangang baybayin ng Lawa ng Galilea pinalayas ni Jesus ang mga demonyo na sumanib sa dalawang lalaki at pinapunta ang mga demonyo sa kawan ng baboy.