Ayon kay Marcos 2:1-28

2  Pero makalipas ang ilang araw, muling pumasok si Jesus sa Capernaum, at napabalitang nasa bahay siya.+ 2  Dumagsa ang mga tao sa bahay kaya wala nang puwesto kahit sa may pintuan, at nangaral siya sa kanila tungkol sa salita ng Diyos.+ 3  Isang grupo ang nagdala sa kaniya ng isang paralitiko na binubuhat ng apat na lalaki.+ 4  Pero hindi nila ito mailapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya inalis nila ang bubong sa tapat ni Jesus, at ibinaba nila sa butas ang higaan kung saan nakaratay ang paralitiko. 5  Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila,+ sinabi niya sa paralitiko: “Anak, pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 6  Naroon ang ilang eskriba, nakaupo at nag-iisip:+ 7  “Bakit ganiyan magsalita ang taong iyan? Namumusong siya.*+ Hindi ba ang Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”+ 8  Pero alam na ni Jesus kung ano ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan?+ 9  Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at buhatin mo ang higaan mo at lumakad ka’? 10  Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao+ ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—”+ sinabi niya sa paralitiko: 11  “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.” 12  Kaya bumangon siya at binuhat agad ang higaan niya at lumakad palabas na nakikita ng lahat. Manghang-mangha sila, at pinuri nila ang Diyos. Sinasabi nila: “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”+ 13  Muli siyang pumunta sa tabi ng lawa, at sinundan siya ng maraming tao, at tinuruan niya sila. 14  Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang anak ni Alfeo na si Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.” Kaya tumayo ito at sumunod sa kaniya.+ 15  Pagkatapos, kumain siya sa bahay nito. Maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang kumaing kasama ni Jesus at ng mga alagad niya. Marami sa kanila ang sumunod sa kaniya.+ 16  Pero nang makita ng mga eskriba ng mga Pariseo na kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa mga alagad niya: “Kumakain siyang kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17  Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”+ 18  Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno. Kaya may mga lumapit kay Jesus at nagsabi: “Ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?”+ 19  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal+ ay walang dahilan para mag-ayuno hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Hangga’t kasama nila ang lalaking ikakasal, hindi sila makapag-aayuno.+ 20  Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila.+ At mag-aayuno na sila sa araw na iyon. 21  Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Dahil kung gagawin ito ng isa, kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang lumang damit na tinagpian at lalong lálaki ang punit.+ 22  Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa ito ng isa, papuputukin ng alak ang sisidlan, at masasayang ang alak, pati ang sisidlan. Kaya inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat.” 23  Isang araw ng Sabbath, habang naglalakad si Jesus at ang mga alagad niya sa gitna ng bukid, ang mga alagad niya ay namitas ng mga uhay ng butil.+ 24  Kaya sinabi sa kaniya ng mga Pariseo: “Tingnan mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal kapag Sabbath?” 25  Pero sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang wala siyang makain at magutom siya at ang mga lalaking kasama niya?+ 26  Sa ulat tungkol sa punong saserdoteng si Abiatar,+ pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang mga tinapay na panghandog, na hindi puwedeng kainin ng sinuman maliban sa mga saserdote.+ Binigyan din niya nito ang mga lalaking kasama niya.” 27  Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Nagkaroon ng Sabbath alang-alang sa mga tao,+ at hindi ng tao alang-alang sa Sabbath. 28  Kaya ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”+

Talababa

O “Wala siyang galang sa Diyos.” Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”

Study Notes

Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.

nasa bahay: Ang kalakhang bahagi ng unang tatlong taon ng ministeryo ni Jesus ay ginawa niya sa Galilea at sa palibot nito, at Capernaum ang naging sentro ng gawain niya. Posibleng nanirahan siya sa bahay nina Pedro at Andres.​—Mar 1:29; tingnan ang study note sa Mat 9:1.

inalis nila ang bubong . . . ibinaba nila sa butas: Ang bubong ng maraming bahay noong unang siglo sa Israel ay patag at naaakyat sa pamamagitan ng hagdan sa labas ng bahay. Hindi sinabi ni Marcos kung saan gawa ang bubong ng bahay. Pero ang mga bubong noon ay kadalasang gawa sa bigang kahoy na pinatungan ng mga sanga, tambo, at lupa, na pinalitadahan. Ang ilang bahay ay may tisa; ayon kay Lucas, “inalis ang mga tisa” ng bubong para maibaba ang lalaki. (Tingnan ang study note sa Luc 5:19.) Madali lang para sa mga kaibigan ng paralitiko na gumawa ng butas sa bubong na kasya ang higaan niya para maibaba siya sa mga tao.

Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila: Tingnan ang study note sa Mat 9:2.

Anak: Tingnan ang study note sa Mat 9:2.

eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.

alam na ni Jesus: Sinasabi ng Isa 11:2, 3 tungkol sa Mesiyas: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova,” kaya “hindi siya hahatol ayon sa nakita ng mga mata niya.” Dahil diyan, kayang malaman ni Jesus ang iniisip, pangangatuwiran, at motibo ng iba.​—Ju 2:24, 25.

Alin ba ang mas madali: Madali para sa isa na sabihing kaya niyang magpatawad ng kasalanan, dahil hindi nito kailangan ng nakikitang ebidensiya. Pero kailangan ng isang himala para mangyari ang sinabi ni Jesus na Bumangon ka . . . at lumakad, at ito ang magpapatunay na siya ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan. Sa ulat na ito at sa Isa 33:24, iniuugnay ang pagkakasakit sa pagiging makasalanan natin.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa​—: Tingnan ang study note sa Mat 9:6.

lawa: Tumutukoy sa Lawa ng Galilea.​—Mar 1:16; tingnan ang study note sa Mat 4:18.

Alfeo: Maliwanag na iba sa Alfeo na binanggit sa Mar 3:18 (tingnan ang study note sa Mar 3:18), na ama ni Santiago, ang ika-9 sa 12 apostol na nakalista.​—Mat 10:3; Luc 6:15.

Levi: Sa kaparehong ulat sa Mat 9:9, tinawag na Mateo ang alagad na ito. Kapag tinutukoy siya na dating maniningil ng buwis, ginagamit nina Marcos at Lucas ang pangalang Levi (Luc 5:27, 29), pero Mateo ang ginagamit nila kapag tinutukoy siya bilang isang apostol (Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13). Hindi sinasabi ng Kasulatan kung dati nang pangalan ni Levi ang Mateo bago pa siya maging alagad ni Jesus. Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Mateo Levi ay anak ni Alfeo.​—Tingnan ang study note sa Mar 3:18.

tanggapan ng buwis: Puwede itong tumukoy sa isang maliit na gusali o puwesto kung saan umuupo ang isang maniningil ng buwis para sa mga kalakal na iniluluwas o inaangkat at sa mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan. Ang tanggapan ng buwis ni Levi, na tinatawag ding Mateo, ay nasa Capernaum o malapit dito.

Maging tagasunod kita: Ang pandiwang Griego na ginamit sa paanyayang ito ay literal na nangangahulugang “lumakad sa likuran, sumunod,” pero dito, nangangahulugan itong “sumunod bilang isang alagad.”

kumain siya: O “humilig siya sa mesa.” Ang pagkain nang sama-sama sa iisang mesa ay nagpapahiwatig ng malapít na ugnayan. Kaya noong panahon ni Jesus, halos imposibleng humilig sa mesa, o kumain, ang mga Judio kasama ng mga di-Judio.

sa bahay nito: Tumutukoy sa bahay ni Levi.​—Mat 9:10; Luc 5:29.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

makasalanan: Tingnan ang study note sa Mat 9:10.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

nag-aayuno: Tingnan ang study note sa Mat 6:16.

mga kaibigan ng lalaking ikakasal: Tingnan ang study note sa Mat 9:15.

alak sa . . . sisidlang balat: Tingnan ang study note sa Mat 9:17.

Sabbath: Tingnan sa Glosari.

sa gitna ng bukid: Tingnan ang study note sa Mat 12:1.

ipinagbabawal: Tingnan ang study note sa Mat 12:2.

Sa ulat tungkol sa: Ang Griegong pang-ukol na e·piʹ na ginamit dito ay puwedeng tumukoy sa panahon o lokasyon, gaya ng isang bahagi ng Kasulatan. Para sa karamihan ng tagapagsalin, nangangahulugan itong “noong (si Abiatar ay . . . ).” Pero kung isasaalang-alang ang mismong pangyayaring binanggit ni Jesus (1Sa 21:1-6), makatuwirang isipin na ang Griegong pang-ukol ay tumutukoy sa lokasyon, o sa isang bahagi ng Kasulatan, gaya ng paliwanag ng study note sa punong saserdoteng si Abiatar sa tekstong ito. Makikita rin ang katulad na pananalitang Griego sa Mar 12:26 at Luc 20:37, kung saan ginamit ng maraming salin ang pariralang “sa ulat tungkol sa.”

punong saserdoteng si Abiatar: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwedeng isaling “mataas na saserdote” o “punong saserdote.” Mas tamang gamitin kay Abiatar ang ikalawang salin, dahil ang ama niyang si Ahimelec ang mataas na saserdote sa pangyayaring binabanggit ni Jesus. (1Sa 21:1-6) Unang binanggit si Abiatar pagkatapos pumasok ni David sa bahay ng Diyos at kainin ang tinapay na pantanghal. Lumilitaw na bilang anak ng mataas na saserdoteng si Ahimelec, si Abiatar ay isa nang prominenteng saserdote, o punong saserdote, noong panahong iyon. Si Abiatar lang ang anak na lalaki ni Ahimelec na nakaligtas sa pagpatay ni Doeg na Edomita. (1Sa 22:18-20) Maliwanag na naging mataas na saserdote siya noong hari na si David. Kahit na ang saling gamitin ay “mataas na saserdote,” ang pananalitang Griego na isinaling “sa ulat tungkol sa” ay may malawak na ibig sabihin at puwedeng tumukoy sa mas malaking bahagi ng Kasulatan, mula 1 Samuel kabanata 21 hanggang 23, kung saan ilang ulit na binanggit si Abiatar, na nang maglaon ay naging kilaláng mataas na saserdote. Pabor ang ilang Griegong iskolar sa saling “noong panahon ng mataas na saserdoteng si Abiatar,” na puwede ring tumukoy sa kabuoang panahon, kasama na ang panahon nang maging mataas na saserdote si Abiatar. Anuman ang paliwanag, makakasiguro tayong kaayon ng kasaysayan ang sinabi ni Jesus.

bahay ng Diyos: Tumutukoy sa tabernakulo. Nangyari ang ulat na tinutukoy ni Jesus (1Sa 21:1-6) noong ang tabernakulo ay nasa Nob, isang bayan na lumilitaw na nasa teritoryo ng Benjamin at malapit sa Jerusalem.​—Tingnan ang Ap. B7 (isiningit na mapa).

tinapay na panghandog: Tingnan ang study note sa Mat 12:4 at Glosari, “Tinapay na pantanghal.”

Panginoon . . . ng Sabbath: Itinawag ito ni Jesus sa kaniyang sarili (Mar 2:28; Luc 6:5), na nagpapakitang puwede niyang gamitin ang Sabbath para gawin ang ipinag-uutos ng kaniyang Ama sa langit. (Ihambing ang Ju 5:19; 10:37, 38.) Ginawa ni Jesus sa araw ng Sabbath ang ilan sa pinakakahanga-hangang mga himala niya, kasama na ang pagpapagaling ng maysakit. (Luc 13:10-13; Ju 5:5-9; 9:1-14) Maliwanag na ipinapakita nito ang kaginhawahang ibibigay niya sa mga tao sa panahon ng pamamahala niya sa Kaharian; magiging gaya ito ng pahinga kapag Sabbath.​—Heb 10:1.

Media