Ayon kay Marcos 16:1-8

16  Pagkalipas ng Sabbath,+ si Maria Magdalena, si Maria+ na ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng mababangong sangkap na ipapahid nila sa katawan niya pagpunta nila sa libingan.+  At maagang-maaga noong unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan, at dumating sila roon pagsikat ng araw.+  Sinasabi nila sa isa’t isa: “Sino ang mapapakiusapan nating maggulong ng bato mula sa pasukan ng libingan?”+  Pero nang tingnan nila iyon, nakita nilang naigulong na ang bato, kahit napakalaki nito.+  Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang lalaki na nakaupo sa gawing kanan at nakasuot ng mahabang damit na puti, kaya natakot sila at natigilan.  Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong matakot.+ Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno na ipinako sa tulos. Binuhay siyang muli,+ at wala siya rito. Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya.+  Pumunta kayo sa mga alagad niya at kay Pedro at sabihin ninyo sa kanila, ‘Papunta na siya sa Galilea.+ Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’”+  Kaya paglabas nila, tumakbo sila mula sa libingan, na nanginginig at manghang-mangha. At wala silang sinabihan tungkol dito dahil natatakot sila.+

Talababa

Study Notes

Maria Magdalena: Ang pangalan niyang Magdalena (nangangahulugang “Ng, o Mula sa, Magdala”) ay malamang na kinuha sa bayan ng Magdala sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea at nasa pagitan ng Capernaum at Tiberias. Sinasabing sa Magdala lumaki si Maria o doon siya nakatira.—Tingnan ang study note sa Mat 15:39; Luc 8:2.

Santiago na Nakabababa: Apostol ni Jesus at anak ni Alfeo. (Mat 10:2, 3; Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng tinawag siyang “Nakabababa” dahil baka hindi siya kasintanda o kasintangkad ng isa pang apostol Santiago, na anak ni Zebedeo.

Salome: Posibleng mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kapayapaan.” Alagad ni Jesus si Salome. Kapag inihambing ang Mat 27:56 sa Mar 3:17 at 15:40, masasabing si Salome ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan; may binanggit si Mateo na “ina ng mga anak ni Zebedeo,” at tinawag siya ni Marcos na “Salome.” Makikita rin sa Ju 19:25 na posibleng si Salome ay kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Kung gayon, sina Santiago at Juan ay pinsang buo ni Jesus. Isa pa, ipinapahiwatig ng Mat 27:55, 56, Mar 15:41, at Luc 8:3 na isa si Salome sa mga babaeng sumama kay Jesus at naglingkod sa kaniya gamit ang mga pag-aari nila.

Sabbath: Ang araw ng Sabbath (Nisan 15) ay natapos sa paglubog ng araw. Iniulat ng lahat ng apat na Ebanghelyo ang pagkabuhay-muli ni Jesus.—Mat 28:1-10; Mar 16:1-8; Luc 24:1-12; Ju 20:1-29.

Maria Magdalena: Tingnan ang study note sa Mat 27:56.

Santiago: Si Santiago na Nakabababa.​—Tingnan ang study note sa Mar 15:40.

Salome: Tingnan ang study note sa Mar 15:40.

bumili ng mababangong sangkap na ipapahid nila sa katawan niya: Naihanda na ang katawan ni Jesus para sa paglilibing “ayon sa kaugalian ng mga Judio.” (Ju 19:39, 40) Pero dahil namatay si Jesus mga tatlong oras bago ang Sabbath at hindi na puwedeng gawin ang paghahanda sa katawan ng patay sa panahon ng Sabbath, malamang na minadali ang paghahanda sa katawan ni Jesus. Kaya sa unang araw pagkatapos ng Sabbath, sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, malamang na nagpunta ang mga babaeng ito para magdagdag ng dahon, langis, o iba pang sangkap para mapreserba ang katawan niya nang mas matagal. (Luc 23:50–24:1) Malamang na ilalagay nila ang mga sangkap na ito sa ibabaw ng nakabalot na katawan ni Jesus.

unang araw ng linggo: Tumutukoy sa Nisan 16. Para sa mga Judio, ang araw pagkatapos ng Sabbath ay ang unang araw ng linggo.

libingan: O “alaalang libingan.” Hindi talaga ito kuweba, kundi isang libingang inuka sa malambot na batong-apog. Ang ganitong libingan ay may mga uka sa loob o mahahabang patungan ng bangkay.—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

unang araw ng linggo: Tingnan ang study note sa Mat 28:1.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.

bato: Lumilitaw na isa itong bilog na bato, dahil sinasabi sa talatang ito na nag-iisip ang mga babae kung sino ang ‘maggugulong ng bato,’ at sinasabi sa talata 4 na “naigulong na ang bato.” Malamang na may bigat itong isang tonelada o higit pa. Tinawag ito ni Mateo na “isang malaking bato.”—Mat 27:60.

sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli: Ang mga babaeng ito ang una sa mga alagad na nakaalam ng pagkabuhay-muli ni Jesus, at sila rin ang inutusang magbalita nito sa iba pang alagad. (Mat 28:2, 5, 7) Ayon sa di-makakasulatang paniniwala ng mga Judio, hindi puwedeng tumestigo sa korte ang isang babae. Pero binigyang-dangal ng anghel ni Jehova ang mga babae nang ibigay niya sa kanila ang magandang atas na ito.

Pumunta kayo sa mga alagad niya . . . at sabihin ninyo sa kanila: Tingnan ang study note sa Mat 28:7.

at kay Pedro: Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing espesipikong binanggit ng anghel si Pedro. (Ihambing ang kaparehong ulat sa Mat 28:7.) Mababasa naman sa Ju 20:2 na sinabi ni Maria Magdalena ang mensahe ng anghel “kay Simon Pedro at sa isa pang alagad,” si Juan. Bago nagpakita si Jesus sa mga alagad niya noong magkakasama ang mga ito, lumilitaw na nagpakita muna siya kay Pedro noong nag-iisa ito. (Luc 24:34; 1Co 15:5) Ang ginawang ito ni Jesus at ang espesipikong pagbanggit ng anghel kay Pedro ay siguradong nagbigay ng katiyakan kay Pedro na napatawad na siya sa tatlong beses na pagkakaila niya sa kaniyang kaibigan.​—Mat 26:73-75.

dahil natatakot sila: Sa pinakalumang makukuhang mga manuskrito ng huling bahagi ng Marcos, nagtatapos ang Ebanghelyo sa mga pananalitang nasa talata 8. Sinasabi ng ilan na masyado itong bitin para maging konklusyon ng aklat. Pero hindi naman ito imposible kung ang pagbabatayan ay ang istilo ng pagsulat ni Marcos na karaniwan nang maiksi at direkta sa punto. Sinasabi rin nina Jerome at Eusebius, mga iskolar noong ikaapat na siglo, na talagang nagtatapos ang aklat na ito sa pananalitang “dahil natatakot sila.”

Sa maraming manuskritong Griego at salin sa iba’t ibang wika, may idinagdag na mahaba o maikling konklusyon pagkatapos ng talata 8. Mababasa ang mahabang konklusyon (naglalaman ng 12 talata) sa Codex Alexandrinus, Codex Ephraemi Syri rescriptus, at Codex Bezae Cantabrigiensis, na lahat ay mula noong ikalimang siglo C.E. Mababasa rin ito sa Latin na Vulgate, Curetonian Syriac, at Syriac na Peshitta. Pero wala ito sa mas naunang manuskritong Griego na Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus, na mula noong ikaapat na siglo. Wala rin ito sa Codex Sinaiticus Syriacus, na mula noong ikaapat o ikalimang siglo, o sa pinakalumang manuskritong Sahidic Coptic ng Marcos, na mula noong ikalimang siglo. At sa pinakalumang manuskrito ng Marcos sa wikang Armenian at Georgian, nagtatapos din ito sa talata 8.

Sa ilang mas bagong manuskritong Griego at salin sa iba’t ibang wika, mababasa ang maikling konklusyon (na may dalawang pangungusap lang). Sa Codex Regius, na mula noong ikawalong siglo C.E., mababasa ang maikling konklusyon na sinusundan ng mahabang konklusyon. Sinasabi ng codex sa simula ng bawat konklusyon na ang karagdagang mga talata ay tinatanggap ng kinikilalang mga awtoridad nang panahong iyon, pero hindi nito sinasabi na talagang bahagi ng Kasulatan ang mga talatang iyon.

MAIKLING KONKLUSYON

Ang maikling konklusyon pagkatapos ng Mar 16:8 ay hindi bahagi ng Kasulatan. Ito ang mababasa roon:

Ngunit ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos ay inilahad nila nang maikli doon sa mga nasa palibot ni Pedro. Karagdagan pa, pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus mismo ay nagpadala sa pamamagitan nila ng banal at walang-kasiraang paghahayag ng walang-hanggang kaligtasan mula sa silangan hanggang sa kanluran.

MAHABANG KONKLUSYON

Ang mahabang konklusyon pagkatapos ng Mar 16:8 ay hindi bahagi ng Kasulatan. Ito ang mababasa roon:

9 Pagkabangon niya nang maaga noong unang araw ng sanlinggo ay nagpakita muna siya kay Maria Magdalena, na mula rito ay nagpalayas siya ng pitong demonyo. 10 Ito ay humayo at nag-ulat doon sa mga nakasama niya, samantalang sila ay nagdadalamhati at tumatangis. 11 Ngunit sila, nang marinig nilang nabuhay siya at nakita nito, ay hindi naniwala. 12 Bukod diyan, pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakita siya sa iba pang anyo sa dalawa sa kanila na naglalakad, samantalang sila ay papunta sa lalawigan; 13 at bumalik sila at nag-ulat sa iba. Hindi rin naman nila pinaniwalaan ang mga ito. 14 Ngunit sa kalaunan ay nagpakita siya sa labing-isa mismo samantalang nakahilig sila sa mesa, at pinagwikaan niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan yaong mga nakakita sa kaniya na ibinangon na ngayon mula sa mga patay. 15 At sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilalang. 16 Siya na naniniwala at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit siya na hindi naniniwala ay hahatulan. 17 Karagdagan pa, ang mga tandang ito ay lalakip doon sa mga naniniwala: Sa pamamagitan ng paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga wika, 18 at pupulutin nila ng kanilang mga kamay ang mga serpiyente, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi ito makapananakit sa kanila sa paanuman. Ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga taong may sakit, at ang mga ito ay gagaling.”

19 Kaya nga, ang Panginoong Jesus, pagkatapos na magsalita sa kanila, ay kinuhang paitaas sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Alinsunod dito, umalis sila at nangaral sa lahat ng dako, samantalang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinagtitibay ang mensahe sa pamamagitan ng kalakip na mga tanda.

Media

Codex Sinaiticus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos
Codex Sinaiticus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos

Ang Codex Sinaiticus ay isang manuskrito sa makapal na papel na isinulat sa Griego noong ikaapat na siglo C.E. Mababasa roon ang buong Kristiyanong Griegong Kasulatan at bahagi ng Hebreong Kasulatan na isinalin sa Griego na tinatawag na Septuagint. Itinuturing ng mga iskolar ang Codex Sinaiticus na isa sa mga maaasahang batayan ng tekstong Griego sa Bibliya. Ang manuskrito ay iningatan sa St. Catherine’s Monastery sa paanan ng Bundok Sinai hanggang sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Sa ngayon, ang malaking bahagi ng manuskritong ito, kasama na ang nasa larawan, ay iniingatan sa British Library sa London, England. Makikita sa larawang ito ang katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos (1) at ang simula ng ulat ni Lucas (2). Sa manuskritong ito at sa kasinghalaga nitong ikaapat-na-siglong manuskrito na tinatawag na Codex Vaticanus, ang ulat ni Marcos ay nagtatapos sa mga pananalitang makikita sa mga Bibliya ngayon sa Marcos 16:8.—Tingnan ang study note sa Mar 16:8.

Codex Vaticanus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos
Codex Vaticanus—Ang Katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos

Ang Vatican Manuscript Blg. 1209, na tinatawag ding Codex Vaticanus, ay mula noong ikaapat na siglo C.E. Itinuturing ito ng mga iskolar na isa sa mga maaasahang batayan ng tekstong Griego sa Bibliya. Makikita sa larawan ang katapusan ng Ebanghelyo ni Marcos. Sa manuskritong ito at sa kasinghalaga nitong ikaapat-na-siglong manuskrito na tinatawag na Codex Sinaiticus, ang ulat ni Marcos ay nagtatapos sa mga pananalitang makikita sa mga Bibliya ngayon sa Marcos 16:8. (Tingnan ang study note sa Mar 16:8.) Posibleng ginawa ang codex na ito sa Alejandria, sa Ehipto, at ipinapakita ng malabong sulat na nagamit na noon ang pergaminong ginamit ng tagakopya. Mababasa dati sa codex na ito ang buong Bibliya sa wikang Griego, at malamang na mayroon itong mga 820 pahina, pero 759 pa ang natira. Wala na ang kalakhang bahagi ng Genesis, pati na ang isang bahagi ng Awit, Hebreo 9:14 hanggang 13:25, at ang buong 1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon, at Apocalipsis. Naingatan ang Codex Vaticanus sa Vatican Library sa Rome, Italy, at sinasabing nandoon na ito mula pa noong ika-15 siglo.