Ayon kay Marcos 15:1-47
Talababa
Study Notes
Sanedrin: Mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Ang salitang Griego na isinasaling “Sanedrin” (sy·neʹdri·on) ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Karaniwan itong tumutukoy sa isang pagtitipon o pagpupulong, pero sa Israel, puwede rin itong tumukoy sa relihiyosong korte o lupon ng mga hukom.—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari; tingnan din ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng Bulwagan ng Sanedrin.
Sanedrin: Tingnan ang study note sa Mat 26:59.
Pilato: Ang Romanong gobernador (prepekto) ng Judea na iniluklok ni Emperador Tiberio noong 26 C.E. Namahala siya nang mga 10 taon. Si Pilato ay binanggit ng sekular na mga manunulat, gaya ng Romanong istoryador na si Tacitus. Isinulat nitong ipinag-utos ni Pilato ang pagpatay kay Kristo sa panahon ng pamamahala ni Tiberio. Isang inskripsiyong Latin na may pananalitang “Poncio Pilato, Prepekto ng Judea” ang natagpuan sa sinaunang teatrong Romano sa Cesarea, Israel.—Tingnan ang Ap. B10 para sa teritoryong sakop ni Poncio Pilato.
Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Sa Imperyo ng Roma, walang haring makakapamahala nang walang pahintulot ni Cesar. Kaya makikitang ang mga tanong ni Pilato ay nakasentro sa isyu ng pagiging hari ni Jesus.
Ikaw na mismo ang nagsasabi: Maliwanag na ang sagot na ito ni Jesus ay kumpirmasyon na ang sinabi ni Pilato ay totoo. (Ihambing ang study note sa Mat 26:25, 64.) Bagaman inamin ni Jesus kay Pilato na siya nga ay isang hari, iba ito sa iniisip ni Pilato, dahil ang Kaharian ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito” at hindi magiging banta sa Roma.—Ju 18:33-37.
Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.
Ikaw na mismo ang nagsasabi: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.
nagpapalaya siya ng isang bilanggo: Iniulat ito ng lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo. (Mat 27:15-23; Luc 23:16-25; Ju 18:39, 40) Hindi ito iniutos sa Hebreong Kasulatan, at wala ring ganitong pangyayari na nakaulat doon. Pero lumilitaw na noong panahon ni Jesus, may ganito nang tradisyon ang mga Judio. Hindi bago ang ganitong kaugalian sa mga Romano, dahil may mga ebidensiya na nagpapakitang nagpapalaya talaga sila ng mga bilanggo para mapasaya ang mga tao.
Muli: Gaya ng mababasa sa Luc 23:18-23, sumigaw ang mga tao nang di-bababa sa tatlong beses para hilingin kay Pilato na patayin si Jesus. Makikita naman sa ulat ni Marcos na tatlong beses na tinanong ni Pilato ang mga tao tungkol kay Jesus.—Mar 15:9, 12, 14.
ipinahagupit: Ang panghagupit na ginagamit ng mga Romano ay isang nakakapangilabot na instrumento na tinatawag sa Latin na flagellum, kung saan kinuha ang pandiwang Griego na ginamit dito (phra·gel·loʹo, “hagupitin”). Ang panghagupit ay may hawakan na kinakabitan ng ilang kurdon o nakatirintas na mahahabang piraso ng katad. Kung minsan, ang mga pirasong ito ng katad ay nilalagyan ng matatalim na piraso ng buto o metal para lalong maging masakit ang mga hampas. Ang hinahampas ng ganitong instrumento ay nagkakapasa-pasa, nawawakwak ang laman, at puwede pa ngang mamatay.
maipahagupit: Tingnan ang study note sa Mat 27:26.
bahay ng gobernador: Ang terminong Griego na prai·toʹri·on (mula sa salitang Latin na praetorium) ang ginagamit para sa opisyal na tirahan ng mga Romanong gobernador. Sa Jerusalem, ang bahay na ito ay posibleng ang palasyo na itinayo ni Herodes na Dakila sa hilagang-kanluran ng mataas na bahagi ng lunsod, sa timog ng Jerusalem. (Tingnan ang Ap. B12 para sa lokasyon.) Tumitira lang si Pilato sa Jerusalem sa ilang okasyon, gaya ng kapag may kapistahan, dahil puwedeng magkagulo sa ganitong mga panahon. Karaniwan nang sa Cesarea siya nakatira.
bahay ng gobernador: Tingnan ang study note sa Mat 27:27.
sinuotan nila siya ng damit na purpura: Ginawa ito para hamakin si Jesus at gawing katatawanan ang pagkahari niya. Ayon sa ulat ni Mateo (27:28), sinuotan si Jesus ng mga sundalo ng “matingkad-na-pulang balabal,” isang klase ng balabal o mahabang damit na pampatong na isinusuot ng mga hari, mahistrado, o mga opisyal ng hukbo. Ayon sa ulat nina Marcos at Juan (19:2), purpurang damit ang isinuot sa kaniya, pero noon, “purpura” ang tawag sa anumang kulay na may pinaghalong pula at asul. Gayundin, naiiba ang tingin ng isa sa kulay depende sa anggulo, repleksiyon ng ilaw, at kulay sa paligid. Ipinapakita lang ng ganitong pagkakaiba-iba ng kulay sa ulat ng mga Ebanghelyo na hindi nagkopyahan ang mga manunulat nito.
koronang: Bukod sa damit na purpura (na binanggit din sa talatang ito), binigyan din si Jesus ng koronang tinik at, ayon sa Mat 27:29, ng setrong “tambo” para gawing katatawanan ang pagiging hari niya.
Magandang araw: O “Mabuhay ka.” Lit., “Ipagbunyi ang.” Binati nila si Jesus gaya ng kung paano nila babatiin si Cesar, maliwanag na para tuyain siya dahil sinasabi niyang hari siya.
Magandang araw: Tingnan ang study note sa Mat 27:29.
duduraan: Ang pagdura sa isang tao o sa kaniyang mukha ay nagpapakita ng matinding panghahamak, pakikipag-away, o galit, kaya napapahiya ang sinumang gawan nito. (Bil 12:14; Deu 25:9) Sinasabi ni Jesus na mararanasan niya ito bilang katuparan ng hula tungkol sa Mesiyas: “Hindi ko iniwas ang mukha ko sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.” (Isa 50:6) Dinuraan siya nang humarap siya sa Sanedrin (Mar 14:65), at dinuraan siya ng mga sundalong Romano matapos siyang litisin ni Pilato (Mar 15:19).
magbigay-galang: O “yumukod.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” Pero sa kontekstong ito, ang hinahanap ng mga astrologo ay ang “ipinanganak na hari ng mga Judio.” Kaya malinaw na ang termino ay tumutukoy sa pagbibigay-galang sa isang taong hari, hindi sa isang diyos. Ganiyan din ang pagkakagamit sa Mar 15:18, 19, kung saan sinabing ang mga sundalong nangungutya kay Jesus ay “yumuyukod” sa kaniya at tinatawag siyang “Hari ng mga Judio.”—Tingnan ang study note sa Mat 18:26.
dinuduraan: Ang panghahamak na ito kay Jesus ay katuparan ng mismong sinabi niya sa Mar 10:34 at ng hula tungkol sa Mesiyas sa Isa 50:6.—Tingnan ang study note sa Mar 10:34.
yumuyukod sa kaniya: O “nagbibigay-galang sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay ginamit dito para tumukoy sa mapanghamak na pagyukod ng mga sundalo kay Jesus habang tinatawag nila siyang “Hari ng mga Judio.”—Mar 15:18; tingnan ang study note sa Mat 2:2.
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.” Ito ang una sa mahigit 40 paggamit ng pandiwang Griego na stau·roʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang pandiwa ng pangngalang Griego na stau·rosʹ, na isinasaling “pahirapang tulos.” (Tingnan ang study note sa Mat 10:38; 16:24; 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Ginamit ng Septuagint ang pandiwang ito sa Es 7:9, kung saan ipinag-utos na ibitin si Haman sa tulos na mahigit 20 m (65 ft) ang taas. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “bakuran o palibutan ng tulos o poste.”
ipako sa tulos: O “ibitin sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
taga-Cirene: Ang Cirene ay isang lunsod malapit sa hilagang baybayin ng Africa, sa timog-kanluran ng isla ng Creta.—Tingnan ang Ap. B13.
utusan ka: Ipinapaalala nito ang sapilitang paglilingkod na puwedeng ipagawa ng Romanong awtoridad sa isang mamamayan. Halimbawa, puwede nilang sapilitang pagtrabahuhin ang isang tao o hayop o ipagawa ang anumang kailangan para mabilis na maisagawa ang ipinag-uutos ng pamahalaan. Iyan ang nangyari kay Simon na taga-Cirene, na “pinilit” ng Romanong mga sundalo na buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.—Mat 27:32.
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos”; tingnan din ang study note sa Mat 10:38 at 16:24, kung saan ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan.
taga-Cirene: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.
ama nina Alejandro at Rufo: Si Marcos lang ang bumanggit ng impormasyong ito tungkol kay Simon na taga-Cirene.
Pinilit: Ipinapaalala nito ang sapilitang paglilingkod na puwedeng ipagawa ng Romanong awtoridad sa isang mamamayan. Halimbawa, puwede nilang sapilitang pagtrabahuhin ang isang tao o hayop o ipagawa ang anumang kailangan para mabilis na maisagawa ang ipinag-uutos ng pamahalaan.—Tingnan ang study note sa Mat 5:41.
pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.
Golgota: Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “bungo.” (Tingnan ang Ju 19:17; ihambing ang Huk 9:53, kung saan ang salitang Hebreo na gul·goʹleth ay isinaling “bungo.”) Noong panahon ni Jesus, ang lugar na ito ay nasa labas ng pader ng Jerusalem. Pero hindi matukoy sa ngayon ang eksaktong lokasyon nito. (Tingnan ang Ap. B12.) Hindi sinasabi sa Bibliya na ang Golgota ay nasa burol, pero binabanggit dito na ang pagpatay kay Jesus ay nakita ng mga tao mula sa malayo.—Mar 15:40; Luc 23:49.
Bungo: Ang ekspresyong Griego na Kra·niʹou Toʹpon ay katumbas ng pangalang Hebreo na Golgota. (Tingnan ang study note sa Golgota sa talatang ito. Para sa pagtalakay sa pagkakagamit ng terminong Hebreo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang study note sa Ju 5:2.) Ang terminong “Calvary” ay ginamit sa Luc 23:33 sa ilang Ingles na salin ng Bibliya. Mula ito sa salitang Latin na calvaria (bungo) na ginamit sa Vulgate.
Golgota: Mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “bungo.” (Ihambing ang Huk 9:53; 2Ha 9:35; 1Cr 10:10, kung saan ang salitang Hebreo na gul·goʹleth ay isinaling “bungo.”) Noong panahon ni Jesus, ang lugar na ito ay nasa labas ng pader ng Jerusalem. Hindi matukoy ang eksaktong lokasyon nito, pero iniisip ng ilan na posibleng ito ang lugar kung saan matatagpuan sa ngayon ang Church of the Holy Sepulchre. (Tingnan ang Ap. B12.) Hindi sinasabi sa Bibliya na ang Golgota ay nasa burol, pero binabanggit dito na ang pagpatay kay Jesus ay nakita ng mga tao mula sa malayo.—Mar 15:40; Luc 23:49.
Golgota: Tingnan ang study note sa Mat 27:33.
Bungo: Ang ekspresyong Griego na Kra·niʹou Toʹpos ay katumbas ng salitang Hebreo na Golgota. (Tingnan ang mga study note sa Ju 19:17.) Ang terminong Calvary ay ginamit sa Luc 23:33 sa ilang Ingles na salin ng Bibliya. Mula ito sa salitang Latin para sa “bungo,” calvaria, na ginamit sa Vulgate.
mapait na likido: Dito, ang salitang Griego na kho·leʹ ay tumutukoy sa mapait na likidong mula sa halaman o anumang mapait na substansiya. Para ipakitang ang pangyayaring ito ay katuparan ng hula, sinipi ni Mateo ang Aw 69:21, kung saan ginamit ng Septuagint ang salitang Griegong ito bilang katumbas ng salitang Hebreo para sa “lason.” Lumilitaw na ang alak ay hinaluan ng mga babae ng Jerusalem ng mapait na likido para mamanhid ang mga binibitay, at pinahintulutan ito ng mga Romano. Sinasabi sa kaparehong ulat sa Mar 15:23 na ang alak ay “hinaluan ng mira,” kaya maliwanag na ang alak na ibinigay kay Jesus ay may halong mira at mapait na likido.
alak na hinaluan ng mira: Sa kaparehong ulat sa Mat 27:34, sinabing ang alak ay “hinaluan ng mapait na likido.” Malamang na ang inuming ito ay parehong may mira at mapait na likido. Lumilitaw na nakapagpapamanhid ang inuming ito.—Tingnan ang study note sa hindi niya ito tinanggap sa talatang ito at study note sa Mat 27:34.
hindi niya ito tinanggap: Maliwanag na gusto ni Jesus na malinaw ang kaniyang isip at kontrolado niya ang lahat ng kaniyang pandamdam habang nasa ilalim ng pagsubok na iyon.
pinaghati-hatian nila ang damit: Ang salitang Griego dito na isinaling “damit” ay puwedeng tumukoy sa balabal o sa mahabang damit na pampatong. Sa Ju 19:23, 24, may mga detalyeng hindi binanggit sa ulat nina Mateo, Marcos, at Lucas. Kapag pinagsama-sama ang ulat sa apat na Ebanghelyo, ito ang eksenang mabubuo: Lumilitaw na nagpalabunutan ang mga sundalong Romano para sa balabal at panloob na damit ni Jesus; ang balabal ay “hinati sa apat, isa sa bawat sundalo”; ayaw nilang paghati-hatian ang panloob na damit kaya nagpalabunutan sila; at ang pagpapalabunutan sa kasuotan ng Mesiyas ay katuparan ng Aw 22:18. Lumilitaw na nakaugalian na ng mga tagabitay na kunin ang damit ng bibitayin nila. Kinukuha sa mga kriminal ang damit at iba pa nilang gamit bago sila patayin kaya nagiging mas kahiya-hiya ang kamatayan nila.
pinaghati-hatian ang damit niya: Tingnan ang study note sa Mat 27:35.
Nagpalabunutan: Tingnan sa Glosari, “Palabunutan.”
Ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Sinasabi ng ilan na may pagkakasalungatan ang ulat na ito at ang ulat sa Ju 19:14-16, na nagsasabing “mga ikaanim na oras” nang ipabitay ni Pilato si Jesus. Hindi lubusang ipinapaliwanag ng Kasulatan kung bakit may pagkakaiba, pero ito ang ilang bagay na puwedeng pag-isipan: Karaniwan nang magkakatugma ang mga Ebanghelyo pagdating sa oras ng mga pangyayari noong huling araw ni Jesus sa lupa. Ipinapakita ng apat na ulat na umaga noon nang magtipon ang mga saserdote at matatandang lalaki at nang ipadala nila si Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. (Mat 27:1, 2; Mar 15:1; Luc 22:66–23:1; Ju 18:28) Iniulat nina Mateo, Marcos, at Lucas na noong nasa tulos na si Jesus, nagdilim ang buong lupain mula “ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras.” (Mat 27:45, 46; Mar 15:33, 34; Luc 23:44) Ito ang isang bagay na posibleng nakaapekto sa pagsasabi kung anong oras binitay si Jesus: Ang paghagupit ay itinuturing ng ilan na kasama sa proseso ng pagbitay. Minsan, napakatindi ng paghagupit sa isang tao kaya namamatay agad ito. Napakatindi ng paghagupit kay Jesus, kaya kinailangan na siyang tulungan ng iba sa pagbuhat sa pahirapang tulos niya. (Luc 23:26; Ju 19:17) Kung ang paghagupit ay itinuturing na simula ng proseso ng pagbitay, ilang oras pa ang lumipas bago aktuwal na ipinako si Jesus sa pahirapang tulos. Sa Mat 27:26 at Mar 15:15, parehong binanggit ang paghagupit at pagbayubay sa kaniya sa tulos. Kaya puwedeng magkakaiba ang sabihin ng iba’t ibang indibidwal na oras ng pagbitay, depende sa pinaniniwalaan nilang simula ng proseso ng pagbitay. Makakatulong ito para maintindihan kung bakit nagulat si Pilato na namatay agad si Jesus matapos ipako sa tulos. Posible kasi na para kay Pilato, kakasimula pa lang ng pagbitay kay Jesus. (Mar 15:44) Isa pa, ang araw ay karaniwan nang hinahati-hati ng mga manunulat ng Bibliya sa apat na yugto na may tigtatatlong oras, gaya ng ginagawa sa gabi. Iyan ang dahilan kung bakit madalas mabasa sa mga ulat nila ang ikatlo, ikaanim, at ikasiyam na oras, pasimula sa pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u. (Mat 20:1-5; Ju 4:6; Gaw 2:15; 3:1; 10:3, 9, 30) Gayundin, karamihan sa mga tao noon ay walang mga orasan na makakapagbigay ng eksaktong oras, kaya ang pagtukoy sa oras ay madalas na ginagamitan ng terminong “mga,” gaya ng makikita sa Ju 19:14. (Mat 27:46; Luc 23:44; Ju 4:6; Gaw 10:3, 9) Bilang sumaryo: Posibleng para kay Marcos, kasama sa pagbitay ang paghagupit at pagpapako sa tulos; pero para kay Juan, ang pagbitay ay tumutukoy lang sa pagpapako sa tulos. Posibleng ginamit ng parehong manunulat ang pinakamalapit na tatlong-oras na yugto para tukuyin ang oras ng pagbitay kay Jesus, at gumamit si Juan ng terminong “mga” noong sabihin niya ang oras ng pagbitay. Ang mga ito ang posibleng dahilan ng pagkakaiba ng oras na binanggit sa mga ulat na iyon. Ipinapakita rin ng pagkakaibang ito na kahit maraming taon na ang lumipas bago nag-ulat si Juan, hindi niya basta kinopya lang ang ulat ni Marcos.
magnanakaw: O “bandido.” Ang salitang Griego na lei·stesʹ ay puwedeng tumukoy sa mga nagnanakaw nang may dahas at puwede ring sa mga rebelde. Ito rin ang salitang ginamit para kay Barabas (Ju 18:40), na nabilanggo dahil sa “pagpatay” at ‘sedisyon’ ayon sa Luc 23:19. Sa kaparehong ulat sa Luc 23:32, 33, 39, tinawag silang “mga kriminal,” mula sa salitang Griego na ka·kourʹgos, na literal na nangangahulugang “taong gumagawa ng masama.”
magnanakaw: Tingnan ang study note sa Mat 27:38.
Sa ilang mas bagong manuskrito, mababasa rito: “At natupad ang kasulatan na nagsasabi: ‘At itinuring siyang kriminal,’” na sinipi mula sa Isa 53:12. Pero wala ang pananalitang ito sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, at maliwanag na hindi ito bahagi ng orihinal na teksto ng Marcos. May katulad na pananalita sa Luc 22:37. Sinasabi ng ilan na isang tagakopya ang nagdagdag ng pananalitang ito sa ulat ni Marcos mula sa ulat ni Lucas.—Tingnan ang Ap. A3.
pailing-iling: Ginagawa ito para mang-alipusta, manghamak, o mang-insulto at karaniwan nang may kasamang salita. Hindi alam ng mga dumadaang iyon na tinutupad nila ang hula sa Aw 22:7.
pailing-iling: Tingnan ang study note sa Mat 27:39.
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos”; tingnan din ang study note sa Mat 10:38 at 16:24, kung saan ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan.
pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos”; tingnan din ang study note sa Mat 10:38 at 16:24, kung saan ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan.
pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.
mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
mga ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Noong unang siglo C.E., 12 oras ang maghapon para sa mga Judio, at nagsisimula ang pagbilang sa pagsikat ng araw bandang 6:00 n.u. (Ju 11:9) Kaya ang ikatlong oras ay mga 9:00 n.u., ang ikaanim na oras ay bandang tanghali, at ang ikasiyam na oras ay mga 3:00 n.h. Dahil walang mga orasan noon na makapagbibigay ng eksaktong oras, karaniwan nang tinatantiya lang sa mga ulat ang oras ng isang pangyayari.—Ju 1:39; 4:6; 19:14; Gaw 10:3, 9.
ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.
nagdilim: Mababasa rin sa kaparehong ulat ni Lucas na “naglaho ang liwanag ng araw.” (Luc 23:44, 45) Ang kadilimang ito ay isang himala na gawa ng Diyos. Hindi ito dahil sa solar eclipse, dahil nangyayari ang solar eclipse kapag bagong buwan. Pero panahon ng Paskuwa noon at kabilugan ng buwan. At ang kadilimang ito ay umabot nang tatlong oras, na di-hamak na mas matagal kaysa sa pinakamahabang total eclipse na posible, na hindi aabot nang walong minuto.
Eli, Eli, lama sabaktani?: Sinasabi ng ilan na Aramaiko ang pananalitang ito, pero malamang na ito ay nasa wikang Hebreo na ginagamit noon at naimpluwensiyahan ng Aramaiko. Hindi matutukoy ang orihinal na wikang pinanggalingan nito kung pagbabatayan lang ang transliterasyon sa Griego na ginamit nina Mateo at Marcos.
Diyos ko, Diyos ko: Nang tawagin ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit bilang kaniyang Diyos, tinupad niya ang hula sa Aw 22:1. Posibleng naalala ng mga nakarinig sa paghiyaw ni Jesus ang iba pang hula tungkol sa kaniya sa Aw 22—na siya ay pagtatawanan, iinsultuhin, sasaktan sa kamay at paa, at na ang kasuotan niya ay paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.—Aw 22:6-8, 16, 18.
Eli, Eli, lama sabaktani?: Tingnan ang study note sa Mat 27:46.
Diyos ko, Diyos ko: Tingnan ang study note sa Mat 27:46.
Elias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
maasim na alak: O “sukang alak.” Malamang na tumutukoy sa maasim na alak na hindi matapang pero gumuguhit. Tinatawag ito sa Latin na acetum (sukà) o posca kapag hinaluan ng tubig. Mura lang ito at karaniwang iniinom ng mahihirap, pati na ng mga sundalong Romano, bilang pamatid-uhaw. Ang salitang Griego na oʹxos ay ginamit din ng Septuagint sa Aw 69:21, kung saan inihula na ang Mesiyas ay bibigyan ng “sukà” para inumin.
tambo: O “patpat; tungkod.” Sa ulat ni Juan, tinatawag itong “tangkay ng isopo.”—Ju 19:29; tingnan sa Glosari, “Isopo.”
maasim na alak: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.
tambo: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.
nalagutan ng hininga: Lit., “isinuko niya ang kaniyang puwersa ng buhay.” O “namatay.” Ang salitang Griego para sa “puwersa ng buhay” (pneuʹma) ay puwedeng tumukoy sa “hininga,” at sinusuportahan ito ng pandiwang Griego na ek·pneʹo (lit., “bumuga ng hininga”) na ginamit sa kaparehong ulat sa Mar 15:37 (kung saan isinalin itong “namatay,” o ayon sa study note, “nalagutan ng hininga”). Sinasabi ng ilan na ang paggamit ng terminong Griego na puwedeng literal na isaling “isinuko” ay nangangahulugang hindi na nakipaglaban si Jesus para mabuhay, dahil nagawa na niya ang kailangan niyang gawin. (Ju 19:30) “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan.”—Isa 53:12; Ju 10:11.
namatay: O “nalagutan ng hininga.”—Tingnan ang study note sa Mat 27:50.
kurtina: Ang kurtinang ito na napapalamutian ang naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan sa templo. Ayon sa mga akdang Judio, ang mabigat na kurtinang ito ay mga 18 m (60 ft) ang haba, 9 m (30 ft) ang lapad, at 7.4 cm (2.9 in) ang kapal. Ipinapakita ng pagkakahati ng kurtina na galit na galit si Jehova sa mga pumatay sa kaniyang Anak at na posible na ang pagpasok sa langit.—Heb 10:19, 20; tingnan sa Glosari.
templo: Dito, ang salitang Griego na na·osʹ ay tumutukoy sa mismong templo, kung nasaan ang Banal at ang Kabanal-banalan.
kurtina: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.
templo: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.
isang sundalo: Ang terminong Griego na ginamit dito ay spe·kou·laʹtor, hiram na salita sa Latin (speculator), na puwedeng tumukoy sa isang personal na bantay, tagapagdala ng mensahe, at kung minsan, sa isang tagabitay. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may mga salitang Griego na ipinanumbas sa mga 30 salitang Latin, at karamihan sa mga salitang ito ay makikita sa Marcos at Mateo. Ang mga salitang ito ay may kaugnayan sa militar, hukuman, pananalapi, at sa pang-araw-araw na buhay. Sa lahat ng manunulat ng Bibliya, si Marcos ang pinakamadalas na gumamit ng ganitong mga salita. Sinusuportahan nito ang paniniwalang isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo sa Roma at pangunahin nang para sa mga di-Judio, partikular na sa mga Romano.—Tingnan ang study note sa Ju 19:20.
Latin: Dito lang espesipikong binanggit ang wikang Latin sa Bibliya. Noong panahon ni Jesus, Latin ang wikang ginagamit ng mga Romanong awtoridad sa Israel. Hindi ito ang wikang karaniwang ginagamit ng mga tao, pero ito ang ginagamit sa opisyal na mga inskripsiyon. Iba-iba ang wikang ginagamit noon, at posibleng ito ang dahilan kaya ipinasulat ni Pilato sa opisyal na Latin, pati na sa Hebreo at Griego (Koine), ang nasa ulunan ni Jesus noong patayin siya, gaya ng binabanggit sa Ju 19:19. Maraming salita at ekspresyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mula sa Latin.—Tingnan sa Glosari; “Introduksiyon sa Marcos.”
opisyal ng hukbo: O “senturyon,” pinuno ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano. Ang opisyal na ito ay posibleng nasa paglilitis ni Pilato kay Jesus, at posibleng narinig niya mula sa mga Judio na sinasabi ni Jesus na Anak siya ng Diyos. (Mar 15:16; Ju 19:7) Ginamit dito ni Marcos ang salitang Griego na ken·ty·riʹon, salitang-hiram sa Latin na mababasa rin sa Mar 15:44, 45.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos” at study note sa Mar 6:27; Ju 19:20.
Maria Magdalena: Ang pangalan niyang Magdalena (nangangahulugang “Ng, o Mula sa, Magdala”) ay malamang na kinuha sa bayan ng Magdala sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea at nasa pagitan ng Capernaum at Tiberias. Sinasabing sa Magdala lumaki si Maria o doon siya nakatira.—Tingnan ang study note sa Mat 15:39; Luc 8:2.
Maria Magdalena: Tingnan ang study note sa Mat 27:56.
Santiago na Nakabababa: Apostol ni Jesus at anak ni Alfeo. (Mat 10:2, 3; Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng tinawag siyang “Nakabababa” dahil baka hindi siya kasintanda o kasintangkad ng isa pang apostol Santiago, na anak ni Zebedeo.
Joses: Mula sa Hebreo, pinaikling anyo ng Josipias, na nangangahulugang “Dagdagan (Paramihin) Nawa ni Jah; Dinagdagan (Pinarami) ni Jah.” Sa ilang manuskrito, “Jose” ang mababasa rito, pero karamihan sa sinaunang mga manuskrito ay gumamit ng “Joses.”—Ihambing ang kaparehong ulat sa Mat 27:56.
Salome: Posibleng mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kapayapaan.” Alagad ni Jesus si Salome. Kapag inihambing ang Mat 27:56 sa Mar 3:17 at 15:40, masasabing si Salome ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan; may binanggit si Mateo na “ina ng mga anak ni Zebedeo,” at tinawag siya ni Marcos na “Salome.” Makikita rin sa Ju 19:25 na posibleng si Salome ay kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Kung gayon, sina Santiago at Juan ay pinsang buo ni Jesus. Isa pa, ipinapahiwatig ng Mat 27:55, 56, Mar 15:41, at Luc 8:3 na isa si Salome sa mga babaeng sumama kay Jesus at naglingkod sa kaniya gamit ang mga pag-aari nila.
Paghahanda: Lumilitaw na sumulat si Marcos pangunahin na para sa mga di-Judio, kaya ipinaliwanag niya na ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa araw bago ang Sabbath. Hindi makikita ang paliwanag na ito sa ibang Ebanghelyo. (Mat 27:62; Luc 23:54; Ju 19:31) Sa araw na ito, naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath sa pamamagitan ng paghahanda ng mas maraming pagkain at pagtapos sa anumang trabahong hindi na makakapaghintay hanggang sa matapos ang Sabbath. Sa pagkakataong ito, ang araw ng Paghahanda ay tumapat sa Nisan 14.—Tingnan sa Glosari.
Arimatea: Ang pangalan ng lunsod na ito ay mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kaitaasan.” Sa Luc 23:51, tinatawag itong “lunsod ng mga Judeano.”—Tingnan ang Ap. B10.
Sanedrin: Mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem. Ang salitang Griego na isinasaling “Sanedrin” (sy·neʹdri·on) ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Karaniwan itong tumutukoy sa isang pagtitipon o pagpupulong, pero sa Israel, puwede rin itong tumukoy sa relihiyosong korte o lupon ng mga hukom.—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari; tingnan din ang Ap. B12 para sa posibleng lokasyon ng Bulwagan ng Sanedrin.
Jose: Makikita ang personalidad ng mga manunulat ng Ebanghelyo sa magkakaibang detalye na iniulat nila tungkol kay Jose. Sinabi ni Mateo, isang maniningil ng buwis, na si Jose ay “isang taong mayaman”; sinabi naman ni Marcos, na sumulat pangunahin na para sa mga Romano, na siya ay “iginagalang na miyembro ng Sanggunian” at naghihintay sa Kaharian ng Diyos; sinabi ni Lucas, isang mapagmalasakit na doktor, na “isa siyang mabuti at matuwid na tao” na hindi sumuporta sa pakana ng Sanggunian laban kay Jesus; si Juan lang ang nag-ulat na “alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.”—Mat 27:57-60; Mar 15:43-46; Luc 23:50-53; Ju 19:38-42.
Arimatea: Tingnan ang study note sa Mat 27:57.
miyembro ng Sanggunian: Miyembro ng Sanedrin, mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Mat 26:59 at Glosari, “Sanedrin.”
libingan: O “alaalang libingan.” Hindi talaga ito kuweba, kundi isang libingang inuka sa malambot na batong-apog. Ang ganitong libingan ay may mga uka sa loob o mahahabang patungan ng bangkay.—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”
libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.
isang bato: Lumilitaw na isa itong bilog na bato, dahil sinasabi sa talatang ito na iginulong ang bato, at sinasabi naman sa Mar 16:4 na “naigulong na ang bato” noong buhaying muli si Jesus. Malamang na may bigat itong isang tonelada o higit pa. Tinawag ito ni Mateo na “isang malaking bato.”—Mat 27:60.
Media

Binubuo ng 71 miyembro ang mataas na hukuman ng mga Judio na tinatawag na Dakilang Sanedrin. Ito ay nasa Jerusalem. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin.”) Ayon sa Mishnah, ang mga upuan ay nakaayos nang pakurba at may tatlong hilera na hagdan-hagdan, at may dalawang eskriba sa mga pagdinig para isulat ang hatol ng korte. Ang ilang bahagi ng korte na makikita rito ay batay sa istrakturang natagpuan sa Jerusalem na sinasabi ng ilan na ang Pulungan ng Sanggunian noong unang siglo.—Tingnan ang Apendise B12, mapa na “Jerusalem at ang Palibot Nito.”
1. Mataas na saserdote
2. Mga miyembro ng Sanedrin
3. Nasasakdal
4. Mga eskriba

Replika ito ng buto ng sakong ng tao na may nakatusok na pakong bakal na 11.5 cm (4.5 in) ang haba. Ang orihinal na artifact nito, na natuklasang mula pa noong panahon ng mga Romano, ay natagpuan noong 1968 sa isang paghuhukay sa hilagang Jerusalem. Patunay ito na posible talagang ginagamit noon ang mga pako sa paglalapat ng hatol na kamatayan sa tulos. Ang pakong ito ay maaaring katulad ng ginamit ng mga sundalong Romano sa pagpapako kay Jesu-Kristo sa tulos. Ang artifact ay natagpuan sa isang lalagyang bato, na tinatawag na ossuary, kung saan inilalagay ang tuyong buto ng bangkay kapag nabulok na ang laman nito. Ipinapakita nito na maaaring ilibing ang taong hinatulan ng kamatayan sa tulos.

Kadalasan na, inililibing ng mga Judio ang mga patay sa mga kuweba o butas na inuka sa bato. Karaniwan nang nasa labas ng lunsod ang mga libingan, maliban sa libingan ng mga hari. Kapansin-pansin ang pagiging simple ng mga natagpuang libingan ng mga Judio. Malamang na simple ito dahil hindi naman sinasamba ng mga Judio ang mga patay at hindi sila naniniwala na nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu ang mga namatay.