Jeremias 46:1-28
46 Ito ang salita ni Jehova na dumating sa propetang si Jeremias tungkol sa mga bansa:+
2 Para sa Ehipto,+ may kinalaman sa hukbo ni Paraon Neco+ na hari ng Ehipto, na nasa kahabaan ng Ilog Eufrates sa Carkemis at natalo ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya nang ikaapat na taon ng hari ng Juda na si Jehoiakim+ na anak ni Josias:
3 “Maghanda kayo ng mga pansalag* at malalaking kalasag,At sumugod kayo sa labanan.
4 Ihanda ninyo ang mga kabayo at sumakay kayo, kayong mga mangangabayo.
Pumuwesto kayo at isuot ang inyong mga helmet.
Pakintabin ninyo ang mga sibat at isuot ang inyong mga kutamaya.*
5 ‘Bakit ko sila nakikitang takot na takot?
Umuurong sila, natalo ang mga mandirigma nila.
Nagsitakas sila, hindi lumilingon ang mga mandirigma nila.
Nababalot ng takot ang buong palibot,’ ang sabi ni Jehova.
6 ‘Ang matulin ay hindi makalalayo, at ang mga mandirigma ay hindi makatatakas.
Sa hilaga, sa may pampang ng Ilog Eufrates,Natisod sila at nabuwal.’+
7 Sino itong dumarating na parang Ilog Nilo,Gaya ng mga ilog na dumadaluyong?
8 Ang Ehipto ay dumarating na parang Ilog Nilo,+Gaya ng mga ilog na dumadaluyong,At sinasabi nito, ‘Babangon ako at aapawan ang lupa.
Wawasakin ko ang lunsod at lilipulin ang mga nakatira doon.’
9 Sugod, mga kabayo!
Humagibis kayo, mga karwahe!
Lumusob kayong mga mandirigma,Ang Cus at ang Put, na humahawak ng kalasag,+At ang Ludim,+ na humahawak at nagbabaluktot* ng búsog.+
10 “Ang araw na iyon ay sa Kataas-taasang Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang araw ng paghihiganti sa mga kalaban niya. At ang espada ay manlalamon at masisiyahan at mapupuno ng dugo nila, dahil ang Kataas-taasang Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ay may hain* sa lupain ng hilaga sa may Ilog Eufrates.+
11 Pumunta ka sa Gilead para kumuha ng balsamo,+O anak na dalaga ng Ehipto.
Bale-wala ang marami mong gamot,Dahil walang makapagpapagaling sa iyo.+
12 Narinig ng mga bansa ang iyong kasiraang-puri,+At naririnig ang hiyaw mo sa buong lupain.
Nabubuwal ang isang mandirigma dahil sa kapuwa niya mandirigma,At pareho silang bumabagsak.”
13 Ito ang sinabi ni Jehova sa propetang si Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya para pabagsakin ang Ehipto:+
14 “Sabihin ninyo iyon sa Ehipto, ipahayag ninyo iyon sa Migdol.+
Ipahayag ninyo iyon sa Nop* at sa Tapanhes.+
Sabihin ninyo, ‘Pumuwesto kayo at ihanda ang inyong sarili,Dahil isang espada ang lalamon sa buong palibot mo.
15 Bakit natangay ang malalakas mong lalaki?
Hindi sila nakatagal,Dahil ibinagsak sila ni Jehova.
16 Marami sa kanila ang nabubuwal, nagbabagsakan sila.
Sinasabi nila sa isa’t isa:
“Bumangon ka! Bumalik tayo sa bayan natin at sa sarili nating lupainDahil malupit ang espada.”’
17 Inihayag nila roon,‘Ang Paraon na hari ng Ehipto ay isa lang walang-kabuluhang ingayNa nagpalampas ng pagkakataon.’*+
18 ‘Tinitiyak ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Hari, na ang pangalan ay Jehova ng mga hukbo,‘Darating siyang* gaya ng Tabor+ sa gitna ng mga bundokAt gaya ng Carmel+ sa tabi ng dagat.
19 Ihanda mo ang mga dadalhin mo sa pagkatapon,O anak na babaeng nakatira sa Ehipto.
Dahil ang Nop* ay magiging nakapangingilabot;Susunugin* iyon at mawawalan ng nakatira.+
20 Ang Ehipto ay gaya ng isang magandang dumalagang baka,Pero sasalakayin siya ng mga bangaw mula sa hilaga.
21 Maging ang mga upahang sundalo niya ay gaya ng mga pinatabang guya,*Pero sila rin ay umurong at tumakas nang sama-sama.
Hindi sila nakatagal,+Dahil dumating ang araw ng kapahamakan nila,Ang panahon ng pagtutuos.’
22 ‘Ang tinig niya ay gaya ng sagitsit ng tumatakas na ahas,Dahil maraming sumasalakay sa kaniya, at may mga palakol sila,Gaya ng mga lalaking namumutol ng puno.*
23 Kakalbuhin nila ang kagubatan niya,’ ang sabi ni Jehova, ‘kahit parang hindi ito mapapasok.
Dahil mas marami sila sa mga balang, at hindi sila mabilang.
24 Ang anak na babae ng Ehipto ay mapapahiya.
Ibibigay siya sa bayan sa hilaga.’+
25 “Sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Babalingan ko si Amon+ na mula sa No,*+ ang Paraon, ang Ehipto, ang mga diyos niya,+ at ang mga hari niya—oo, ang Paraon at ang lahat ng nagtitiwala sa kaniya.’+
26 “‘At ibibigay ko sila sa mga gustong pumatay sa kanila, kay Haring Nabucodonosor* ng Babilonya+ at sa mga lingkod niya. Pero pagkatapos ay titirhan siya gaya noong una,’ ang sabi ni Jehova.+
27 ‘At ikaw, O Jacob na lingkod ko, huwag kang matakot,At huwag kang masindak, O Israel.+
Dahil ililigtas kita mula sa malayoAt ang mga supling* mo mula sa lupain kung saan sila binihag.+
Babalik ang Jacob at magiging panatag at payapa,At walang sinumang tatakot sa kanila.+
28 Kaya huwag kang matakot, O Jacob na lingkod ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘dahil kasama mo ako.
Lilipulin ko ang lahat ng bansa kung saan kita pinangalat,+Pero ikaw ay hindi ko lilipulin.+
Gayunman, didisiplinahin* kita sa tamang antas,+At titiyakin kong mapaparusahan ka.’”
Talababa
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ Maliit na kalasag na karaniwang dala ng mga mamamanà.
^ Kasuotang pandigma na pamprotekta sa dibdib at likod.
^ Lit., “tumatapak.”
^ O “ay manlilipol.”
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ O “Memfis.”
^ Lit., “takdang panahon.”
^ Ang sasakop sa Ehipto.
^ O “Memfis.”
^ O posibleng “Magiging tiwangwang.”
^ O “batang baka.”
^ O “nangunguha ng kahoy.”
^ Thebes.
^ Lit., “Nabucodorosor,” isa pang ispeling.
^ Lit., “ang binhi.”
^ O “itutuwid.”