Liham sa mga Hebreo 3:1-19
Talababa
Study Notes
mga banal na kapatid: Sa unang pagkakataon, direktang pinatungkol ni apostol Pablo sa mga Hebreong Kristiyano ang liham na ito; tinawag niya silang “mga banal na kapatid.” Kadalasan nang tinatawag ng unang-siglong mga Kristiyano ang mga kapananampalataya nila na “kapatid.” (Heb 10:19) Sa mga liham, tinatawag din nila ang ibang mga Kristiyano na “mga banal.” (Heb 6:10; 13:24) Dito, pinagsama ni Pablo ang dalawang ekspresyong ito. Si Pablo at ang mga kapananampalataya niya ay magkakapatid dahil kabilang sila sa iisang espirituwal na pamilya. (Tingnan ang study note sa Ro 1:13.) At banal sila dahil dinalisay sila at ibinukod para sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
mga kabahagi sa makalangit na pagtawag: Dahil sa pagtawag, o paanyaya, ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano, nagkaroon sila ng pag-asang mamahala kasama ni Kristo sa langit. (Ro 8:17, 30; 1Co 1:26, 30; Apo 5:9, 10; tingnan ang study note sa Col 1:20.) Sa Kautusang Mosaiko pa lang, binanggit na ang pag-asang iyan. (Exo 19:5, 6) Pero matutupad lang ang “pangako ng walang-hanggang mana” sa langit dahil sa haing pantubos ni Kristo Jesus. (Heb 9:14, 15 at study note) Dahil ito sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Ang mga nanampalataya lang kay Jesus ang binigyan ng makalangit na pag-asa.—Tingnan ang study note sa Fil 3:14; 2Ti 1:9.
isipin: Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “isipin” ay nangangahulugang “pag-isipang mabuti.” Pinapayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na bulay-bulayin at pag-isipang mabuti ang papel ni Jesus bilang “apostol at mataas na saserdote.” Habang mas naiintindihan nila ang papel ni Jesus, mas magiging determinado silang manatiling tapat.—Heb 3:6.
apostol: Ang isang apostol ay isang taong isinusugo para maging kinatawan. (Tingnan ang study note sa Ju 13:16; Glosari, “Apostol.”) Matatawag na apostol si Jesus dahil isinugo siya ng Diyos para maging kinatawan Niya sa lupa. (Ju 3:17; 6:57; 7:29 at study note; 1Ju 4:14) Sa Heb 3:2-6, ipinakita ni Pablo kung paano nakahihigit si Jesus kay Moises, na matatawag ding apostol dahil isinugo siya ng Diyos sa Paraon bilang kinatawan Niya.—Exo 3:10; 4:28; 7:16.
kinikilala: O “ipinahahayag.” Kinikilala ng isang tao si Jesus kung inihahayag niya ang katapatan at pananampalataya niya kay Jesus. (Sa Heb 4:14; 10:23, ang salitang Griego para sa “kinikilala” ay isinaling “ihayag” at “ipahayag.”) Sa kontekstong ito, idiniriin ni Pablo na kailangan ng mga Kristiyano na kilalanin ang papel ni Jesus bilang nakahihigit, permanente, at maunawaing Mataas na Saserdote.—Heb 2:17; 4:14, 15; 7:24, 27.
kung paanong . . . si Moises: Dito, sinimulang ikumpara ni Pablo si Jesus kay Moises para ipaalala sa mga Hebreong Kristiyano ang kahigitan ng Kristiyanismo sa Judaismo. Ipinakita ni Pablo na di-hamak na nakahihigit si Kristo sa di-perpektong taong si Moises, na ginagawang saligan ng pag-asa ng mga Judio. (Ju 5:45) Inatasan si Moises na maging tagapaglingkod sa sambahayan ng Isang iyon, ang Diyos na Jehova. Ang orihinal na salitang Griego para sa “sambahayan” ay puwedeng literal na isaling “bahay.” Pero sa kontekstong ito, hindi tumutukoy ang termino sa tabernakulo o templo. (Ihambing ang 2Cr 6:18.) Sa halip, tumutukoy ito sa mismong bansa, o kongregasyon, ng Israel. (Exo 40:38; Bil 12:7; Mat 10:6; 15:24) Naging tapat si Moises bilang tagapaglingkod ng sambahayang iyon. (1Co 4:2) Naging tapat din si Jesus. Pero ipinaliwanag ni Pablo kung bakit nakahihigit ang atas at papel ni Jesus kaysa kay Moises.—Heb 3:3, 5, 6.
Siya ay itinuturing na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises: Ipinakita dito ni Pablo kung bakit “siya,” si Jesus, ay karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian, o karangalan, kaysa kay Moises. Naging tagapaglingkod si Moises ng sambahayan, o kongregasyon, na itinatag ng Diyos. (Exo 40:38; Deu 7:6) Pero inatasan si Jesus na mangasiwa sa isang sambahayan—ang kongregasyong Kristiyano—na siya mismo ang nagtatag ayon sa direksiyon ng Diyos. (Mat 9:35; 16:18 at study note; Luc 6:13; Gaw 2:1, 2, 33; Efe 2:20) At ayon sa argumento ni Pablo, ang mas kahanga-hanga pa kay Jesus, matagal na siyang gumagawa ayon sa direksiyon ng Diyos. Sinabi pa ni Pablo na ang Diyos ang “nagtayo ng lahat ng bagay.” (Heb 3:4 at study note) Kaya bilang kamanggagawa ng Diyos, talagang karapat-dapat si Jesus sa nakahihigit na kaluwalhatian kaysa kay Moises.
Siyempre, ang bawat bahay ay may tagapagtayo: Nagharap dito si Pablo ng isang katotohanang di-matututulan mula noon hanggang ngayon: Ang bawat bahay—literal man o espirituwal, gaya ng tinatalakay dito—ay may tagapagtayo. (Tingnan ang study note sa Heb 3:2, 3.) Ang salitang isinalin ditong “may tagapagtayo” ay pandiwa sa orihinal na Griego at puwedeng tumukoy sa paghahanda ng isang bagay para magamit ito, gaya ng paglalagay ng mga kagamitan sa tabernakulo.—Heb 9:2, 6.
ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos: Si Jehova ang nagtayo, o gumawa, ng “lahat ng bagay”—kasama na ang buong pisikal na uniberso, ang lahat ng buháy na nilalang, at ang “bagong nilalang,” ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gal 6:15 at study note) Ang terminong Griego para sa “nagtayo” ay ginamit sa Isa 40:28 ng Septuagint para isalin ang terminong Hebreo para sa “Maylalang.” Bilang dalubhasang manggagawa, tinulungan ni Jesus ang Ama niya sa paggawa ng lahat ng bagay.—Kaw 8:30, 31; Col 1:15, 16; Heb 1:10 at study note; tingnan din ang study note sa Heb 3:3.
sambahayan: Ang kongregasyon ng literal na Israel.—Tingnan ang study note sa Heb 3:2.
anak sa sambahayan ng Diyos: Si Jesus ay hindi lang basta tagapaglingkod sa sambahayan ng Diyos gaya ni Moises. (Bil 12:7; Heb 3:2, 3, 5) Inatasan ni Jehova ang Anak niya na maging Hari “sa sambahayan ng Diyos”—isang bagong-tatag na espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Gal 6:16; Col 1:13.) Kaya di-hamak na nakahihigit ang kaluwalhatian ni Jesus kay Moises, na itinuturing ng mga Judio noong panahon ni Pablo na isa sa pinakadakilang mga propeta ng Diyos.
ang ating kalayaan sa pagsasalita: O “ang ating katapangan; ang ating pagtitiwala.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ekspresyong isinalin ditong “kalayaan sa pagsasalita” ay puwedeng tumukoy sa pagsasalita nang may katapangan o sa malayang paglapit kay Jehova para sumamba. Ang mga Hebreong Kristiyano ay napapalibutan ng mga Judiong nanghahawakan sa mga kaayusan sa Kautusang Mosaiko para sumamba sa Diyos. Naniniwala ang mga Judio na di-hamak na nakahihigit ang pagsamba nila sa pagsamba ng mga Kristiyano. Kaya kailangan ng lakas ng loob ng mga Kristiyano para ipangaral ang mabuting balita tungkol kay Jesus, ang tunay na Mesiyas. (Ihambing ang study note sa Gaw 4:13; 28:31.) Kailangan din nilang magtiwala na sa pamamagitan ni Jesus, malaya silang makakalapit kay Jehova para sumamba at manalangin.—Tingnan ang study note sa Efe 3:12; Heb 4:16.
gaya ng sinasabi ng banal na espiritu: Dito at sa sumunod na mga talata (Heb 3:7-11), sinipi ni Pablo ang Aw 95:7-11, na isinulat ni David (Heb 4:7 at study note). Pero sinabi ng apostol na ang banal na espiritu ang nagsabi nito, dahil ginamit ito ng Diyos para gabayan si David sa pagsulat ng awit na iyan. (2Sa 23:2; tingnan ang study note sa 2Ti 3:16; 2Pe 1:21.) Ginamit din ng apostol sa ganiyang paraan ang “banal na espiritu” sa Heb 10:15-17.
Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya: Tingnan ang study note sa Heb 3:13.
huwag ninyong patigasin ang puso ninyo: Kapag sinasabi sa Hebreong Kasulatan na matigas ang puso (o leeg) ng isang tao, ibig sabihin, ayaw niyang magtiwala at sumunod kay Jehova. (2Ha 17:14, tlb.; Ne 9:16, 17, mga tlb.; Kaw 28:14; Jer 17:23, tlb.; Zac 7:12) Kapag paulit-ulit na sumusuway ang isang tao kay Jehova, unti-unting titigas ang puso niya—magiging manhid ito at hindi na magpapagabay sa kalooban ng Diyos. (Exo 8:15, 32; 9:34) Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na magkaroon ng masunuring puso, o ng pusong “nakikinig” sa tinig ng Diyos. (Heb 3:7, 12-15) Kapag nakikinig ang isa, hindi lang niya basta naririnig ang sinasabi ng Diyos; sumusunod din siya. Sa paggawa niyan, maiiwasan ng mga Hebreong Kristiyano na maging manhid at masuwayin ang masunurin nilang puso.—Deu 10:16.
gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo, gaya noong araw ng pagsubok: Ang talatang sinipi rito, Aw 95:8, ay tumutukoy sa nangyari sa mga Israelita sa ilang. Noong nasa Repidim sila, nagbulong-bulungan sila dahil sa kakulangan sa tubig, kaya pinangalanan ni Moises ang lugar na iyon na Meriba (nangangahulugang “Pakikipag-away”) at Masah (nangangahulugang “Pagsubok”). (Exo 17:1-7; tingnan ang mga tlb. sa tal. 7; Deu 6:16; 9:22; tingnan ang Ap. B3.) Hindi lang ito ang pagkakataong nagbulong-bulungan ang mga Israelita. (Bil 14:11, 22, 23) Halimbawa, nagreklamo ulit sila dahil sa kawalan ng tubig sa isa pang lugar na tinatawag ding Meriba, sa Kades. (Bil 20:1-13) Hindi ginamit ang “Meriba” at “Masah” sa salin ng Griegong Septuagint para sa Aw 95:8 (94:8, LXX), na sinipi ni Pablo. Sa halip, ang ginamit dito ay mga ekspresyong Griego na puwedeng isaling “noong galitin ako nang husto” at “subukin.” Posibleng ipinapahiwatig ng ekspresyong ginamit ni Pablo na hindi lang ito tumutukoy sa isang espesipikong pangyayari, kundi sa kawalan ng pananampalataya ng mga Israelita sa buong 40 taon nilang pagpapagala-gala sa ilang.—Bil 32:13; Heb 3:9.
nasuklam ako: Sinipi dito ni Pablo ang Aw 95 para ipakita ang naramdaman ni Jehova sa mga Israelitang nagrebelde sa kaniya sa ilang. Kahit na gumawa ng maraming himala si Jehova para maprotektahan, maingatan, at maalagaan sila, paulit-ulit nila siyang sinubok at hinamon, na nagpapakitang “laging lumilihis ang puso nila.” Dahil diyan, nagalit sa kanila si Jehova nang husto, at nasuklam pa nga. (Aw 95:9-11; ihambing ang Bil 14:22, 23.) Ginamit ni Pablo ang ulat na ito para babalaan ang mga Hebreong Kristiyano na huwag tularan ang pagrerebelde at kawalan ng pananampalataya ng mga ninuno nila.—Tingnan ang study note sa Heb 3:12.
“Hindi sila papasok sa kapahingahan ko”: Isinulat ni Moises ang sinabi ni Jehova sa rebelyosong mga Israelita: “Kahit isa sa inyo ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko na titirhan ninyo.” (Bil 14:30) Sa tekstong sinipi dito ni Pablo, ginabayan ng espiritu ang salmista na isulat ang iba pang sinabi ni Jehova: “Hindi sila papasok sa kapahingahan ko.” (Aw 95:11) Ang henerasyong iyon ng mga rebelde ay hindi nakapasok sa Canaan, kaya hindi nila naranasang makipagtulungan sa Diyos na Jehova sa pagtupad ng layunin niya. Layunin niya para sa bansang Israel na magkaroon ng maganda at mapayapang buhay sa Lupang Pangako. (1Ha 8:56; 1Cr 22:9) Nang magrebelde sila, hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Pero ipinakita ni Pablo kung paano makakapasok dito ang mga Kristiyano.—Tingnan ang study note sa Heb 4:1, 3.
masamang puso na walang pananampalataya: Hindi tumutukoy ang ekspresyong ito sa pusong nagdududa paminsan-minsan o sa kawalan nito ng pananampalataya dahil sa kawalang-alam. (Ihambing ang 1Ti 1:13.) Sa halip, tumutukoy ito sa pusong ayaw lang talagang maniwala. Nasa isip ni Pablo ang mga Israelita sa ilang na ayaw manampalataya kay Jehova kahit na nakakita sila ng maraming kahanga-hangang himala. (Heb 3:9) Dahil masyado silang nakapokus sa sarili nilang mga kagustuhan, hindi nila napag-isipan ang mga ginawa ni Jehova para sa kanila. Kaya di-nagtagal, kinalaban nila si Jehova at sinabing gusto nilang bumalik sa Ehipto. (Exo 17:2, 3; Bil 13:32–14:4) Maling-mali at napakasama ng pagmamatigas nila at kawalan ng pananampalataya. (Heb 3:13, 19; tingnan ang study note sa Heb 3:8.) Dapat na mag-ingat ang mga Hebreong Kristiyano na magkaroon ng ganiyang puso, dahil puwedeng mangyari iyan sa “sinuman” sa kanila.
paglayo: Ang pandiwang Griego dito para sa “paglayo” (a·phiʹste·mi) ay puwede ring isaling “paghiwalay; pagtalikod; pagtatakwil.” (Gaw 19:9; 1Ti 4:1 at study note; 2Ti 2:19) Kaugnay ito ng pangngalang isinasaling “apostasya.” (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Ang “paglayo” ay sinasadya at pinag-isipan. (Ihambing ang study note sa Heb 2:1, kung saan inilalarawan ang mga taong naanod palayo dahil nagpabaya sila o nawala sa pokus.) Ang mga taong lumayo sa Diyos ay nagrerebelde sa kaniya at nagdesisyon nang huminto sa pagsamba sa kaniya. Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo na halimbawa ang mga Israelita para ipakitang napakahirap nang makabangon kapag tinahak ang ganitong napakasamang landasin.—Heb 3:7-11, 16-19.
Diyos na buháy: Siguradong pamilyar na pamilyar ang mga Judiong Kristiyano sa terminong ito. (Jos 3:10; Aw 42:2) Ipinapakita ng Kasulatan na ibang-iba si Jehova sa walang-buhay na mga diyos ng ibang mga bansa. (Jer 10:5, 10) Nang banggitin ng Diyos na hindi makakapasok sa Lupang Pangako ang henerasyon ng mga Israelita na nagrebelde sa ilang, sinabi niyang “isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,” na nagpapakitang talagang matutupad ito. (Bil 14:21, 28) Sa kontekstong ito, idiniriin ng terminong “Diyos na buháy” kung gaano kapanganib ang paglayo sa Diyos, dahil siya lang ang makakapagbigay ng buhay na walang hanggan at kaya rin niyang bawiin ang pag-asang ito.—Tingnan ang study note sa Heb 10:31; tingnan din ang study note sa 1Ti 3:15; 4:10.
hangga’t tinatawag itong “Ngayon”: Binalikan ni Pablo ang sinipi niya sa Aw 95:7, 8, na nagsasabi: “Ngayon, kung nakikinig kayo sa tinig niya, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.” (Heb 3:7, 8) Kaayon ng pananalitang iyan ang maraming payo ni Moises. (Deu 4:40; 6:6; 7:11; 15:5; 27:1, 10) Idiniriin ng pananalita sa Aw 95:7, 8 na limitado lang ang panahon ng mga Israelita para makinig at sumunod sa mga tagubiling ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ni Moises. Ganiyan din ang gustong idiin ni Pablo nang sabihin niyang “Ngayon”; hindi dapat palampasin ng mga Hebreong Kristiyano ang bawat pagkakataong “patibayin . . . ang isa’t isa” dahil sa panahong kinabubuhayan nila. (Heb 10:25) Pagkatapos, ipinakita ni Pablo na ang ekspresyong “Ngayon” sa Aw 95:7 ay tumutukoy talaga sa araw ng kapahingahan ng Diyos, na napakahaba kung sa pananaw ng tao. (Heb 4:7; tingnan ang study note sa Heb 4:3, 4.) Pero dahil napakaikli lang ng buhay natin, kailangang samantalahin ng mga Kristiyano ang bawat pagkakataong mapatibay ang isa’t isa, dahil baka hindi na iyon maulit pa.—Ihambing ang Aw 90:12; 144:4; San 4:14.
mapandayang kapangyarihan ng kasalanan: O “mapang-akit na kasalanan.” (Ihambing ang Mat 13:22, tlb.; tingnan din ang study note sa 2Te 2:10.) Tungkol sa ekspresyong Griego na ito, sinabi ng isang reperensiya: “Ipinapakita dito ang pagiging makapangyarihan at agresibo ng kasalanan.” Ganito naman ang sinabi ng isa pang reperensiya: “Ang kasalanan ay parang isang mang-aakit na hindi tumutupad sa pangako niya.”—Tingnan ang study note sa Col 2:8; ihambing ang Gen 4:7.
magiging mga kabahagi . . . tayo ng Kristo: Ang salitang Griego para sa “kabahagi” ay isinaling “kasamahan” sa Luc 5:7 at Heb 1:9. Pero sa kontekstong ito, ginamit ang termino para idiin ang pagkakapareho kay Kristo ng mga kapatid niya. Halimbawa, magdurusa rin sila sa lupa dahil sa pananatiling tapat, at paglilingkuran nila si Jehova sa langit magpakailanman.—Heb 3:1 at study note; 12:28; 1Pe 4:13; Apo 3:21; 20:6.
na namatay sa ilang: O “na ang mga bangkay ay nabuwal sa ilang.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang ekspresyong Griego na isinaling “bangkay,” pero ginamit din ito sa salin ng Septuagint sa Bil 14:29, 32, ang ulat na tinutukoy dito ni Pablo. Lumilitaw na ang ekspresyong Griegong ito ay isang mapanghamak na termino para sa mga taong hinatulang napakasama at hindi karapat-dapat sa marangal na libing. (Tingnan din ang Isa 66:24, kung saan ginamit ng Septuagint ang salitang Griegong ito para sa “mga bangkay” ng mga nagrebelde kay Jehova.) Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para babalaan ang mga Kristiyano na huwag ‘lumayo sa Diyos na buháy,’ gaya ng ginawa ng rebelyosong mga Israelita.—Heb 3:12 at study note.