Liham sa mga Hebreo 2:1-18
Talababa
Study Notes
Iyan ang dahilan kung bakit kailangan nating: Iniuugnay ni Pablo ang payo niya sa talatang ito sa puntong idiniin niya sa simula ng liham niya—ang kahigitan ni Kristo sa mga anghel. (Heb 1:1-14) Noon, nakikipag-usap ang Diyos gamit ang di-perpektong mga taong propeta, at pati mga anghel. (Heb 2:2) Pero nakahihigit ang ginagawa ng Diyos sa ngayon; nakikipag-usap siya sa pamamagitan ng sarili niyang Anak, na nasa kanan niya. Kaya talagang kailangan nating makinig sa pinakadakilang Tagapagsalita ng Diyos.
magbigay ng higit sa karaniwang pansin sa mga narinig natin: Dito, nagbigay si Pablo ng mariing payo sa mga Kristiyano na dapat nilang bigyang-pansin at pag-isipang mabuti ang lahat ng natutuhan nila sa mismong Anak ng Diyos. Nanganganib ang mga Hebreong Kristiyano na maimpluwensiyahan ng Judaismo dahil sa kahanga-hangang templo nito, mga saserdote, at mga tradisyon. Kaya talagang kailangan nilang manatiling nakapokus kay Kristo. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “magbigay ng . . . pansin” ay ginagamit sa pag-aangkla ng barko para hindi ito maanod palayo o sa pagtulong dito na hindi malihis ng direksiyon papunta sa daungan. Dapat ding manghawakan ang mga Kristiyano sa mga natutuhan nila at huwag bumitaw dito. Sinasabi ng ilang iskolar na ito ang unang bahagi ng metapora ni Pablo na may kaugnayan sa paglalayag na ipinagpatuloy niya sa sumunod na parirala.
para hindi tayo maanod palayo kailanman: Malamang na ipinagpapatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa paglalayag. Ang salitang Griego dito na isinaling “maanod palayo” ay ginagamit kung minsan para sa isang barkong nanganganib maanod palayo sa daungan nito. Puwede itong mangyari dahil sa malalakas na alon o hangin, lalo na kung hindi ito binabantayang mabuti ng mga manlalayag. Kung ganitong senaryo ang maiisip ng mga kausap ni Pablo, mas maiintindihan nila ang babala ng apostol: Kung hindi magiging mapagbantay ang mga Hebreong Kristiyano at magiging pabaya sila, malamang na malihis sila mula sa tunay na pananampalataya at hindi maligtas.—Heb 2:3; ihambing ang study note sa Heb 3:12.
ang salitang sinabi sa pamamagitan ng mga anghel: Ito ang ikatlong pagkakataon na sinabi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na gumamit ang Diyos ng mga anghel para iparating sa bayan niya ang Kautusang Mosaiko. (Tingnan ang study note sa Gaw 7:53; Gal 3:19; ihambing ang Gaw 7:38.) Hindi iyan espesipikong binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Pero malamang na maraming Judio noong panahon ni Pablo ang sang-ayon sa katotohanang ito. Ayon sa turo ng mga Judio noong unang siglo, gumamit ang Diyos ng mga anghel para maiparating sa mga tao ang Kautusan. (Ihambing ang Jewish Antiquities ni Josephus, Book 15, kab. 5, par. 3 [Loeb 15.136].) Kapansin-pansin din na sa Deu 33:2, binanggit ni Moises na kasama ni Jehova ang “napakaraming banal” at “mga mandirigma niya.” Pagkatapos, sinabi sa sumunod na mga talata na ibinigay ni Jehova sa bayan niya ang Kautusan. Sa talata 2, ginamit ng Septuagint ang salitang Griego para sa “mga anghel” imbes na “mga mandirigma.”
napatunayang totoo: Idiniin ni Pablo na talagang totoo, o mapananaligan, ang Kautusang Mosaiko nang sabihin niya na ang “lahat ng lumabag” dito ay naparusahan ayon sa katarungan. Matatag din ito, o may bisa, sa loob ng mahabang panahon.
ipinagwalang-bahala: Ang pandiwang Griego na isinaling “ipinagwalang-bahala” ay nangangahulugang “walang pakialam; bale-walain.” (Ihambing ang Mat 22:5, kung saan ang pandiwang ito ay isinaling “hindi . . . pinansin.”) Ibig sabihin, kapag ipinagwawalang-bahala ng isang Kristiyano ang kaligtasan niya sa pamamagitan ni Kristo, sinasadya niya iyon. Kaya naman pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na “magbigay ng higit sa karaniwang pansin” sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng Anak Niya.—Heb 2:1.
Dahil una itong inihayag ng ating Panginoon: Ipinarating ng Diyos sa mga tao ang mensahe tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng “ating Panginoon,” si Jesu-Kristo. Marami sa mga tagapakinig niya ang naging alagad niya at nangaral sa iba; kaya tiniyak nila, o kinumpirma, ang mga sinabi ni Jesus. (Mat 28:19, 20; Gaw 1:1, 8; 10:39-43; 1Ti 2:5, 6) Kaya kahit ang mga mánanampalatayá na hindi nakakita o nakarinig kay Jesus ay makakapagtiwala na ang Anak ng Diyos talaga ang naghayag ng mensahe tungkol sa kaligtasan.—1Pe 1:8.
pinatotohanan pa ito ng Diyos: Pinatotohanan ng Diyos na Jehova ang ipinangangaral ng unang-siglong mga Kristiyano tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kakayahang magpakita ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay at iba’t ibang makapangyarihang mga gawa. (Tingnan sa Glosari, “Himala; Makapangyarihang gawa,” at study note sa Gaw 2:19; 4:22.) Sa ilang pagkakataon, nagbigay naman ang Diyos ng makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu, gaya ng kakayahang magsalita ng iba’t ibang wika, humula, kumilala ng mga pananalita na mula sa Diyos, at magpagaling. (1Co 12:4; tingnan ang study note sa 1Co 12:4.) Ipinapakita ng mga himala at kaloob na ito na sinusuportahan ng Diyos ang bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 1Co 13:11.
ang darating na lupa: Lumilitaw na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang lipunan ng mga tao sa lupa sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo. (Aw 37:29; Mat 5:5 at study note; 2Pe 3:13; ihambing ang Heb 1:6 at study note.) Sinasabi ng ilang iskolar na sa talatang ito, kasama ang langit sa kahulugan ng ekspresyong Griego na isinaling “lupa” (lit., “tinitirhan”). Pero sa lahat ng iba pang paglitaw ng terminong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa buong lupa o sa isang bahagi nito na tinitirhan ng mga tao. Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinalin itong “lupa” sa tekstong ito. (Tingnan ang study note sa Luc 2:1; Gaw 17:31.) Naniniwala ang mga Kristiyano na may mga tao talagang aakyat sa langit (Heb 3:1), pero itinuturo ng talatang ito na hindi nagbago ang orihinal na layunin ng Diyos na titira ang mga tao sa paraisong lupa.—Ihambing ang Luc 23:43 at study note.
sinabi minsan ng isang saksi: Hindi na sinabi ni Pablo kung sino ang sumulat ng pananalitang sinipi niya o kung saang aklat ng Bibliya ito makikita. Ang mahalaga sa kaniya at sa tapat na mga mambabasa, ang Diyos na Jehova ang pinakaawtor nito at ng iba pang hula sa Bibliya. (2Ti 3:16; 2Pe 1:21) Galing ang sinipi ni Pablo sa Aw 8:4-6, at ipinatungkol niya ito kay Jesus.—Tingnan ang study note sa Heb 2:9.
Ginawa mo siyang mas mababa nang kaunti sa mga anghel: Nang isulat ni Haring David ang mga salitang sinipi rito (Aw 8:4-6), ikinukumpara niya ang mga tao sa makapangyarihang mga anghel. (Tingnan ang Aw 8:5, tlb.) Ginawa ang mga tao na may “dugo at laman.” (Heb 2:14; Aw 144:3) Nakahihigit ang mga anghel sa mga tao dahil mga espiritung nilalang sila na mas malakas at mas magaling. (2Pe 2:11) Sa ilang Bibliya, ang mababasa dito ay “Pansamantala mo siyang ginawang mas mababa sa mga anghel,” pero walang ganiyang ideya sa tekstong Hebreo ng Aw 8:5 na sinipi ni Pablo.—Para sa paliwanag kung paano ipinatungkol kay Jesus ang talatang ito, tingnan ang study note sa Heb 2:9.
kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan: Ipinagpatuloy ni Pablo ang pagsipi niya sa Aw 8:4-6. Isinulat doon ni David na binigyan ng Diyos ang mga tao ng “kaluwalhatian at karangalan” at ipinamahala sa kanila ang lupa. (Gen 1:26-28; Heb 2:6-8) Pero ipinakita ni Pablo na may mas malalim pang kahulugan ang tekstong ito; isa itong hula tungkol kay Jesu-Kristo, ang nag-iisang perpektong tao na nanggaling kay Adan. Gaya ng makikita sa sumunod na mga talata, kokoronahan si Jesus ng higit na kaluwalhatian at karangalan dahil handa niyang ihandog ang perpektong buhay niya bilang tao. (Heb 2:9 at study note) Sa paggawa nito, naging posible na maibalik sa masunuring mga tao ang kaluwalhatian at karangalan na ibinigay noon ng Diyos.—Ihambing ang study note sa 1Co 15:45.
Inilagay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya: Sinipi dito ni Pablo ang huling bahagi ng Aw 8:6. Sa pangkalahatan, ang nilalaman ng Aw 8:4-9 ay puwedeng tumukoy sa mga tao. Pero sa gabay ng banal na espiritu, maraming beses na ipinaliwanag ni Pablo na hula tungkol sa Mesiyas ang awit na ito. (1Co 15:27; Efe 1:22) Hindi puwedeng tumukoy sa di-perpektong tao ang sinipi dito ni Pablo; ang unang tao lang na si Adan ang nabigyan ng ganiyang awtoridad sa lupa. (Gen 1:28) Pero hindi nagampanan ni Adan ang atas niyang ito. Binigyan ni Jehova si Jesus, “ang Anak ng tao,” ng malaking awtoridad, dahil nagtitiwala siyang magagawa ni Kristo ang hindi nagawa ni Adan. (Mat 20:28; 28:18) Nang isugo ni Jehova ang Anak niya para maging tao, ginawa Niya siyang “mas mababa nang kaunti sa mga anghel.” Pero bandang huli, si Jesus ay magiging Mesiyanikong Hari at “[ilalagay] ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”—Heb 2:7, 8.
si Jesus . . . ginawa siya noong mas mababa nang kaunti sa mga anghel: Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Heb 2:7, ipinatungkol ni Pablo kay Jesus ang Aw 8:4-6. Noong bumaba si Jesus sa lupa, talagang naging “mas mababa [siya] nang kaunti sa mga anghel”—siya ay naging “anak ng tao.” (Heb 2:6; tingnan ang study note sa Mat 8:20.) Bilang perpektong tao, matutumbasan niya si Adan. Kaya puwede niyang ibigay na pantubos ang perpektong buhay niya. Sa paggawa nito, “[matitikman] niya ang kamatayan para sa bawat tao.”—Tingnan din sa Glosari, “Anak ng tao,” at mga study note sa Ju 1:14.
matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao: Ang ekspresyong Griego na isinalin ditong “matikman niya” ay puwedeng literal na mangahulugang kumain o uminom nang kaunti. (Mat 27:34) Pero ginagamit din ang ekspresyong ito sa makasagisag na paraan. Sa mga Ebanghelyo, ginamit ang ekspresyong Griego na puwedeng literal na isaling “tikman ang kamatayan” at tumutukoy ito sa pagdanas ng kamatayan. (Mat 16:28; Mar 9:1; Luc 9:27; Ju 8:52) Natikman ni Jesus ang kamatayan nang ibigay niya ang buhay niya bilang pantubos. Ayon sa isang reperensiya, inilalarawan ng ekspresyong “tikman ang kamatayan” ang “sakit at paghihirap ng kalooban na nararanasan ng mga tao at naranasan din ni Jesus dahil sa kamatayan.” Isa pa, noong nasa lupa si Jesus, nakita niya ang nakakalungkot na epekto sa mga tao ng pagkamatay ng mahal sa buhay, at siya mismo, nasaktan din nang mamatayan siya ng isang mahal na kaibigan.—Ju 11:33-36.
Siya, na para sa kaniya at sa pamamagitan niya ay umiiral ang lahat ng bagay: Lumilitaw na tumutukoy ang pananalitang ito kay Jehova dahil siya ang dahilan kung bakit naging “ganap [si Jesus] sa pamamagitan ng mga pagdurusa,” gaya ng sinasabi sa talatang ito. Si Jehova lang ang Maylalang ng uniberso. (Ihambing ang Ro 11:36; Apo 4:11.) Pero may mga katulad ang ekspresyong ito na tumutukoy din kay Jesus, “ang larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Col 1:15; tingnan din ang Ju 1:3, 10; Heb 1:2.) Noong nasa langit pa si Jesus, tinulungan si Jehova ng Anak Niya sa paglalang ng lahat ng bagay.—Tingnan ang study note sa Col 1:16.
nagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian: Nang bautismuhan si Jesus, ginamit ni Jehova ang banal na espiritu, o aktibong puwersa niya, para ‘maipanganak muli’ si Jesus at maging pinahirang Anak ng Diyos; dahil diyan, may pag-asa si Jesus na makabalik sa buhay niya sa langit. (Ju 3:3; 17:5) Siya ang una sa “maraming anak” na dinala sa kaluwalhatian sa langit. Nang maglaon, noong Pentecostes 33 C.E., nagdala ang Diyos ng mas marami pang “anak sa kaluwalhatian” nang pahiran niya ng banal na espiritu ang isang grupo ng mga alagad sa pamamagitan ni Jesus. Kaya naging mga anak sila ng Diyos, gaya ni Jesus. (Gaw 2:1-4) Mula noon, pumili pa si Jehova ng mga taong papahiran niya ng espiritu. Layunin niyang mag-atas ng 144,000 pinahirang Kristiyano na mamamahalang kasama ni Jesus sa langit. (2Ti 2:12; 4:18; Apo 5:10; 14:1, 3; 20:4, 6) Lubusang madadala sa kaluwalhatian ang pinahirang mga Kristiyano kapag natanggap na nila ang gantimpala nila sa langit matapos nilang mapatunayan na tapat sila sa ilalim ng mga pagsubok. (2Ti 4:8) Kaya ang “maraming anak” na dadalhin sa “kaluwalhatian” sa langit ay may bilang na 144,001—si Jesus at ang espirituwal na mga kapatid niya.
ang Punong Kinatawan para sa kaligtasan: Tumutukoy kay Jesu-Kristo, na nagbukas ng daan tungo sa kaligtasan at umakay sa mga tao sa daang ito.—Tingnan sa Glosari, “Punong Kinatawan,” at study note sa Gaw 3:15; 5:31; Heb 12:2.
nararapat: Nakita ni Jehova na nararapat na magdusa si Jesus para maging ganap, o perpekto, sa isang natatanging paraan. Naging pagsasanay sa kaniya ang mga pagdurusang naranasan niya para sa mga magiging atas niya. Dahil sa mga ito, naging handang-handa siya sa papel niya bilang isang maunawaing Mataas na Saserdote sa langit at Mesiyanikong Hari. (Heb 2:17; 4:15; 5:8, 9; 7:1, 17, 25) Kaya walang mali sa pagsasabing puwede pa ring maging ganap, o perpekto, ang isang taong hindi nagkakasala.—1Pe 2:22.
ang nagpapabanal: Si Jesu-Kristo.—Heb 13:12.
ang mga pinababanal: Ang mga pinahirang Kristiyano.
may iisang pinagmulan: Ibig sabihin, mula sa Diyos na Jehova. Siya ang Ama ni Jesu-Kristo, at inampon niya ang mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanila ng banal na espiritu.—Ro 8:14-17.
hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid: Bilang “tagapagmana ng lahat ng bagay,” napakataas ng posisyon ni Jesus. (Heb 1:2) Pero ang mga pinahirang alagad niya ay mga di-perpektong tao lang. Kahit na ganoon, masaya si Jesus na kilalanin silang mga kapatid. Malapít siya sa kanila, at mahal niya sila. Iisa lang ang Ama nila, ang Diyos na Jehova, kaya naman magkakapatid sila sa espirituwal. (Mat 25:40; Ju 20:17; tingnan ang study note sa Mat 12:49; 28:10.) Siguradong nakakapagpatibay sa mga Hebreong Kristiyano na maalalang ganito ang turing sa kanila ni Jesus, dahil kadalasan nang iniinsulto sila, ipinapahiya, at pinag-uusig ng mga kapuwa nila Judio.—Heb 10:32-34.
gaya ng sinasabi niya: Sinipi dito ni Pablo ang Aw 22, at ginabayan siya ng espiritu na isulat na para bang si Jesus ang nagsasalita dito. Maraming talata sa awit na iyon ang naglalaman ng hula tungkol sa Mesiyas. (Ihambing ang Aw 22:1 sa Mat 27:46 at study note; Aw 22:8 sa Mat 27:41-43; Aw 22:15, 16 sa Ju 19:28; Aw 22:18 sa Mat 27:35; Luc 23:34; Ju 19:24.) Walang espesipikong ulat sa Bibliya na sinipi ni Jesus ang Aw 22:22 sa ministeryo niya, pero parang sinabi niya na rin ang mga pananalitang ito dahil tinupad niya ito at nakita ito sa paraan ng pamumuhay niya.
sa gitna ng kongregasyon: Ang pariralang ito ay galing sa Aw 22:22. Doon, ipinakita ni Haring David kung gaano siya nagpapasalamat sa pribilehiyong purihin si Jehova kasama ng mga kapuwa niya Israelita. Sila ang bumubuo sa “kongregasyon ni Jehova.” (Deu 23:3) Kahit na si David ang hari, tinawag niya ang mga sakop niya na “mga kapatid ko.” (Ihambing ang Deu 17:15; 1Cr 28:2.) Ganiyan din si Jesu-Kristo. Kahit na siya ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, itinuturing niyang kapatid ang lahat ng pinahirang Kristiyano. (Mat 25:40; tingnan ang study note sa Col 1:13.) Si Kristo at ang pinahirang mga tagasunod niya ang bumubuo sa “sambahayan ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:15.
“Magtitiwala ako sa kaniya”: Sinipi dito ni Pablo ang Isa 8:17 ng Septuagint, at ginabayan siya ng banal na espiritu para isulat na si Jesus ang nagsabi nito. (Ihambing ang study note sa Heb 2:12.) Dahil naging tao si Jesus at malaki ang ipinagbago ng kalagayan niya, talagang kinailangan niyang magtiwala sa Diyos. (Heb 2:9 at study note; ihambing ang Ju 1:14 at study note.) Di-gaya ni Adan, buo ang tiwala ni Jesus kay Jehova. At hindi iyan nagbago kahit sa harap ng mahihirap na pagsubok hanggang sa ipapatay siya. (Luc 23:46; ihambing ang Aw 22:8; Mat 27:43.) Kaya bilang isang “maawain at tapat na mataas na saserdote,” talagang “matutulungan niya ang mga sinusubok.”—Heb 2:16-18.
“Ako at ang mga anak, na ibinigay sa akin ni Jehova”: Sa patnubay ng banal na espiritu, sinipi ni Pablo ang Isa 8:18 at inihambing si Jesus at ang mga pinahirang tagasunod niya kay propeta Isaias at sa mga anak nito. (Heb 2:13, 14) Gaya ng ipinapakita sa konteksto, ang “mga anak” ay tumutukoy talaga sa mga anak ng Diyos at “mga kapatid” ni Kristo, na siyang Panganay ng Diyos. (Heb 1:6; 2:11, 12 at study note; tingnan din ang Ju 1:12; 1Ju 3:1.) Ipinapakita ng pagsiping ito ni Pablo ang nakakaantig na katotohanang bahagi ng pamilya ni Jehova ang mga tagasunod ni Kristo.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 8:18, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya ginamit din dito sa Heb 2:13 ang pangalan ng Diyos. Sa mga manuskritong Griego na mayroon tayo sa ngayon, ang ginamit dito ay The·osʹ (Diyos), posibleng dahil termino rin para sa “Diyos” ang ginamit sa Isa 8:18 sa natitirang mga kopya ng Septuagint. Kaya tinumbasan ito ng “Diyos” sa karamihan ng salin sa Heb 2:13.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.
mga kabahagi sa dugo at laman: Ang “mga anak,” o mga pinahirang alagad ni Jesus, ay pare-parehong nakaranas na maging tao, na may “dugo at laman.” (Tingnan ang study note sa Gal 1:16.) Nang bumaba si Jesus sa lupa, talagang naging tao rin siya na may dugo at laman.—Tingnan ang mga study note sa Ju 1:14.
mapuksa: Binigyan ni Jehova ang Anak niya ng awtoridad na durugin, o puksain, si Satanas. (Gen 3:15; tingnan ang study note sa Ro 16:20.) Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, natalo niya si Satanas. Hanggang sa mamatay si Jesus, hindi nagtagumpay ang lahat ng pakana ni Satanas na magkasala siya. Ang katapatan ni Kristo hanggang kamatayan ay garantiya na balang-araw, sisirain niya ang mga gawa ng Diyablo, aalisin ang kamatayan, at pupuksain si Satanas.—1Co 15:26 at study note; 1Ju 3:8; Apo 20:10, 14.
ang nagdudulot ng kamatayan, ang Diyablo: Kaayon ito ng sinabi ni Jesus tungkol kay Satanas: “Mamamatay-tao siya nang siya ay magsimula.” (Ju 8:44) Naging mamamatay-tao si Satanas nang tuksuhin niyang magrebelde sina Adan at Eva sa Eden. Iyan ang dahilan ng kamatayan nila at ng lahat ng anak nila. (Ro 5:12) Mula noon, marami pang namatay dahil sa panlilinlang at mga tukso ni Satanas para mailayo ang mga tao sa Diyos. Iniimpluwensiyahan niya rin ang mga tao na magkimkim ng matinding galit na puwedeng umakay sa kanila na pumatay. (Ihambing ang 1Ju 3:12.) Pero hindi dapat matakot ang mga Kristiyano kay Satanas at isiping puwede silang patayin ng Diyablo anumang oras. (Mat 4:10, 11; ihambing ang San 4:7.) May kapangyarihan si Satanas na magdulot ng kamatayan, pero hindi siya puwedeng lumampas sa limitasyong itinakda sa kaniya ni Jehova.—Ihambing ang Job 1:12; 2:6.
mapalaya: Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, magagawa niya ang isang bagay na hindi kayang gawin ng kahit sinong taong saserdote—ang puksain ang Diyablo, na nagdudulot ng kamatayan. (Heb 2:14, 17) Dahil din sa pantubos, puwedeng mabuhay muli ang mga namatay. Kaya naman mapapalaya ni Jesus ang mga tao sa “takot sa kamatayan,” na umaalipin sa marami. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, inihula niya ang tagumpay laban sa kamatayan at malinaw na sinabing “ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.” (1Co 15:54-57; tingnan ang study note sa 1Co 15:26.) Totoo, kaaway pa rin ang tingin ng mga Kristiyano sa kamatayan, pero ipinaalala ni Pablo na pansamantala lang ang anumang epekto nito sa mga mananatiling tapat sa Diyos.
tinutulungan niya . . . ang mga supling ni Abraham: Dito, tumutukoy ang “mga supling ni Abraham” sa mga kapatid ni Kristo, ang mga pinahirang Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Gal 3:16, 29.) Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “tinutulungan” ay pangunahin nang nangangahulugang “hawakan.” Puwede itong tumukoy sa paghawak nang mahigpit sa isa para maalalayan siya sa isang mapanganib na sitwasyon. Halimbawa, ‘hinawakan’ ni Jehova ang kamay ng mga Israelita at inakay sila palabas ng Ehipto. (Heb 8:9) Ang anyo ng pandiwang ginamit dito ay nagpapahiwatig na tuloy-tuloy ang pagtulong ni Kristo sa mga pinahirang Kristiyano. Para bang hawak niya sila sa kamay, at tinutulungan niya silang manatiling tapat sa harap ng mga pagsubok. Bilang Tagapamagitan at Mataas na Saserdote, tinutulungan niya silang mapanatili ang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. (Heb 2:18; 7:25) Hindi niya kailangang tulungan ang mga anghel sa ganitong paraan. Ito ang unang pagkakataon sa liham sa mga Hebreo na binanggit si Abraham; pero madalas na siyang banggitin sa sumunod na mga bahagi nito.—Heb 2:16; 6:13, 15; 7:1, 2, 4-6, 9; 11:8, 17.
ang mga supling: Lit., “ang binhi.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:29; Ap. A2.
kinailangan niyang maging gaya ng “mga kapatid” niya: Naging gaya si Jesus ng mga alagad niya dahil naging tao rin siya. Bukod sa nagkaroon siya ng katawang may dugo at laman, naranasan din niyang magdusa at makadama ng mga damdaming karaniwan sa mga tao—naranasan niyang magutom, mauhaw, mapagod, pagtaksilan, mapahiya, maghirap ang kalooban, masaktan, at mamatay. (Mat 4:2; 21:18; 27:27-30; Mar 4:37, 38; 14:33, 34; 15:37; Luc 22:44, 47, 48; Ju 4:6, 7; 19:1-3, 28; Heb 2:10) Nagpakita siya ng malasakit sa mga taong malapít sa kaniya at kahit pa nga sa mga hindi niya kilala. (Mar 5:34; Luc 13:11, 12, 16; Ju 11:32-35) “Kinailangan” niyang maging tao para maging maawain siyang Mataas na Saserdote na nakakaunawa sa mga tao.—Heb 4:15.
mataas na saserdote: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa liham sa mga Hebreo lang tinukoy si Jesus bilang “mataas na saserdote,” at dito ito unang beses na binanggit. Ang iba pang paglitaw ay nasa Heb 3:1; 4:14, 15; 5:5, 10; 6:20; 7:26; 8:1; 9:11.—Tingnan sa Glosari at study note sa Heb 4:14.
makapag-alay siya ng pampalubag-loob na handog: O “makapag-alay siya ng handog bilang pambayad-sala; makapagbayad-sala siya.” (Tingnan ang study note sa Heb 9:5 at Glosari, “Pagbabayad-sala.”) Bilang “tapat na mataas na saserdote,” ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang pantubos para sa kasalanan ng mga tao. Dahil sa pambayad-salang handog na iyan, naging posible ang “walang-hanggang kaligtasan” para sa lahat ng mananampalataya.—Heb 9:11, 12; Ju 3:16; 1Ju 2:2; 4:10; tingnan ang study note sa Ro 3:25; Heb 9:5.
subukin: Malawak ang kahulugan ng ekspresyong Griego na ginamit dito, at puwede rin itong isaling “tuksuhin” sa ibang konteksto. Ginagamit ito para sa maliliit o malalaking pagsubok sa pananampalataya. (1Co 10:13; Heb 4:15; 11:17; Apo 2:10) Nasubok si Jesus sa maraming paraan. Sa simula pa lang ng ministeryo niya, tatlong beses na siyang tinukso ni Satanas, ang “tagapamahala ng mundo.” (Ju 14:30; Mat 4:1-11) At pagkatapos nito, maraming beses pa siyang nasubok. Sa ilang pagkakataon pa nga, mga kaibigan niya ang dahilan. (Mat 16:22, 23) Natapos ang ministeryo ni Kristo sa pinakamatinding pagsubok—ang mamatay sa pahirapang tulos. (Heb 12:2) Sa lahat ng pagsubok na iyon, hindi nawala ang katapatan ni Jesus dahil mahal niya ang Ama niya.—Ju 14:31.
matutulungan niya: Dahil nasubok at nagdusa nang husto si Jesus, talagang naiintindihan niya ang pagdurusa ng mga tagasunod niya. “Nauunawaan [niya] ang mga kahinaan natin.” (Heb 4:15, 16) Ipinakita ni Pablo na bilang maawain at maunawaing mataas na saserdote, tinutulungan ni Kristo ang mga tagasunod niya. (Heb 2:17; tingnan ang study note sa Heb 2:16.) Tinupad niya ang pangako niyang makakasama nila siya hanggang wakas. (Mat 28:20) Sinusuportahan niya sila sa maraming paraan sa pamamagitan ng banal na espiritu ni Jehova.—Luc 11:13; 12:11, 12; Ju 14:13, 14, 16, 26; 15:26.