Ikalawang Cronica 5:1-14
5 Kaya natapos ni Solomon ang lahat ng kailangan niyang gawin para sa bahay ni Jehova.+ Pagkatapos, ipinasok ni Solomon ang mga bagay na pinabanal ng ama niyang si David,+ at inilagay niya ang pilak, ang ginto, at ang lahat ng kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng tunay na Diyos.+
2 Nang panahong iyon, tinipon ni Solomon ang matatandang lalaki ng Israel, ang lahat ng ulo ng mga tribo, ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pumunta sila sa Jerusalem para dalhin ang kaban ng tipan ni Jehova mula sa Lunsod ni David,+ ang Sion.+
3 Nagtipon-tipon ang mga Israelita sa harap ng hari sa kapistahan* na ginaganap nang ikapitong buwan.+
4 Kaya dumating ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel, at binuhat ng mga Levita ang Kaban.+
5 Dinala nila ang Kaban, ang tolda ng pagpupulong,+ at ang lahat ng banal na kagamitang nasa tolda. Ang mga saserdote at mga Levita* ang nagdala sa mga iyon.
6 Si Haring Solomon, pati ang buong kapulungan ng Israel na ipinatawag niya, ay nasa harap ng Kaban. Hindi mabilang sa dami ang inihahandog na mga tupa at baka.+
7 Pagkatapos, ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ni Jehova sa paglalagyan nito, sa kaloob-loobang silid ng bahay, sa Kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.+
8 Ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka sa ibabaw ng kinalalagyan ng Kaban, kaya nalulukuban ng mga kerubin ang Kaban at ang mga pingga*+ nito.
9 Napakahaba ng mga pingga kaya ang mga dulo nito ay nakikita mula sa Banal sa harap ng kaloob-loobang silid, pero hindi ito nakikita sa labas. At naroon pa rin ang mga iyon hanggang ngayon.
10 Walang ibang nasa loob ng Kaban kundi ang dalawang tapyas na bato na inilagay roon ni Moises sa Horeb,+ noong makipagtipan si Jehova+ sa bayang Israel nang lumabas sila mula sa Ehipto.+
11 Nang lumabas ang mga saserdote mula sa banal na lugar (dahil ang lahat ng saserdoteng naroon ay nagpabanal ng sarili,+ anuman ang pangkat nila),+
12 ang lahat ng mang-aawit na Levita+ na pinangungunahan ni Asap,+ ni Heman,+ ni Jedutun,+ at ng kanilang mga anak at kapatid ay nadaramtan ng magandang klase ng tela at may hawak na mga simbalo,* instrumentong de-kuwerdas, at alpa; nakatayo sila sa silangan ng altar, at may kasama silang 120 saserdote na humihihip ng mga trumpeta.+
13 Habang sama-samang pumupuri at nagpapasalamat kay Jehova ang mga humihihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit, at habang naririnig ang tunog ng mga trumpeta, simbalo, at iba pang instrumentong pangmusika kasabay ng pagpuri nila kay Jehova, “dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan,”+ ang bahay, ang bahay ni Jehova, ay napuno ng ulap.+
14 Hindi makapaglingkod ang mga saserdote dahil sa ulap, dahil napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang bahay ng tunay na Diyos.+
Talababa
^ Kapistahan ng mga Kubol.
^ O “Ang mga saserdoteng Levita.”
^ Mahabang kahoy na pambuhat.
^ O “pompiyang.”