Job 2:1-13
2 Pagkatapos ay sumapit ang araw na ang mga anak ng tunay na Diyos ay pumasok upang tumayo sa harap ni Jehova, at si Satanas ay pumasok ding kasama nila upang tumayo sa harap ni Jehova.+
2 Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova kay Satanas: “Saan ka nga ba nanggaling?” At si Satanas ay sumagot kay Jehova at nagsabi: “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa at sa pagpapagala-gala roon.”+
3 At sinabi ni Jehova kay Satanas: “Itinuon mo ba ang iyong puso sa aking lingkod na si Job,+ na walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid,+ na natatakot sa Diyos+ at lumilihis sa kasamaan?+ At siya ay nanghahawakan pa ring mahigpit sa kaniyang katapatan,+ bagaman inuudyukan+ mo ako laban sa kaniya na lamunin siya nang walang dahilan.”+
4 Ngunit si Satanas+ ay sumagot kay Jehova at nagsabi: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.+
5 Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”+
6 Sa gayon ay sinabi ni Jehova kay Satanas: “Narito, siya ay nasa iyong kamay! Ingatan mo lamang ang kaniyang kaluluwa!”
7 Kaya umalis si Satanas mula sa harap ni Jehova+ at sinaktan si Job ng malulubhang bukol+ mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.
8 At kumuha siya ng bibingang luwad upang ipangkayod sa kaniyang sarili; at siya ay nakaupo sa abo.+
9 Nang dakong huli ay sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa: “Nanghahawakan ka pa bang mahigpit sa iyong katapatan?+ Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!”
10 Ngunit sinabi niya sa kaniya: “Gaya ng pagsasalita ng isa sa mga babaing hangal,+ gayon ka rin nagsasalita. Tatanggapin ba lamang natin ang mabuti mula sa tunay na Diyos at hindi rin tatanggapin ang masama?”+ Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kaniyang mga labi.+
11 At narinig ng tatlong kasamahan ni Job ang lahat ng kapahamakang ito na sumapit sa kaniya, at pumaroon sila, ang bawat isa mula sa kani-kaniyang dako, si Elipaz na Temanita+ at si Bildad na Shuhita+ at si Zopar na Naamatita.+ Kaya nagtagpo sila ayon sa pinagkasunduan+ upang pumaroon at makiramay sa kaniya at aliwin siya.+
12 Nang itingin nila ang kanilang mga mata mula sa malayo ay hindi nila siya nakilala. At inilakas nila ang kanilang tinig at tumangis at hinapak+ ng bawat isa ang kaniyang damit na walang manggas at nagsaboy ng alabok patungo sa langit sa ibabaw ng kanilang mga ulo.+
13 At nanatili silang nakaupong+ kasama niya sa lupa nang pitong araw at pitong gabi, at walang sinumang nagsasalita ng isa mang salita sa kaniya, sapagkat nakita nila na ang paghihirap+ niya ay napakatindi.