Isaias 8:1-22
8 At sinabi ni Jehova sa akin: “Kumuha ka para sa iyo ng isang malaking tapyas+ at isulat mo roon sa pamamagitan ng panulat ng taong mortal, ‘Maher-salal-has-baz.’
2 At bigyan mo ako ng katibayan+ para sa akin mula sa tapat na mga saksi,+ si Uria na saserdote+ at si Zacarias na anak ni Jeberekias.”
3 Sa gayon ay lumapit ako sa propetisa, at siya ay nagdalang-tao at sa kalaunan ay nagsilang ng isang anak na lalaki.+ At si Jehova ay nagsabi sa akin: “Tawagin mong Maher-salal-has-baz ang kaniyang pangalan,
4 sapagkat bago matuto ang batang lalaki na tumawag ng,+ ‘Ama ko!’ at ‘Ina ko!’ may isang magdadala ng yaman ng Damasco at ng samsam mula sa Samaria sa harap ng hari ng Asirya.”+
5 At si Jehova ay nagsalita pa sa akin, na sinasabi:
6 “Sa dahilang itinakwil+ ng bayang ito ang tubig ng Siloa+ na umaagos nang banayad, at ipinagbubunyi+ si Rezin at ang anak ni Remalias;+
7 kaya naman, narito! isasampa ni Jehova laban sa kanila+ ang malakas at maraming tubig ng Ilog,+ ang hari ng Asirya+ at ang kaniyang buong kaluwalhatian.+ At siya ay tiyak na aahon sa lahat ng kaniyang mga batis at aapaw sa lahat ng kaniyang mga pampang
8 at magdaraan sa Juda. Siya ay babaha nga at daraan.+ Hanggang sa leeg ay aabot siya.+ At pupunuin ng pagkakaunat ng kaniyang mga pakpak+ ang lapad ng iyong lupain, O Emmanuel!”+
9 Maging mapaminsala kayo, O kayong mga bayan, at magkadurug-durog; at makinig kayo, lahat kayong nasa malalayong bahagi ng lupa!+ Magbigkis kayo ng inyong sarili,+ at magkadurug-durog!+ Magbigkis kayo ng inyong sarili, at magkadurug-durog!
10 Magplano kayo ng isang pakana, at iyon ay malalansag!+ Salitain ninyo ang anumang salita, at hindi iyon matatayo, sapagkat ang Diyos ay sumasaamin!+
11 Sapagkat ito ang sinabi sa akin ni Jehova nang may kalakasan ng kamay, upang mailihis niya ako mula sa paglakad sa daan ng bayang ito, na sinasabi:
12 “Huwag ninyong sabihin, ‘Isang sabuwatan!’ may kinalaman sa lahat ng palaging sinasabi ng bayang ito, ‘Isang sabuwatan!’+ at ang kinatatakutan nila ay huwag ninyong katakutan, ni manginig man kayo dahil doon.+
13 Si Jehova ng mga hukbo—siya ang Isa na dapat ninyong ituring na banal,+ at siya ang dapat ninyong katakutan,+ at siya ang Isa na dapat maging sanhi ng inyong panginginig.”+
14 At siya ay magiging gaya ng isang sagradong dako;+ ngunit gaya ng bato na kahahampasan at gaya ng malaking bato na katitisuran+ ng dalawang sambahayan ng Israel, gaya ng bitag at gaya ng silo sa mga tumatahan sa Jerusalem.+
15 At marami sa kanila ang tiyak na matitisod at mabubuwal at mababalian, at masisilo at mahuhuli.+
16 Ilulon ninyo ang katibayan,+ lagyan ninyo ng tatak ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad!+
17 At patuloy akong maghihintay kay Jehova,+ na nagkukubli ng kaniyang mukha mula sa sambahayan ni Jacob,+ at ako ay aasa sa kaniya.+
18 Narito! Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ni Jehova+ ay gaya ng mga tanda+ at gaya ng mga himala sa Israel mula kay Jehova ng mga hukbo, na tumatahan sa Bundok Sion.+
19 At kung sasabihin nila sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritista+ o sa mga may espiritu ng panghuhula na humuhuni+ at nagsasalita nang pabulong,” hindi ba sa Diyos nito dapat sumangguni ang alinmang bayan?+ [Dapat bang sumangguni] sa mga patay para sa mga buháy?+
20 Sa kautusan at sa katibayan!+
Tiyak na lagi nilang sasalitain ang ayon sa kapahayagang+ ito na hindi magkakaroon ng liwanag ng bukang-liwayway.+
21 At ang bawat isa ay tiyak na daraan sa lupain na nagigipit at gutóm;+ at mangyayari nga na sa dahilang siya ay gutóm at pinag-init niya sa galit ang kaniyang sarili, isusumpa nga niya ang kaniyang hari at ang kaniyang Diyos+ at titingala.
22 At sa lupa ay titingin siya, at, narito! kabagabagan at kadiliman,+ karimlan, panahon ng kahirapan at dilim na walang liwanag.+