Isaias 63:1-19
63 Sino ang isang ito na dumarating mula sa Edom,+ yaong ang mga kasuutan ay may matitingkad na kulay mula sa Bozra,+ ang isang ito na may marangal na pananamit, na humahayo sa kasaganaan ng kaniyang kapangyarihan?
“Ako, ang Isa na nagsasalita sa katuwiran,+ ang Isa na sagana sa kapangyarihang magligtas.”+
2 Bakit mapula ang iyong pananamit, at ang iyong mga kasuutan ay gaya niyaong sa yumayapak sa pisaan ng ubas?+
3 “Ang alilisan ng alak ay niyapakan kong mag-isa,+ habang wala akong kasamang tao mula sa mga bayan. At patuloy ko silang niyapakan sa aking galit,+ at patuloy ko silang niyurakan sa aking pagngangalit.+ At ang kanilang pumupulandit na dugo ay tumilamsik sa aking mga kasuutan,+ at ang aking buong pananamit ay narumhan ko.
4 Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso,+ at ang mismong taon ng aking mga tinubos ay dumating na.
5 At ako ay tumitingin, ngunit walang tumulong; at ako ay nagsimulang manggilalas, ngunit walang sinumang nag-alok ng pag-alalay.+ Kaya naglaan sa akin ng kaligtasan ang aking bisig,+ at ang aking pagngangalit+ ang siyang umalalay sa akin.
6 At patuloy kong niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilasing ko sila ng aking pagngangalit+ at ibinubo ko sa lupa ang kanilang pumupulandit na dugo.”+
7 Ang mga maibiging-kabaitan ni Jehova ay babanggitin ko,+ ang mga kapurihan ni Jehova, ayon sa lahat ng ginawa sa atin ni Jehova,+ ang sagana ngang kabutihan sa sambahayan ng Israel+ na ginawa niya sa kanila ayon sa kaniyang kaawaan+ at ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga maibiging-kabaitan.
8 At sinabi niya: “Tunay na sila ay aking bayan,+ mga anak na hindi magbubulaan.”+ Kaya sa kanila ay siya ang naging Tagapagligtas.+
9 Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.+ At ang kaniyang sariling mensahero ang nagligtas sa kanila.+ Dahil sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang habag ay tinubos niya sila,+ at binuhat niya sila at dinala sila sa lahat ng mga araw noong sinaunang panahon.+
10 Ngunit sila ay naghimagsik+ at pinagdamdam ang kaniyang banal na espiritu.+ Siya ngayon ay naging kaaway+ nila; siya ay nakipagdigma laban sa kanila.+
11 At ang isa ay nagsimulang makaalaala sa mga araw noong sinaunang panahon, si Moises na kaniyang lingkod: “Nasaan ang Isa na nag-ahon sa kanila mula sa dagat+ kasama ng mga pastol ng kaniyang kawan?+ Nasaan ang Isa na naglagay sa kaniya ng Kaniyang banal na espiritu?+
12 Ang Isa na nag-uunat ng Kaniyang magandang bisig+ sa kanang kamay ni Moises; ang Isa na humahati sa tubig mula sa harap nila+ upang gumawa ng isang pangalang namamalagi nang walang takda para sa kaniyang sarili;+
13 ang Isa na pumapatnubay sa kanila sa dumadaluyong na tubig anupat gaya ng isang kabayo sa ilang ay hindi sila natisod?+
14 Gaya ng paglusong ng isang hayop sa kapatagang libis, pinagpahinga sila ng mismong espiritu ni Jehova.”+
Gayon mo inakay ang iyong bayan upang gumawa ng isang magandang pangalan para sa iyong sarili.+
15 Tumanaw ka mula sa langit+ at tumingin ka mula sa iyong marangal na tahanan ng kabanalan at kagandahan.+ Nasaan ang iyong sigasig+ at ang iyong buong kalakasan, ang pagkabagabag ng iyong mga panloob na bahagi,+ at ang iyong kaawaan?+ Sa akin ay nagpigil ang mga ito.+
16 Sapagkat ikaw ang aming Ama;+ bagaman hindi kami nakilala ni Abraham at hindi kami nakikilala ni Israel, ikaw, O Jehova, ang aming Ama. Aming Manunubos noong sinaunang panahon ang iyong pangalan.+
17 O Jehova, bakit mo kami patuloy na inililigaw mula sa iyong mga daan? Bakit mo pinatitigas ang aming puso laban sa pagkatakot sa iyo?+ Magbalik ka alang-alang sa iyong mga lingkod, ang mga tribo ng iyong minanang pag-aari.+
18 Sa kaunting panahon ay nagtaglay ng pagmamay-ari ang iyong banal na bayan.+ Niyapakan ng aming mga kalaban ang iyong santuwaryo.+
19 Sa loob ng mahabang panahon ay naging gaya kami niyaong mga hindi mo pinamahalaan, gaya niyaong mga hindi tinawag sa iyong pangalan.+