Isaias 59:1-21
59 Narito! Ang kamay ni Jehova ay hindi naging napakaikli anupat hindi ito makapagligtas,+ ni naging napakabigat man ng kaniyang pandinig anupat hindi ito makarinig.+
2 Hindi, kundi ang mismong mga kamalian ninyo ang siyang naging sanhi ng paghihiwalay sa pagitan ninyo at ng inyong Diyos,+ at ang inyong sariling mga kasalanan ang nagpangyaring makubli mula sa inyo ang kaniyang mukha upang hindi duminig.+
3 Sapagkat narumhan ng dugo ang inyong mga palad,+ at ng kamalian ang inyong mga daliri. Ang inyong mga labi ay nagsalita ng kabulaanan.+ Ang inyong dila ay patuloy na bumubulung-bulong ng lubos na kalikuan.+
4 Walang sinumang tumatawag sa katuwiran,+ at walang sinuman ang nagtutungo sa hukuman sa katapatan. Ang pinagtitiwalaan ay kabulaanan,+ at ang sinasalita ay kawalang-kabuluhan.+ Ipinaglilihi ang kabagabagan, at ipinanganganak ang bagay na nakasasakit.+
5 Mga itlog ng makamandag na ahas ang pinisa nila, at patuloy silang humahabi ng hamak na sapot ng gagamba.+ Ang sinumang kumain ng kanilang mga itlog ay mamamatay, at ang itlog na binasag ay mapipisa at lalabasan ng ulupong.+
6 Ang kanilang hamak na sapot ay hindi magsisilbing kasuutan, ni maipantatakip man nila sa kanilang sarili ang kanilang mga gawa.+ Ang kanilang mga gawa ay nakasasakit na mga gawa, at ang gawaing karahasan ay nasa kanilang mga palad.+
7 Ang kanilang mga paa ay laging tumatakbo patungo sa lubos na kasamaan,+ at nagmamadali sila upang magbubo ng dugong walang-sala.+ Ang kanilang mga kaisipan ay nakasasakit na mga kaisipan;+ ang pananamsam at kagibaan ay nasa kanilang mga lansangang-bayan.+
8 Ang daan ng kapayapaan+ ay ipinagwalang-bahala nila, at walang katarungan sa kanilang mga landas.+ Ang kanilang mga lansangan ay ginawa nilang liko sa ganang kanila.+ Walang sinumang lumalakad sa mga iyon ang makakakilala ng kapayapaan.+
9 Kaya naman ang katarungan ay naging malayo sa amin, at ang katuwiran ay hindi umaabot sa amin. Patuloy naming inaasahan ang liwanag, ngunit, narito! kadiliman; ang kaliwanagan, ngunit sa namamalaging karimlan kami lumalakad.+
10 Patuloy naming inaapuhap ang pader tulad ng mga taong bulag, at tulad niyaong mga walang mata ay patuloy kaming nag-aapuhap.+ Natitisod kami sa tanghaling tapat gaya ng sa pagkagat ng dilim; sa gitna ng mapipintog ay para kaming mga taong patay.+
11 Patuloy kaming umuungol, kaming lahat, tulad ng mga oso; at tulad ng mga kalapati ay kumukurukutok kami nang may pagdadalamhati.+ Patuloy naming inaasahan ang katarungan,+ ngunit wala nga; ang kaligtasan, ngunit nananatili itong malayo sa amin.+
12 Sapagkat ang aming mga pagsalansang ay dumami sa harap mo;+ at kung tungkol sa aming mga kasalanan, bawat isa ay nagpapatotoo laban sa amin.+ Sapagkat ang aming mga pagsalansang ay nasa amin; at kung tungkol sa aming mga kamalian, nalalaman naming lubos ang mga iyon.+
13 May pagsalansang at pagkakaila kay Jehova;+ at may paglayo mula sa aming Diyos, pagsasalita ng paniniil at paghihimagsik,+ paglilihi at pagbubulung-bulong ng mga salitang kabulaanan mula sa puso.+
14 At ang katarungan ay pilit na pinaurong,+ at ang katuwiran ay nakatayo na lamang sa malayo.+ Sapagkat ang katotohanan ay nabuwal sa liwasan, at ang bagay na matuwid ay hindi makapasok.+
15 At ang katotohanan ay nawawala,+ at ang sinumang tumatalikod sa kasamaan ay sinasamsaman.+
At nakita ni Jehova, at masama sa kaniyang paningin ang kawalan ng katarungan.+
16 At nang makita niya na walang tao, siya ay nagsimulang manggilalas na walang sinumang namamagitan.+ At ang kaniyang bisig ay nagligtas para sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ang siyang umaalalay sa kaniya.+
17 Nang magkagayon ay nagsuot siya ng katuwiran bilang kutamaya,+ at ng helmet ng kaligtasan sa kaniyang ulo.+ Karagdagan pa, siya ay nagsuot ng mga kasuutan ng paghihiganti bilang kagayakan+ at nagbihis ng sigasig na waring damit na walang manggas.+
18 Ayon sa mga pakikitungo ay gayon siya gaganti,+ pagngangalit sa kaniyang mga kalaban, kaukulang pakikitungo sa kaniyang mga kaaway.+ Ang mga pulo ay gagantihan niya ng kaukulang pakikitungo.+
19 At mula sa lubugan ng araw ay magsisimula silang matakot sa pangalan ni Jehova,+ at sa kaluwalhatian niya mula sa sikatan ng araw,+ sapagkat darating siyang tulad ng isang pumipighating ilog, na pinayaon ng mismong espiritu ni Jehova.+
20 “At sa Sion+ ay tiyak na paroroon ang Manunubos,+ at sa kanila na tumatalikod sa pagsalansang sa Jacob,”+ ang sabi ni Jehova.
21 “At kung tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila,”+ ang sabi ni Jehova.
“Ang aking espiritu na sumasaiyo+ at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig+—ang mga iyon ay hindi aalisin sa iyong bibig o sa bibig ng iyong supling o sa bibig ng supling ng iyong supling,” ang sabi ni Jehova, “mula ngayon at maging hanggang sa panahong walang takda.”+