Eclesiastes 9:1-18
9 Sapagkat isinapuso ko ang lahat ng ito, upang saliksikin nga ang lahat ng ito,+ na ang mga matuwid at ang marurunong at ang kanilang mga gawa ay nasa kamay ng tunay na Diyos.+ Hindi nababatid ng mga tao ang pag-ibig o ang poot man na nauna pang lahat sa kanila.+
2 Ang lahat ay magkakatulad sa tinataglay ng lahat.+ May iisang kahihinatnan+ ang matuwid+ at ang balakyot,+ ang mabuti at ang malinis at ang marumi, at ang naghahain at ang hindi naghahain. Ang mabuti ay gaya rin ng makasalanan;+ ang sumusumpa ay gaya rin ng sinumang natatakot sa ipinanatang sumpa.+
3 Ito ang kapaha-pahamak sa lahat ng ginawa sa ilalim ng araw, na, sa dahilang may iisang kahihinatnan ang lahat,+ ang puso ng mga anak ng mga tao ay puspos din ng kasamaan;+ at may kabaliwan+ sa kanilang puso habang sila ay nabubuhay, at pagkatapos nito—patungo sa mga patay!+
4 Sapagkat may kinalaman sa sinumang nakalakip sa lahat ng buháy ay mayroon ngang pag-asa, sapagkat ang buháy na aso+ ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.+
5 Sapagkat batid ng mga buháy na sila ay mamamatay;+ ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran,+ ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan.+
6 Gayundin, ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na,+ at wala na silang anumang bahagi hanggang sa panahong walang takda sa anumang bagay na gagawin sa ilalim ng araw.+
7 Yumaon ka, kainin mo ang iyong pagkain nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may mabuting puso,+ sapagkat ang tunay na Diyos ay nakasumpong na ng kaluguran sa iyong mga gawa.+
8 Sa bawat pagkakataon ay maging puti ang iyong mga kasuutan,+ at huwag magkulang ng langis ang iyong ulo.+
9 Tamasahin mo ang buhay kasama ng asawa na iniibig+ mo sa lahat ng mga araw ng iyong walang-kabuluhang buhay na Kaniyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, sa lahat ng mga araw ng iyong kawalang-kabuluhan, sapagkat iyan ang iyong bahagi sa buhay+ at sa iyong pagpapagal na pinagpapagalan mo sa ilalim ng araw.
10 Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan,+ sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman+ man ni karunungan+ man sa Sheol,+ ang dako na iyong paroroonan.+
11 Ako ay nagbalik upang makita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi sa matutulin,+ ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan,+ ni ang pagkain man ay sa marurunong,+ ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa,+ ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman;+ sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.+
12 Sapagkat hindi rin nalalaman ng tao+ ang kaniyang panahon.+ Tulad ng mga isda na nahuhuli sa masamang lambat,+ at tulad ng mga ibon na nahuhuli sa bitag,+ gayon nasisilo ang mga anak ng mga tao sa isang kapaha-pahamak na panahon,+ kapag ito ay biglang nahuhulog sa kanila.+
13 Ito rin ay nakita ko tungkol sa karunungan sa ilalim ng araw—at iyon ay dakila sa akin:
14 May isang maliit na lunsod, at ang mga lalaki roon ay kakaunti; at doon ay may pumaroong isang dakilang hari, at pinalibutan niya iyon at nagtayo ng malalaking moog+ laban doon.
15 At doon ay may nasumpungang isang lalaki, nagdarahop ngunit marunong, at ang isang iyon ay naglaan ng pagtakas para sa lunsod sa pamamagitan ng kaniyang karunungan.+ Ngunit walang taong nakaalaala sa nagdarahop na lalaking iyon.+
16 At ako ay nagsabi: “Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa kalakasan;+ gayunma’y ang karunungan ng isang nagdarahop ay hinahamak, at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakikinggan.”+
17 Ang mga salita ng marurunong sa katahimikan ay higit na dinirinig+ kaysa sa sigaw ng isang namamahala sa gitna ng mga taong hangal.+
18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga kagamitan sa labanan, at kahit isa lamang makasalanan ay makasisira ng maraming kabutihan.+