Awit ni Solomon 8:1-14
8 “O kung ikaw sana ay gaya ng isang kapatid kong lalaki,+ na sumususo sa mga suso ng aking ina!+ Kung masusumpungan kita sa labas ay hahalikan kita.+ Hindi man lamang ako hahamakin ng mga tao.
2 Aakayin kita, dadalhin kita sa bahay ng aking ina,+ na nagtuturo sa akin noon. Paiinumin kita ng alak na may halong espesya,+ ng sariwang katas ng mga granada.
3 Ang kaniyang kaliwang kamay ay mapapasailalim ng aking ulo; at ang kaniyang kanang kamay—yayakapin ako nito.+
4 “Pinanumpa ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, na hindi ninyo tatangkaing gisingin o pukawin sa akin ang pag-ibig hanggang sa naisin nito.”+
5 “Sino ang babaing+ ito na umaahon mula sa ilang,+ na nakahilig sa kaniyang mahal?”+
“Sa ilalim ng puno ng mansanas ay pinukaw kita. Doon nagkaroon ng mga hapdi ng panganganak sa iyo ang iyong ina. Doon dumanas ng mga hapdi ng panganganak+ yaong nagsisilang sa iyo.
6 “Ilagay mo ako bilang tatak sa iyong puso,+ bilang tatak sa iyong bisig; sapagkat ang pag-ibig ay sinlakas ng kamatayan,+ ang paghingi ng bukod-tanging debosyon+ ay singhigpit ng Sheol. Ang mga lagablab nito ay mga lagablab ng apoy, ang liyab ni Jah.+
7 Ang pag-ibig+ ay hindi mapapatay ng maraming tubig, ni matatangay man ito ng mga ilog.+ Kung ibibigay ng isang lalaki ang lahat ng mahahalagang pag-aari sa kaniyang bahay dahil sa pag-ibig, ang mga iyon ay tiyak na hahamakin ng mga tao.”
8 “Mayroon tayong munting kapatid na babae+ na walang mga suso. Ano ang gagawin natin para sa ating kapatid na babae sa araw na siya ay ipakikipag-usap?”
9 “Kung siya ay magiging isang pader,+ magtatayo tayo sa ibabaw niya ng moog na pilak; ngunit kung siya ay magiging isang pinto,+ haharangan natin siya ng tablang sedro.”
10 “Ako ay isang pader, at ang aking mga suso ay gaya ng mga tore.+ Kaya nga sa kaniyang paningin ay naging katulad ako niyaong nakasusumpong ng kapayapaan.
11 “May isang ubasan+ na pag-aari ni Solomon sa Baal-hamon. Ipinagkatiwala niya ang ubasan sa mga tagapag-alaga.+ Bawat isa ay nagdadala para sa mga bunga nito ng isang libong pirasong pilak.
12 “Ang ubasan ko, na akin, ay nasa aking kapamahalaan. Ang isang libo ay sa iyo, O Solomon, at ang dalawang daan ay para sa mga nag-aalaga ng mga bunga nito.”
13 “O ikaw na tumatahan sa mga hardin,+ ang mga kasamahan ay nagbibigay-pansin sa iyong tinig. Iparinig mo iyon sa akin.”+
14 “Tumakbo ka, mahal ko, at maging gaya ka ng gasela o ng batang lalaking usa sa ibabaw ng mga bundok ng mga espesya.”+