TANONG 7

Paano Kung Pinipilit Akong Makipag-Sex?

Paano Kung Pinipilit Akong Makipag-Sex?

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Ang mga desisyon mo tungkol sa sex ay may malaking epekto sa iyong kinabukasan.

ANO ANG GAGAWIN MO?

Pag-isipan ang senaryong ito: Dalawang buwan pa lang na boyfriend ni Heather si Mike, pero pakiramdam niya, matagal na silang magkakilala. Lagi silang magkatext, laging magkausap sa telepono, at kabisado na nga nila ang linya ng isa’t isa! Pero ngayon, may iba nang gustong gawin si Mike.

Sa nakalipas na dalawang buwan, hanggang hawakán lang sila ng kamay at kaunting halik. Ayaw ni Heather na lumampas pa roon. Pero ayaw din naman niyang mawala si Mike. Kapag kasama niya si Mike, pakiramdam niya, isa siyang prinsesa. ‘Tutal,’ ang katuwiran niya, ‘nagmamahalan naman kami ni Mike . . .’

Kung nasa edad ka na para makipag-date at nasa sitwasyon ka ni Heather, ano ang gagawin mo?

MAG-ISIP MUNA!

Kung lalabagin mo ang isang batas ng kalikasan, gaya ng batas ng grabidad, mapapahamak ka. Ganiyan din kung lalabagin mo ang batas tungkol sa moral, gaya ng: “Umiwas kayo sa pakikiapid.” —1 Tesalonica 4:3.

Ano ang resulta ng paglabag sa utos na iyan? Sinasabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) Paano?

Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga kabataang nakikipag-sex bago ang kasal ay kadalasan nang nakararanas ng sumusunod.

  • NAKOKONSENSIYA. Sinasabi ng karamihan sa mga kabataang nakipag-sex bago ang kasal na pinagsisihan nila ito.

  • NAWAWALAN NG TIWALA. Pagkatapos mag-sex, pareho silang nag-iisip, ‘Kanino pa kaya siya nakipag-sex?’

  • NADIDISMAYA. Sa totoo lang, ang gusto ng maraming babae ay isa na magtatanggol sa kanila, hindi ang isa na magsasamantala sa kanila. At maraming lalaki ang nawawalan ng interes sa isang babaeng napapayag nila sa gusto nila.

  • Tandaan: Kapag pumayag kang makipag-sex, pinabababa mo ang iyong sarili at nawawalan ka ng isang bagay na mahalaga. (Roma 1:24) Ang katawan mo ay napakahalaga para ipamigay mo lang!

Ipakita mong kaya mong “umiwas . . . sa pakikiapid.” (1 Tesalonica 4:3) Kapag kasal ka na, puwede ka nang makipag-sex. At magagawa mo ito nang walang halong pangamba, pagsisisi, at takot, na karaniwang resulta ng pakikipag-sex bago ang kasal.—Kawikaan 7:22, 23; 1 Corinto 7:3.

ANO SA PALAGAY MO?

  • Kung talagang mahal ka niya, magagawa ba niyang saktan ang iyong damdamin at pagkatao?

  • Kung talagang nagmamalasakit siya, hihikayatin ka ba niyang gumawa ng isang bagay na sisira sa kaugnayan mo sa Diyos?—Hebreo 13:4.