Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 14

Maging Tapat sa Lahat ng Bagay

Maging Tapat sa Lahat ng Bagay

“Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—HEBREO 13:18.

1, 2. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap tayong maging tapat?

HABANG naglalakad pauwi galing sa eskuwelahan ang isang batang lalaki, nakapulot siya ng pitaka na punô ng pera. Ano ang gagawin niya? Puwede sanang itago na lang niya ito. Pero ibinalik niya ito sa may-ari. Nang malaman ng nanay ang tungkol sa ginawa ng anak niya, tuwang-tuwa ito sa kaniya.

2 Maraming magulang ang masaya kapag tapat ang mga anak nila. Ang ating makalangit na Ama, si Jehova, ang “Diyos ng katotohanan,” at masaya siya kapag tapat tayo. (Awit 31:5) Gusto natin siyang pasayahin at gusto nating “gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Pag-usapan natin ang apat na bahagi ng buhay natin kung saan nagiging hamon ang katapatan. Pagkatapos, talakayin natin ang ilang pakinabang kapag nalampasan natin ang hamong iyon.

MAGING TAPAT SA ATING SARILI

3-5. (a) Paano natin puwedeng dayain ang sarili natin? (b) Ano ang tutulong sa atin na maging tapat sa sarili natin?

3 Bago maging tapat sa iba, dapat muna tayong maging tapat sa sarili natin. Hindi ito laging madali. Noong unang siglo, dinadaya ng mga kapatid sa kongregasyon ng Laodicea ang sarili nila. Iniisip kasi nilang napapasaya nila ang Diyos pero ang totoo, hindi. (Apocalipsis 3:17) Puwede ring mangyari iyan sa atin.

4 Sinabi ng alagad na si Santiago: “Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.” (Santiago 1:26) Dinadaya natin ang sarili natin kung iniisip natin na hangga’t may ginagawa tayong mabuti, hindi na mahalaga sa Diyos kung masakit tayong magsalita o nagsisinungaling tayo. Ano ang makakatulong sa atin para hindi natin madaya ang ating sarili?

5 Kapag tumitingin tayo sa salamin, nakikita natin kung ano ang hitsura natin. Kapag binabasa natin ang Bibliya, nakikita natin kung ano talaga ang pagkatao natin. Matutulungan tayo ng Bibliya na malaman ang ating magagandang katangian at mga kahinaan. Nalalaman natin ang kailangan nating baguhin sa ating pag-iisip, pagkilos, at pagsasalita. (Basahin ang Santiago 1:23-25.) Pero kung iniisip nating wala tayong kahinaan, hindi tayo makakagawa ng kinakailangang pagbabago. Kaya kailangan nating gamitin ang Bibliya para tapatang suriin ang sarili natin. (Panaghoy 3:40; Hagai 1:5) Tinutulungan din tayo ng panalangin na makita ang totoong pagkatao natin. Puwede nating hilingin kay Jehova sa panalangin na suriin at tulungan tayong makita ang mga kahinaan natin para maitama ang mga ito. (Awit 139:23, 24) Alam nating “nasusuklam si Jehova sa mga mapanlinlang, pero ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.”—Kawikaan 3:32.

MAGING TAPAT SA PAMILYA

6. Bakit dapat maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa?

6 Napakahalaga ng katapatan sa pamilya. Kapag walang inililihim ang mag-asawa sa isa’t isa, panatag sila at talagang makapagtitiwala sa isa’t isa. Ang kawalang-katapatan sa pamilya ay makikita sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, baka ang isang may-asawa ay nakikipag-flirt o nanonood ng pornograpya o lihim na nakikipagrelasyon sa iba. Pansinin ang sinabi ng salmista: “Hindi ako sumasama sa mga taong mapanlinlang, at iniiwasan ko ang mga mapagkunwari.” (Awit 26:4) Kung hindi ka tapat sa asawa mo, kahit sa isip lang, makakasamâ ito sa pagsasama ninyo.

Iwasan agad ang anumang bagay na magpapahina sa pagsasama ninyong mag-asawa

7, 8. Paano mo magagamit ang Bibliya para turuan ang mga anak mo na makitang mahalaga ang katapatan?

7 Kailangan ding matutuhan ng mga anak na mahalaga ang katapatan. Puwedeng gamitin ng mga magulang ang Bibliya para turuan sila. Naglalaman ito ng masasamang halimbawa ng mga taong hindi tapat: Si Acan, na naging magnanakaw; si Gehazi, na nagsinungaling para makakuha ng pera; at si Hudas, na nagnakaw ng pera at nagtraidor kay Jesus kapalit ng 30 pirasong pilak.—Josue 6:17-19; 7:11-25; 2 Hari 5:14-16, 20-27; Mateo 26:14, 15; Juan 12:6.

8 Marami ring magagandang halimbawa sa Bibliya ng mga taong tapat: Si Jacob, na nagsabi sa mga anak niya na ibalik ang perang nakita nila; si Jepte at ang anak niyang babae, na tumupad sa pangako nila sa Diyos; at si Jesus, na naging tapat kahit mahirap ang sitwasyon. (Genesis 43:12; Hukom 11:30-40; Juan 18:3-11) Ang mga halimbawang ito ay makakatulong sa mga anak na maunawaang mahalaga ang katapatan.

9. Paano natutulungan ng mga magulang ang mga anak nila kapag tapat sila?

9 Matututo rin ang mga magulang sa mahalagang prinsipyong ito sa Bibliya: “Bakit ka nagtuturo sa iba pero hindi mo naman tinuturuan ang sarili mo? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ bakit ka nagnanakaw?” (Roma 2:21) Alam ng mga anak kapag iba ang ginagawa ng mga magulang sa sinasabi nila. Kung sinasabi natin sa mga anak natin na maging tapat pero tayo mismo ay hindi tapat, malilito sila. Kapag napapansin ng mga anak na nagsisinungaling ang mga magulang nila, kahit sa maliliit na bagay, malamang na ganoon din ang gawin nila. (Basahin ang Lucas 16:10.) Pero kapag nakikita ng mga anak na tapat ang mga magulang nila, makakatulong ito para maging mapagkakatiwalaang magulang din sila kapag may sarili na silang mga anak.—Kawikaan 22:6; Efeso 6:4.

MAGING TAPAT SA KONGREGASYON

10. Paano natin maipapakitang tapat tayo kapag nakikipag-usap sa mga kapatid?

10 Kailangan din nating maging tapat sa mga kapatid. Ang kuwentuhan natin sa araw-araw ay madali lang mauwi sa tsismis, o paninirang-puri pa nga. Kung magkukuwento tayo ng isang bagay na hindi tayo siguradong totoo, baka makapagkalat tayo ng kasinungalingan. Kaya makakabuti talaga kung ‘pipigilan natin ang ating dila.’ (Kawikaan 10:19) Ang pagiging tapat ay hindi naman nangangahulugang sasabihin na natin ang lahat ng iniisip, nalalaman, o naririnig natin. Kahit totoo ang sasabihin natin, baka hindi naman tayo dapat makialam doon, o baka hindi naman kailangan at hindi magandang ikuwento pa ito. (1 Tesalonica 4:11) Kapag nagsasalita ang iba nang masakit, ikinakatuwiran nila: “Nagsasabi lang naman ako ng totoo.” Pero bilang mga lingkod ni Jehova, gusto nating laging maging mabait sa pagsasalita.—Basahin ang Colosas 4:6.

11, 12. (a) Bakit mas lumalala ang sitwasyon kapag may inilihim ang isang tao tungkol sa pagkakamali niya? (b) Ano ang mga puwede nating itanong? (c) Paano tayo magiging tapat sa organisasyon ni Jehova?

11 Inatasan ni Jehova ang mga elder na tulungan ang kongregasyon. Mas madali tayong matutulungan ng mga elder kapag tapat tayo sa kanila. Bakit? Kung may sakit ka at nagpatingin ka sa doktor, may sintomas ka bang ililihim sa kaniya? Kung gagawin mo iyan, paano ka niya matutulungan? Ganiyan din kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan. Wala tayong dapat itago. Dapat tayong lumapit sa mga elder at sabihin ang lahat sa kanila. (Awit 12:2; Gawa 5:1-11) Pag-isipan naman ito: Paano kung nalaman mong nakagawa ng malubhang kasalanan ang kaibigan mo? (Levitico 5:1) Sasabihin mo bang: “Kung tunay akong kaibigan, hindi ko siya isusumbong”? O aalalahanin mong nandiyan ang mga elder para bigyan siya ng tulong na kailangan niya para maibalik at mapatibay niya ang kaugnayan niya kay Jehova?—Hebreo 13:17; Santiago 5:14, 15.

12 Kailangan din nating maging tapat sa organisasyon ni Jehova kapag nagbibigay ng report, gaya ng pagrereport ng nagawa natin sa ministeryo. Tapat din tayo kapag nag-aaplay bilang payunir o sa iba pang larangan ng paglilingkod.—Basahin ang Kawikaan 6:16-19.

13. Paano tayo magiging tapat sa mga kapatid pagdating sa negosyo?

13 Dapat panatilihing hiwalay ng mga Kristiyano ang negosyo sa kanilang pagsamba. Halimbawa, hindi tayo nagnenegosyo habang nasa Kingdom Hall o nasa ministeryo. At hindi natin sinasamantala ang mga kapatid pagdating sa negosyo. Kung may mga tauhan kang Saksi, bayaran sila sa tamang panahon, ibigay ang halagang ipinangako mo, at ibigay ang mga benepisyong hinihiling ng batas. Baka kasama diyan ang medical insurance o bayad sa overtime. (1 Timoteo 5:18; Santiago 5:1-4) At kung namamasukan ka naman sa isang kapatid, huwag umasa ng espesyal na pagtrato. (Efeso 6:5-8) Tiyakin mong magtatrabaho ka sa napagkasunduang haba ng oras at gawin ang trabahong ipinapagawa sa iyo.—2 Tesalonica 3:10.

14. Ano ang dapat gawin ng mga Kristiyano bago sila makipagsosyo ng negosyo sa kapuwa nila Saksi?

14 Paano naman kung nakipagsosyo tayo ng negosyo sa isang kapatid? Baka may kasama itong investment o loan. Sa ganitong mga sitwasyon, malaki ang maitutulong ng prinsipyong ito sa Bibliya: Gumawa ng kasulatan! Nang bumili si propeta Jeremias ng bukid, gumawa siya ng dalawang kopya ng kasunduan, pinapirmahan ang isang kopya sa mga saksi, at itinago ang dalawang dokumentong ito para magamit kung kailangan. (Jeremias 32:9-12; tingnan din ang Genesis 23:16-20.) Iniisip ng ilan na kapag gumawa sila ng kasunduan, parang wala silang tiwala sa kapatid. Pero ang totoo, makakatulong ito para maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan, pagkadismaya, at pag-aaway. Kahit sa negosyo, tandaan na mas mahalaga ang kapayapaan ng kongregasyon kaysa sa mga napagkasunduan sa negosyo.—1 Corinto 6:1-8; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 30.

PAGIGING TAPAT SA SEKULAR NA MUNDO

15. Ano ang nararamdaman ni Jehova sa pandaraya sa negosyo?

15 Dapat tayong maging tapat sa lahat, pati na sa mga hindi Saksi ni Jehova. Mahalaga kay Jehova na maging tapat tayo. “Ang madayang timbangan ay kasuklam-suklam kay Jehova, pero ang wastong panimbang ay kalugod-lugod sa kaniya.” (Kawikaan 11:1; 20:10, 23) Noong panahon ng Bibliya, madalas gamitin ang timbangan sa mga transaksiyon sa negosyo. Pero dinadaya ng ilang negosyante ang mga kostumer nila—hindi nila ibinibigay ang tamang dami ayon sa napagkasunduan o nagpapatong sila nang sobra kaysa sa dapat bayaran. Gaya noong panahon ng Bibliya, karaniwan na lang sa ngayon ang pandaraya sa negosyo. Kung kinapopootan ni Jehova ang pandaraya noon, ganiyan din sa ngayon.

16, 17. Anong mga klase ng pandaraya ang dapat nating iwasan?

16 Lahat tayo ay napapaharap sa mga sitwasyong susubok sa katapatan natin—gaya ng pag-aaplay sa trabaho, pagpi-fill up ng form sa gobyerno, o pagkuha ng exam sa eskuwelahan. Marami ang naniniwala na walang masama sa pagsisinungaling, pagdaragdag ng kuwento, o pagbibigay ng mapandayang sagot. Hindi na tayo dapat magtaka rito. Inihula ng Bibliya na sa mga huling araw ng sistemang ito, ang mga tao ay magiging “makasarili, maibigin sa pera, . . . napopoot sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-5.

17 Sa ngayon, mukhang nagtatagumpay pa ang mga di-tapat. (Awit 73:1-8) Dahil sa katapatan ng isang Kristiyano, baka mawalan siya ng trabaho, dayain dahil sa pera, o tratuhin nang masama sa trabaho. Pero sulit ang maging tapat. Bakit?

MGA PAGPAPALA SA PAGIGING TAPAT

18. Bakit napakahalagang magkaroon ng magandang reputasyon?

18 Bihira na lang sa ngayon ang may reputasyong tapat, mapagkakatiwalaan, at maaasahan, pero napakahalaga nito. Sinuman sa atin ay puwedeng magkaroon ng ganiyang reputasyon. (Mikas 7:2) Totoo, baka pagtawanan ka ng ilan dahil tapat ka. Pero pahahalagahan ng iba ang katapatan mo at magtitiwala sila sa iyo. Sa buong mundo, kilaláng tapat ang mga Saksi ni Jehova. Mas gusto ng ilang employer na kumuha ng mga Saksi dahil alam nilang tapat ang mga ito. At kung may mga empleadong natatanggal sa trabaho dahil hindi sila tapat, ang mga Saksi naman ay kadalasang nagtatagal sa trabaho.

Mapapapurihan natin si Jehova kapag masipag tayo sa trabaho

19. Paano makakaapekto sa kaugnayan mo kay Jehova ang katapatan mo?

19 Kapag tapat ka sa lahat ng bagay, malinis ang konsensiya mo at payapa ang isip mo. Magiging gaya tayo ni Pablo, na sumulat: “Naniniwala kaming malinis ang konsensiya namin.” (Hebreo 13:18) Ang pinakamahalaga, nakikita at pinapahalagahan ng iyong mapagmahal na Ama, si Jehova, ang pagsisikap mong maging tapat sa lahat ng bagay.—Basahin ang Awit 15:1, 2; Kawikaan 22:1.