LAKAS-LOOB NA LUMAKAD KASAMA NG DIYOS

Jose​​—Inalagaan Niya ang Pamilya Niya

Tagalog
Jose​​—Inalagaan Niya ang Pamilya Niya
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/1102025943/univ/art/1102025943_univ_sqr_xl.jpg
wcg kab. 43

43 JOSE

Inalagaan Niya ang Pamilya Niya

Inalagaan Niya ang Pamilya Niya

HINDI madali na maging isang tatay. Kailangan niyang magtrabaho nang mabuti para maalagaan ang asawa at mga anak niya. Kailangan din niya ng lakas ng loob para maprotektahan sila. Gusto ni Jose, isang karpintero sa Nazaret, na maging ganiyang klase ng asawa at tatay. Pero hindi pa siya ikinakasal, napaharap na siya sa isang mahirap na sitwasyon at kailangan niya dito ng lakas ng loob. Nalaman niya na nagdadalang-tao ang mapapangasawa niya, si Maria. Pero hindi siya ang tatay ng bata. Ipinaliwanag sa kaniya ni Maria ang buong kuwento. Pero siguradong mahirap para kay Jose na maniwala at maintindihan iyon. Ano ang ginawa niya?

Sinasabi sa Bibliya na “si Jose ay matuwid,” isang lalaking masunurin sa mga batas ni Jehova. Mabait din siya at maawain. Kaya nang malaman niya na nagdadalang-tao si Maria, pinag-isipan niyang mabuti kung ano ang tamang gawin. Dahil ayaw niyang maging kahiya-hiya si Maria, pinlano niyang diborsiyuhin ito nang palihim. Noon, kapag nakatakda nang ikasal ang isang lalaki at isang babae, itinuturing na silang mag-asawa. Kaya kung magdesisyon silang huwag ituloy ang kasal, kailangan nilang magdiborsiyo. Pero ayaw ni Jehova na mangyari iyan kina Jose at Maria. Kaya nagpadala siya ng isang anghel para kausapin si Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel kay Jose: “Huwag kang matakot na pakasalan si Maria.” Tiniyak sa kaniya ng anghel na nagsasabi ng totoo si Maria. Talagang anak ng Diyos ang bata, at ito ang magiging Mesiyas!

Napakabigat ng responsibilidad ni Jose—kailangan niyang pangalagaan ang mismong Anak ng Diyos

“Ginawa [ni Jose] ang iniutos sa kaniya ng anghel ni Jehova.” Lakas-loob niyang tinanggap ang espesyal na atas na ibinigay ni Jehova sa kaniya—ang alagaan ang asawa niya at ang batang isisilang nito, ang mismong anak ng Diyos. Talagang kailangan niya dito ng lakas ng loob!

Pagkalipas ng ilang buwan, nagpalabas ng utos si Cesar Augusto na magsagawa ng sensus. Kaya kailangang maglakbay ni Jose papuntang Betlehem para magparehistro doon. Posibleng hindi naman hinihiling ng batas na sumama si Maria, pero malamang na naisip ni Jose na mas maaalagaan niya ang asawa niya kung magkasama sila. Kaya kahit “malapit nang manganak” si Maria, naglakbay sila nang malayo papuntang Betlehem. Habang nandoon sila, dumating ang araw ng panganganak ni Maria, at isinilang niya si Jesus sa isang kuwadra.

Hindi mayaman si Jose, pero nagtrabaho siya nang husto para mapangalagaan ang pamilya niya. Noong pumunta sila ni Maria sa templo sa Jerusalem para iharap kay Jehova ang bata, naghandog sila ng dalawang maliliit na ibon, kasi iyon lang ang makakaya nila na ayon sa Kautusan. Pagkalipas ng ilang panahon, habang nasa bahay sila sa Betlehem, dinalaw sila ng ilang astrologo, na posibleng galing sa Babilonya. Nakarating sa bahay ni Jose ang mga astrologo dahil sa nakita nilang isang “bituin.” Nagbigay sila ng ginto at iba pang mamahaling regalo para sa bata. Pero pagkaalis nila, sinabihan ng anghel ni Jehova si Jose na gustong patayin ni Haring Herodes ang batang si Jesus! Kaya inutusan ng anghel si Jose na dalhin ang pamilya niya sa Ehipto.

Lakas-loob na sinunod ni Jose ang anghel. Noong mismong gabing iyon, isinama niya si Maria at si Jesus at umalis sila ng Betlehem. Pumunta sila sa isang malayong lugar na hindi pamilyar sa kanila. Pero paano niya sila papangalagaan sa Ehipto? Siguradong ipinagpasalamat niya ang regalong ibinigay ng mga astrologo. Pagkalipas ng ilang panahon, inutusan ni Jehova si Jose na dalhin ang pamilya niya pabalik ng Israel. Pero masama ang namamahala sa Betlehem, kaya hindi sila pumunta doon. Nagbabala rin si Jehova kay Jose sa isang panaginip, kaya sa Nazaret niya dinala ang pamilya niya.

Doon, nagkaroon sila ni Maria ng anim o higit pang anak bukod kay Jesus. Talagang nagtrabaho nang mabuti si Jose bilang karpintero para mapaglaanan ang pamilya niya. Pero ang pinakamahalaga, inilaan niya ang espirituwal na pangangailangan nila. Regular silang pumupunta sa sinagoga para matuto tungkol kay Jehova, at naglalakbay sila para dumalo sa mga kapistahan sa Jerusalem. Minsan, noong pauwi na sila galing sa isang kapistahan, napansin nina Jose at Maria na hindi nila kasama ang 12-taóng-gulang na si Jesus. Alalang-alala si Jose! Kaya siguradong napanatag siya noong makita nila si Jesus sa templo. Pagkatapos nito, umuwi na sila, at sinasabi sa Bibliya na ‘patuloy na naging masunurin si Jesus sa kanila.’ Sa ulat na ito huling binanggit ng Bibliya si Jose.

Walang sinasabi sa Bibliya kung kailan namatay si Jose. Pero lumilitaw na bago siya mamatay, sinanay niya si Jesus na maging mahusay na karpintero. Kasi hindi lang basta nakilala si Jesus na “anak ng karpintero.” Siya mismo, tinawag na isang “karpintero.” Gusto ni Jehova na tularan ng mga tatay ang magagandang katangian ni Jose—malakas ang loob, tapat, at mabait. Pinrotektahan niya ang pamilya niya, inalagaan sila, at tinuruan tungkol kay Jehova. Talagang magandang halimbawa si Jose para sa lahat ng tatay!

Basahin sa Bibliya:

Talakayin:

Paano nagpakita ng lakas ng loob si Jose?

Alamin

  1. 1. Kung si Maria ang anak ni Heli, bakit tinawag si Jose na “anak ni Heli” sa Lucas 3:23? (w17.08 32 ¶4)

  2. 2. Ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi nakipagtalik si Jose kay Maria bago isilang si Jesus? (w03 12/15 5 ¶5)

  3. 3. Ano ang nagpapakita na masipag si Jose? (ia 166-167 ¶15-18) Larawan A

    Larawan A

  4. 4. Bakit masasabing namatay si Jose bago pa nagsimula ang ministeryo ni Jesus? (w17.07 13 ¶8, tlb.)

Gawin ang mga Natutuhan Mo

  • Sinusunod ni Jose si Jehova kahit hindi iyon laging madali. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa kaniya? (Mat. 1:​20, 24; 2:​13-15, 19-21)

  • Priyoridad ni Jose at ng pamilya niya ang pagsamba kay Jehova. Ano ang matututuhan natin dito? (Luc. 2:41) Larawan B

    Larawan B

  • Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ni Jose?

Mahalagang Pag-isipan

  • Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?

  • Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?

  • Ano ang itatanong mo kay Jose kapag binuhay na siyang muli?

Tingnan Din

Sa video na ito, tingnan kung paano sinunod ni Jose ang utos ni Jehova.

“Ginawa Niya ang Iniutos sa Kaniya ng Anghel ni Jehova” (4:39)

Paano natin matutularan sina Jose at Maria kapag may batas ang gobyerno na sa tingin natin ay hindi praktikal o makatuwiran?

“Handa Ka Bang Sumunod?” (w23.10 8-10 ¶9-14)