Tagalog
Esteban​​—“Puspos ng Banal na Espiritu at May Matibay na Pananampalataya”
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/1102025948/univ/art/1102025948_univ_sqr_xl.jpg
wcg kab. 48

48 ESTEBAN

“Puspos ng Banal na Espiritu at May Matibay na Pananampalataya”

“Puspos ng Banal na Espiritu at May Matibay na Pananampalataya”

NANGANGANIB ang buhay ni Esteban! Inakusahan siya ng isang krimen, at kailangan niyang humarap sa Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio. Ilang buwan pa lang ang nakakaraan, hinatulan si Jesus ng kamatayan ng mismong korteng ito. Kaya alam ni Esteban na posibleng iyon din ang maging hatol sa kaniya. Kahit ganoon, napakakalmado pa rin niya. Sinasabi sa Bibliya na “parang anghel ang mukha niya.” Ordinaryong tao lang si Esteban, kaya paano siya naging ganoon kakalmado? Dahil iyon sa lakas ng loob niya.

Sinasabi sa Bibliya na si Esteban ay “puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya.” Malaki ang tiwala sa kaniya ng mga apostol sa Jerusalem, kaya isa siya sa mga inatasang mag-asikaso sa pangangailangan ng mga kapatid sa kongregasyon. Isang araw, may mga Judio na galit na galit kay Esteban at nakipagtalo sila sa kaniya. Pero dahil mahusay siyang magsalita, wala silang maisagot sa kaniya. Kaya ang ginawa nila, sinugod nila siya at puwersahang dinala sa Sanedrin. Ngayon, nasa kamay na ng Sanedrin ang buhay ni Esteban.

Posibleng alam ni Esteban ang pangako ni Jesus sa mga tagasunod niya na mapapaharap sa ganitong mga sitwasyon: “Huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, iyon ang sabihin ninyo, dahil hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.” (Mar. 13:11) Siguradong napalakas niyan ang loob ni Esteban. At sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, naging napakakalmado ni Esteban sa harap ng Sanedrin. Kitang-kita iyon sa mukha niya! Ang tingin pa nga sa kaniya ng mga nandoon, para siyang anghel.

Binubuo ng 71 miyembro ang Sanedrin. Lahat sila, prominenteng mga lalaki at guro ng Judaismo. Nagtitipon sila sa isang napakalaking silid, kung saan ang mga upuan ay nakaayos nang pakurba at may tatlong hilera. May dalawang eskriba rin doon na tagasulat ng hatol ng korte. Sa gitna ng silid na ito nakatayo si Esteban. Inakusahan siya ng pagsasalita laban sa Kautusan ni Moises at sa templo—mga krimen na kamatayan ang parusa. Ngayon, tinatanong na si Esteban ng mataas na saserdoteng si Caifas kung totoo ba ang mga akusasyon sa kaniya.

Nagsalita si Esteban. Sinabi niya ang tungkol sa kasaysayan ng Israel, at sinimulan niya iyon kay Abraham. Binanggit din niya ang tungkol kay Jose at ang masamang ginawa sa kaniya ng mga kapatid niya, na mga ulo ng angkan ng Israel. Pagkatapos, sinabi ni Esteban ang tungkol kay Moises at ang magagandang bagay na ginawa nito. May mga sinabi rin siya tungkol kay Moises na hindi mababasa sa Hebreong Kasulatan. Pero sinabi rin niya na hindi sinunod ng mga Israelita si Moises.

Makikita sa mga sinabi ni Esteban kung gaano kalaki ang paggalang niya sa Kautusan, pati na sa tabernakulo at sa templo. Pero ipinakita rin niya doon kung paano paulit-ulit na nagrebelde ang bayan ng Diyos sa mga ipinapadala ni Jehova para gabayan sila.

Kailangang ipagtanggol ni Esteban ang pananampalataya niya sa harap ng isang di-patas na hukuman na determinadong hatulan siya ng kamatayan

Siguradong nakita ni Esteban na hindi maaawa sa kaniya ang masasamang lalaking kausap niya. Kaya tama lang na pinalakas ng espiritu ni Jehova ang loob niya para masabi sa kanila ang isang mensahe ng paghatol. Sinabi niya na “mapagmatigas” sila at “lagi [nilang] nilalabanan ang banal na espiritu,” gaya ng mga ninuno nila. Pero ang mas malala pa, ‘pinagtaksilan nila at pinatay’ ang propetang inihula ni Moises na mas dakila kaysa sa kaniya. Pinatay nila ang “isa na matuwid”—si Jesus na Mesiyas.

Galit na galit kay Esteban ang mga miyembro ng Sanedrin! Pero pinatibay siya ni Jehova sa pamamagitan ng isang pangitain. Inilarawan iyon ni Esteban: “Nakikita ko ngayong bukás ang langit at nakatayo sa kanan ng Diyos ang Anak ng tao.” Lalong nagalit ang Sanedrin! Posibleng naalala nila sa mga salitang iyon ang sinabi ni Jesus sa kanila ilang buwan pa lang ang nakakalipas: “Makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Mat. 26:64) Pinatunayan ni Esteban na nagkatotoo ang hulang iyon—nasa langit na ngayon si Jesus kasama ni Jehova.

Sa sobrang galit nila kay Esteban, sinugod nila siya at dinala sa labas ng lunsod. Doon, pinagbabato nila siya. Posibleng nakikita pa noon ni Esteban si Jesus sa pangitain. Hiniling niya sa Kaniya: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang buhay ko.” Hiniling din niya kay Jehova: “Huwag mong singilin sa kanila ang kasalanang ito.” Pagkatapos, namatay na siya. Hanggang sa huli, nanatiling tapat si Esteban. Siya ang kauna-unahang Kristiyanong nakaulat sa Bibliya na pinatay dahil sa pananampalataya niya. Pero hindi nakalimutan ng isa sa mga lalaking nandoon, na pabor din sa pagpatay kay Esteban, ang mga huling sinabi niya. Mas makikilala pa natin ang lalaking iyon sa Kabanata 50, 51, at 53.

Basahin sa Bibliya:

Talakayin:

Paano nagpakita ng lakas ng loob si Esteban?

Alamin

  1. 1. Bakit si Esteban at ang iba pang lalaking “puspos ng espiritu at karunungan” ang pinili ng mga apostol para mag-asikaso sa pamamahagi ng pagkain sa kongregasyon? (Gawa 6:​3-5; bt 41-42 ¶17-18) Larawan A

    Larawan A

  2. 2. Ano ang mga detalyeng sinabi ni Esteban tungkol kay Moises na hindi makikita sa iba pang bahagi ng Bibliya? (bt 48 ¶13, tlb.)

  3. 3. Paano nakapanatiling kalmado si Esteban noong pinag-uusig siya? (w18.10 32)

  4. 4. Ipinapakita ba ng Gawa 7:59 na nanalangin si Esteban kay Jesus? (w05 1/1 31)

Gawin ang mga Natutuhan Mo

  • Si Esteban ay “puspos ng banal na espiritu at may matibay na pananampalataya.” Bukod diyan, “talagang kalugod-lugod [siya] sa Diyos at puspos ng kapangyarihan.” Kahit ganoon, tinanggap pa rin niya ang atas na mamahagi ng pagkain. (Gawa 6:​2, 5, 8) Paano matutularan si Esteban ng mga brother na maraming skill o pananagutan sa kongregasyon? Larawan B

    Larawan B

  • Ipinanalangin ni Esteban ang mga umusig sa kaniya. Paano rin tayo puwedeng makapagpakita ng pag-ibig sa mga umuusig sa atin at humahadlang sa gawain natin? (Mat. 5:​44-48)

  • Paano mo matutularan ang lakas ng loob ni Esteban?

Mahalagang Pag-isipan

  • Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?

  • Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?

  • Bakit ka nagpapasalamat na isa si Esteban sa mga piniling mamahala sa langit kasama ni Kristo?

Tingnan Din

Gaya ni Esteban, paano natin maipagtatanggol ang pananampalataya natin nang may lakas ng loob pero magalang pa rin?

“Si Esteban—‘Talagang Kalugod-lugod sa Diyos at Puspos ng Kapangyarihan’” (bt 47-50 ¶9-19)

Katulad ni Esteban, paano nakakapagpakita ng lakas ng loob ang bayan ng Diyos ngayon kapag pinag-uusig sila?

Lakas ng Loob sa Harap ng Pag-uusig (6:27)