11 MOISES
“Pumunta Ka sa Paraon”
MALAKI na ang ipinagbago ni Moises. Maraming taon na rin ang lumipas mula nang umalis siya sa Ehipto. Lumilitaw na hindi na niya iniisip na siya ang gagamitin ni Jehova para palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin. Ngayon, mga 80 na siya. Mayroon na siyang asawa at dalawang anak. Sa nakalipas na 40 taon, naging pastol siya ng mga kawan ng biyenan niya sa mainit at tuyong lupain ng Midian. Nakatulong ito sa kaniya na maging mapagpakumbaba.
Nakita ni Jehova na nagbago na si Moises. Isang araw, habang nasa paanan ng Bundok Horeb (o, Sinai) si Moises, may nakita siyang isang matinik na halaman na nag-aapoy. Pero kakaiba iyon kasi hindi iyon nasusunog! Kaya nilapitan iyon ni Moises. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang anghel, nagsalita si Jehova mula sa halaman. Inutusan niya si Moises na bumalik ng Ehipto at ilabas doon ang bayan Niya! Para mapatibay si Moises, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.” Kasama ito sa ibig sabihin ng pangalan ni Jehova. Ipinapakita nito na kayang iligtas ni Jehova ang bayan niya—kaya niyang maging anuman na kinakailangan para mapalaya sila at maging isang malaking bansa.
Pero kahit ganoon, nag-aalangan pa rin si Moises. Tingin niya, hindi siya kuwalipikado at hindi niya kayang makipag-usap sa Paraon ng Ehipto. Kaya itinuwid siya ni Jehova. At para patibayin ang pananampalataya niya, binigyan siya ni Jehova ng kakayahan na gumawa ng mga himala. Ito ang unang ulat sa Bibliya na nagbigay si Jehova ng ganitong kakayahan sa isang tao! Bukod diyan, binigyan niya si Moises ng makakasama at tagapagsalita, ang kapatid nitong si Aaron. Sa wakas, tinanggap ni Moises ang atas bilang ang pinili ni Jehova para iligtas ang bayan Niya.—Heb. 11:26.
Bumalik si Moises sa Ehipto at humarap sa Paraon kasama si Aaron. Pero hindi maganda ang nangyari. Galit na galit ang Paraon sa sinabi nila. Imbes na palayain ang mga Israelita, mas lalo niyang pinabigat ang trabaho ng mga ito! Kaya pinabalik ni Jehova si Moises sa Paraon para sabihin na magpapadala Siya ng salot sa Ehipto—magiging dugo ang tubig sa Ilog Nilo. At ganoon nga ang nangyari! Pero nagmatigas ang Paraon. Kaya paulit-ulit na inutusan ni Jehova si Moises na bumalik dito para sabihin ang susunod na salot. “Pumunta ka sa Paraon,” ang sabi ni Jehova. At sa bawat pagkakataon, lakas-loob itong ginagawa ni Moises. Pero ayaw pa ring makinig ng mayabang na Paraon. Simula sa ikaapat na salot, kitang-kita kung paano pinrotektahan ni Jehova ang bayan niya. Mga Ehipsiyo na lang kasi ang apektado ng mga salot.
Sa bawat salot na dumating, makikita na walang-wala ang mga diyos ng Ehipto—hindi nila kayang pahintuin ang mga salot. Hindi rin iyon magawa ng Paraon o ng mga mahikong saserdote. Pero kahit ganoon, patuloy na nagmatigas ang Paraon. Ayaw pa rin niyang palayain ang mga Israelita. Sa ikasiyam na salot, nabalot ng matinding kadiliman ang buong Ehipto, pero may liwanag sa tirahan ng mga Israelita. Noong una, pumayag ang Paraon na umalis na sila, pero binawi rin niya iyon. Pagkatapos, sinabi niya kay Moises na huwag na huwag nang magpapakita sa kaniya. Kasi kung gagawin iyon ni Moises, mamamatay siya.
Paulit-ulit na humarap si Moises sa Paraon kahit alam niyang magagalit ito sa sasabihin niya
Pero dumating ang ika-10 salot! Namatay ang lahat ng panganay na anak sa Ehipto, pati na ang panganay ng mga hayop. Namatay rin ang panganay na anak na lalaki ng Paraon. Talagang napahiya siya. Sa pagkakataong ito, sumuko na ang Paraon. Ipinatawag niya si Moises, at pinalaya na niya ang mga Israelita. Hiniling din niya na pagpalain siya. Sa wakas, hindi na alipin ang mga Israelita! Malaya na sila. Eksakto itong 430 taon mula nang pumasok si Abraham sa Lupang Pangako. Sa pag-alis nila sa Ehipto, may kasama silang “isang malaking grupo ng mga banyaga,” na malamang na Ehipsiyo ang karamihan. Pero nagbago ulit ang isip ng Paraon. Kaya tinipon niya ang malaking hukbo niya at hinabol ang mga Israelita!
Takot na takot ang bayan nang makita nila ang mga Ehipsiyo. At dahil nasa tabi sila ng Dagat na Pula, parang hindi na sila makakaligtas. Humingi ng tulong si Moises kay Jehova, at sinagot iyon ni Jehova. Ginawa Niya ang isa sa pinakakahanga-hangang himala sa kasaysayan—hinati Niya ang Dagat na Pula! Dahil dito, nakatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Nang makita ng Paraon na nakakatakas ang mga Israelita, sinundan niya ang mga ito kasama ang hukbo niya. Pero nang ligtas nang makatawid ang mga Israelita, ibinalik ni Jehova sa dati ang dagat. Kaya nilamon ng tubig ang mga Ehipsiyo, at nalunod sila. Wala na ang pinakamalakas na hukbo noong panahong iyon!
Siguradong hindi nakalimutan ni Moises ang lahat ng pangyayaring ito. Ngayon, mas matibay na ang pananampalataya niya. At sa sumunod na 40 taon, hanggang sa mamatay siya sa edad na 120, siya ang nanguna sa bayan ng Diyos. Pinangalagaan sila ni Moises. At nagpakita siya ng mahusay na halimbawa ng pananampalataya, pag-ibig, at lakas ng loob na puwede rin nating tularan.
Basahin sa Bibliya:
Talakayin:
Paano nagpakita ng lakas ng loob si Moises?
Alamin
-
1. Hindi natin alam ang pangalan ng Paraon sa ulat na ito, at wala pa ring nakikitang rekord ng mga Ehipsiyo tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto. Pero bakit makakapagtiwala pa rin tayo na totoo ang ulat na ito ng Bibliya? (g04 4/8 7 ¶4–9 ¶1)
-
2. Bakit takot ang mga tao sa Paraon? (w14 4/15 8 ¶1) Larawan A
PRISMA ARCHIVO/Alamy Stock Photo
Larawan A: Larawan ng isang Paraon na nakaukit sa pader
-
3. Paano ipinakita ng Sampung Salot na walang-wala ang mga diyos ng mga Ehipsiyo? (it “Diyos at Diyosa, Mga” ¶24-26)
-
4. Bakit masasabing malapad ang daang binuksan ni Jehova sa Dagat na Pula, at gaano karaming Israelita ang posibleng tumawid doon? (it “Pag-alis” ¶47-52) Larawan B
Larawan B: Ang Dagat na Pula mula sa baybayin ng Peninsula ng Sinai, na posibleng dinaanan ng nakatawid na mga Israelita
Gawin ang mga Natutuhan Mo
-
Paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Moises kapag pakiramdam mo, hindi mo kaya ang atas na ibinigay sa iyo ni Jehova? (Ex. 4:10; 7:6, 7)
-
Nakatulong si Aaron para magkaroon ng lakas ng loob si Moises na magawa ang atas niya. Paano mo rin matutulungan ang mga kapatid sa ngayon? (Ex. 4:14-16) Larawan C
Larawan C
-
Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ni Moises?
Mahalagang Pag-isipan
-
Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?
-
Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?
-
Ano ang itatanong mo kay Moises tungkol sa ulat na ito kapag binuhay na siyang muli?
Tingnan Din
Tingnan kung paano magbibigay ng lakas ng loob sa mga bata ang ibig sabihin ng pangalan ni Jehova.
Anong mga katangian ni Jehova ang natutuhan ni Moises dahil sa mga naranasan niya?

