LAKAS-LOOB NA LUMAKAD KASAMA NG DIYOS

Enoc​—Lumakad Siyang Kasama ng Diyos

Tagalog
Enoc​—Lumakad Siyang Kasama ng Diyos
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/1102025901/univ/art/1102025901_univ_sqr_xl.jpg
wcg kab. 1

1 ENOC

Lumakad Siyang Kasama ng Diyos

Lumakad Siyang Kasama ng Diyos

ALAM ni Enoc ang pakiramdam ng mag-isa. Ibang-iba kasi siya sa mga tao noon. Sa lahat ng taong nabuhay noong panahon niya, siya lang ang inilarawan ng Bibliya na “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Paano niya nagawa iyon? At ano ang matututuhan natin kay Enoc tungkol sa lakas ng loob?

Lumakad si Enoc na kasama ng tunay na Diyos sa dalawang paraan. Una, hindi niya tinularan ang mga tao noong panahon niya na gumagawa ng masama. Nasa ikapitong henerasyon si Enoc mula kina Adan at Eva. Buháy pa noon si Adan, pero matandang-matanda na. (Tingnan ang timeline na “Mula kay Enoc Hanggang kay Samuel.”) Mula nang magrebelde sina Adan at Eva, naging masuwayin na rin sa Diyos ang halos lahat ng tao. Si Abel lang ang nananampalataya noon sa tunay na Diyos na si Jehova, pero pinatay siya ng kapatid niyang si Cain. Kasinsama rin ni Cain, o baka mas malala pa nga, ang ilan sa mga anak at apo niya. (Gen. 4:​23, 24) Mas tumindi pa ang sitwasyon noong panahon ni Enoc. Pero malakas ang loob niya. Pinili ni Enoc na mapaiba. Imbes na tularan ang mararahas na tao noon, nanatili siyang mapagpayapa kaya natuwa sa kaniya ang Diyos.

Maraming taon bago ipanganak si Enoc, “pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Gen. 4:26) Ginawa ba nila iyon dahil may pananampalataya sila? Hindi. Lumilitaw na ginamit nila ang pangalan ng Diyos sa maling paraan at para sa huwad na pagsamba. Pero hindi sila tinularan ni Enoc. Mahal at iginagalang ni Enoc ang banal na pangalan ni Jehova. Ibang-iba talaga siya sa mga tao noon.

Pinrotektahan ni Jehova si Enoc noong gusto siyang patayin ng mga tao dahil sa mensahe niya

Ang ikalawang paraan na lumakad si Enoc na kasama ng Diyos ay nang gawin niya ang ipinapagawa sa kaniya ni Jehova—inatasan siya na maging propeta. Mas kailangan niya dito ng lakas ng loob kasi sasabihin niya sa masasamang tao ang mensahe ng Diyos sa kanila. Ito ang mensaheng sinabi niya: “Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang napakaraming banal para maglapat ng hatol laban sa lahat, at para hatulang nagkasala ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng di-makadiyos na mga bagay na ginawa nila sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na bagay na sinabi ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”

Pansinin na noong sabihin ni Enoc ang mensaheng iyon, sinabi niya iyon na para bang nangyari na ang hatol ni Jehova. Ipinapakita nito na talagang magkakatotoo ang mga sinabi ni Enoc. Makikita rin doon na talagang galit na galit si Jehova sa ginagawa ng mga tao. Apat na beses inulit ni Enoc ang salitang “di-makadiyos,” at siguradong hindi iyon nagustuhan ng mga tao! Pero sinabi pa rin niya ang mensahe ni Jehova sa kanila.

Hindi eksaktong sinasabi sa Bibliya kung ano ang ginawa ng mga tao kay Enoc, pero ipinapahiwatig nito na nanganib ang buhay niya. Paano natin nalaman? Sinasabi kasi sa ulat na “wala nang nakakita sa kaniya, dahil kinuha siya ng Diyos.” Kaya malamang na pinag-usig si Enoc ng mga tao. Pero mahal ni Jehova si Enoc. Imbes na hayaan siyang masaktan o mapatay, “kinuha [Niya] siya,” ibig sabihin, hinayaan siya ni Jehova na matulog sa kamatayan. Kaya wala nang makakagawa sa kaniya ng masama. At sa hinaharap, bubuhayin siyang muli ni Jehova.

Pero may magandang nangyari bago namatay si Enoc. Sinasabi sa Bibliya na bago siya namatay, “tumanggap siya ng patotoo na lubusan niyang napalugdan ang Diyos.” Posibleng ipinakita sa kaniya ni Jehova sa panaginip ang magiging buhay niya sa Paraiso sa lupa. Kaya bago mamatay si Enoc, siguradong-sigurado siya na mahal siya ni Jehova at pagpapalain siya dahil sa matibay na pananampalataya niya at lakas ng loob.

Basahin sa Bibliya:

Talakayin:

Paano nagpakita ng lakas ng loob si Enoc?

Alamin

  1. 1. Sinasabi sa Bibliya na “pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” Ano ang ibig sabihin nito? (Gen. 4:26; w01 9/15 29 ¶3)

  2. 2. Gaano kaespesyal ang atas na natanggap ni Enoc? Paano niya iyon nagawa? (w01 9/15 31 ¶5)

  3. 3. Bakit masasabing alam na ni Enoc bago pa siya maging propeta na masusubok ang lakas ng loob niya? (w06 10/1 19 ¶13-14) Larawan A

    Larawan A

  4. 4. Paano natin mapapatunayan na hindi dinala si Enoc sa langit, gaya ng iniisip ng iba? (Juan 3:13; Heb. 11:​5, 13)

Gawin ang mga Natutuhan Mo

  • Kailan posibleng mas kailangan ng lakas ng loob para mangaral? Paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Enoc? Larawan B

    Larawan B

  • Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nagpapakita ka ng lakas ng loob para makalakad na kasama siya? (Kaw. 27:11; Heb. 11:5)

  • Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ni Enoc?

Mahalagang Pag-isipan

  • Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?

  • Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?

  • Ano ang itatanong mo kay Enoc kapag binuhay na siyang muli?

Tingnan Din

Kung mararahas ang tao sa lugar ninyo, paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Enoc?

Tularan ang May Pananampalataya, Hindi ang mga Wala Nito—Si Enoc, Hindi si Lamec (2:53)

Ano ang nakatulong kay Enoc na magkaroon ng pananampalataya?

“Lumakad na Kasama ng Diyos sa Maligalig na Panahong Ito” (w05 9/1 13-17)