LAKAS-LOOB NA LUMAKAD KASAMA NG DIYOS

Hezekias​​—Nagtiwala Siya kay Jehova

Tagalog
Hezekias​​—Nagtiwala Siya kay Jehova
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/1102025934/univ/art/1102025934_univ_sqr_xl.jpg
wcg kab. 34

34 HEZEKIAS

Nagtiwala Siya kay Jehova

Nagtiwala Siya kay Jehova

ISA si Hezekias sa iilang hari ng Juda na talagang naging tapat kay Jehova, pero isa ang ama niyang si Ahaz sa pinakamasama. Inimpluwensiyahan ni Ahaz ang bayan na sumamba sa huwad na mga diyos. Naghandog pa nga siya ng sarili niyang anak sa mga ito. (2 Hari 16:​2-4; 2 Cro. 28:​1, 3) Kaya malamang na mahirap at nakakatakot ang buhay ni Hezekias noong bata pa siya. Pero noong malaki na siya, hindi niya ginaya ang tatay niya. Noong 25 na si Hezekias, namatay ang tatay niya at siya na ang naging hari. Kaya sinimulan niyang alisin ang huwad na pagsamba sa lupain.

Binuksan ulit at kinumpuni ni Hezekias ang templo ni Jehova sa Jerusalem at inalis ang lahat ng idolo doon. Dinurog din niya ang tansong ahas na ipinagawa ni Jehova kay Moises, kasi sinasamba na ito ng bayan. Bukod diyan, muli niyang inorganisa ang mga saserdote at Levita. Pagkatapos, isinaayos niyang maipagdiwang ang Paskuwa sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga mensahero para imbitahan ang lahat ng Israelita, kasama na ang mga nasa 10-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. Pinagtawanan ng ilan ang mga mensahero, pero may mga pumunta sa Jerusalem. Pagkatapos ng pagdiriwang, giniba ng mga Israelita ang matataas na lugar na ginagamit sa huwad na pagsamba at sinira nila ang mga idolo. Ginawa nila ang lahat ng ito dahil naging magandang halimbawa si Hezekias sa kanila.

Sa loob ng maraming taon, alam ni Hezekias na may paparating na panganib. Matagal nang nagbabala si Jehova na sasalakayin at wawasakin ng mga kaaway ang kaharian ng Israel sa hilaga. At ganoon nga ang nangyari. Sa pasimula ng paghahari ni Hezekias, sinalakay ng mga Asiryano ang hilagang kaharian at marami silang ginawang bihag. Iniisip siguro ni Hezekias na Juda na ang susunod. Hindi rin naging tapat kay Jehova ang Juda. Mas malala pa nga sila kaysa sa hilagang kaharian. Ang totoo, nagbabala si Jehova na paparusahan din niya sila, at laging nagkakatotoo ang sinasabi niya. Ngayong palapit na nang palapit sa Juda ang hukbo ng Asirya, mas maraming dahilan si Hezekias para mag-alala.

Di-nagtagal, dumating na nga sa Juda ang mga hukbo ng Asirya. Sa pangunguna ni Haring Senakerib, isa-isa nilang sinakop ang mga lunsod dito. Pero may iba pang problema si Hezekias. Posibleng sa mahirap na panahong ito, nagkaroon din siya ng nakamamatay na sakit. Wala pa siyang anak, kaya mapuputol ang linya ng mga hari mula kay David kapag namatay siya. Lungkot na lungkot si Hezekias, kaya nagmakaawa siya kay Jehova na tulungan siya. Dahil mahal siya ni Jehova, pinagaling Niya siya at dinagdagan ng 15 taon ang buhay niya. Pero hindi pa tapos ang problema niya sa mga Asiryano.

Sinubukan ni Hezekias na pigilan si Senakerib na pasukin ang Jerusalem, ang banal na lunsod ni Jehova. Kaya nagpadala siya sa hari ng Asirya ng malaking halaga ng pera, at tinanggap iyon ng hari. Pero ayaw pa ring huminto ni Senakerib. Kaya para mapatibay ang lunsod, nagtayo si Hezekias ng isa pang pader. Gumawa rin siya ng isang tunnel na madadaluyan ng tubig papasók ng Jerusalem. Manggagaling ang tubig sa isang bukal sa labas ng lunsod, kaya kahit palibutan sila ng mga kaaway, may suplay pa rin sila ng tubig. Pinatibay rin niya ang tiwala ng bayan kay Jehova at paulit-ulit na ipinaalala sa kanila na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa kahit anong hukbo ng tao.

Pinatibay ni Hezekias ang mga taga-Jerusalem noong insultuhin at takutin sila ng isang malakas na kaaway

Pero lalo lang nagalit si Senakerib. Sumubok siya ng iba pang paraan para takutin si Haring Hezekias at ang mga Israelita. Ipinadala niya sa Jerusalem ang Rabsases, na isang mataas na opisyal, para pahinain ang loob ng bayan. Ininsulto ng lalaking ito ang hari at si Jehova. Pero hindi nawala ang tiwala ni Hezekias kay Jehova at patuloy niyang pinalakas ang loob ng mga taga-Jerusalem. Pagkatapos nito, nagpadala si Senakerib ng mga liham kay Hezekias para takutin ito. Dinala ni Hezekias sa templo ang mga liham at inilatag ang mga iyon sa harap ni Jehova. Kaya para bang ipinagkakatiwala na niya ang problema kay Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hezekias. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, pinatibay Niya ang hari at sinabi ang mensaheng ito: Hindi makakapasok si Senakerib sa Jerusalem. Kahit pa nga panain ang lunsod, hindi magagawa ng mga mandirigma nito.

Nang mismong gabing iyon, nagpadala si Jehova ng isang anghel sa kampo ng mga Asiryano. Sa isang iglap lang, pinatay nito ang 185,000 mandirigma ni Senakerib. Isipin na lang ang reaksiyon ni Senakerib paggising niya at makita niya ang mga patay na sundalo niya. Sa sobrang kahihiyan, bumalik na siya ng Asirya. Pagkalipas ng ilang panahon, pinatay siya ng sarili niyang mga anak habang nasa loob siya ng templo ng diyos niyang si Nisroc.

Talagang iniligtas ni Jehova si Hezekias at ang bayan sa kahanga-hangang paraan! Ngayon, wala na ang mga Asiryano; magaling na rin si Hezekias sa sakit niya; at di-nagtagal, nagkaroon siya ng anak na lalaki. Nakakalungkot, may pagkakataon na naging mayabang siya. Pero itinuwid siya ni Jehova at mapagpakumbaba niyang tinanggap iyon. Kaya talagang isa si Hezekias sa mahuhusay na haring namahala sa bayan ng Diyos! Nagpakita siya ng lakas ng loob sa mahihirap na panahon, at naging tapat siya kay Jehova hanggang sa huli.

Basahin sa Bibliya:

Talakayin:

Paano nagpakita ng lakas ng loob si Hezekias?

Alamin

  1. 1. Ano ang nakita ng mga arkeologo na sumusuporta sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Hezekias? (w11 5/1 15 ¶1-3) Larawan A

    Zev Radovan/Alamy Stock Photo

    Larawan A: Tatak na luwad, o clay seal, na mula noong ikawalong siglo B.C.E. Mababasa dito: “Kay Hezekias [anak ni] Ahaz, Hari ng Juda”

  2. 2. Paano natupad kay Hezekias ang hula ni Isaias tungkol sa “isang lumilipad at malaapoy na ahas”? (Isa. 14:​28, 29; ip-1 190-191 ¶4-6)

  3. 3. May nahukay sa Nineve na isang luwad kung saan makikita ang mga sinabi ni Senakerib na ginawa niya. Ano ang pinapatunayan ng mga sinabi at hindi niya sinabi tungkol sa pagiging mapagkakatiwalaan ng Bibliya? (g 12/10 27 ¶3-5) Larawan B

    © The Trustees of the British Museum. Licensed under CC BY-NC-SA 4.0. Source

    Larawan B: Ang Taylor Prism, kung saan mababasa ang mga ginawa ni Senakerib

  4. 4. Noong 2003, inalam ng isang grupo ng mga scientist kung talaga ngang itinayo noong panahon ni Hezekias ang tunnel na nakilala bilang Hezekiah’s Tunnel, o Paagusan ni Hezekias. Ano ang naging konklusyon nila? (w09 5/1 27 ¶3-5)

Gawin ang mga Natutuhan Mo

  • Kung may magulang na di-Saksi ang isang Kristiyano, paano siya mapapatibay ng halimbawa ni Hezekias? Larawan C

    Larawan C

  • Noong may magbanta sa Jerusalem, ano ang mas inalala ni Hezekias? (2 Hari 19:​15-19) Sa anong mga sitwasyon natin siya matutularan ngayon?

  • Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ni Hezekias?

Mahalagang Pag-isipan

  • Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?

  • Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?

  • Ano ang itatanong mo kay Hezekias kapag binuhay na siyang muli?

Tingnan Din

Sa video na ito, tingnan ang mga nangyari sa 2 Hari 19:​14-36.

“Iligtas Mo Kami, Pakisuyo” (5:38)

Paano natupad noong panahon ni Hezekias ang hula sa Mikas 5:​5, at paano ito natutupad ngayon?

“Pitong Pastol, Walong Duke—Sino ang Inilalarawan Nila Ngayon?” (w13 11/15 18-20 ¶9-18)