LAKAS-LOOB NA LUMAKAD KASAMA NG DIYOS

David​​—Nilabanan Niya ang Isang Higante

Tagalog
David​​—Nilabanan Niya ang Isang Higante
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/1102025923/univ/art/1102025923_univ_sqr_xl.jpg
wcg kab. 23

23 DAVID

Nilabanan Niya ang Isang Higante

Nilabanan Niya ang Isang Higante

NASA Lambak ng Elah si David, at nandoon din ang lalaking si Goliat. Napakalakas at napakalaki ng lalaking ito. Mga 2.9 metro (9.5 ft) ang taas niya, kaya malayo pa lang, kitang-kita na siya ni David. Malamang na nagmukhang napakaliit ng tagapagdala ng kalasag ni Goliat, na nakatayo sa tabi niya. Posibleng takot na takot ang mga tao kapag nakikita nila siya. Pero iba si David. Hindi siya natatakot sa higanteng ito, kasi may nagbibigay sa kaniya ng lakas ng loob.

Ilang panahon bago nito, inutusan ni Jehova ang propetang si Samuel na pahiran ng langis ang kabataang si David. Sinabi ni Samuel na si David ang magiging susunod na hari sa Israel. Mula noon, marami nang ginawang kahanga-hangang bagay ang kabataang ito dahil ginagabayan siya ng espiritu ni Jehova. At dahil doon, nakilala na siya bilang “isang matapang at malakas na mandirigma” kahit isa lang siyang batang pastol. Isang araw, inutusan si David ng tatay niyang si Jesse na pumunta sa lugar ng labanan. Titingnan niya ang sitwasyon ng mga kapatid niya, na mga sundalo sa hukbo ng Israel. Noong mga panahong iyon, posibleng wala pang 20 si David.

Pagdating ni David sa Lambak ng Elah, nakita niya ang hukbo ng mga Israelita. Nasa kabilang panig naman ng lambak ang hukbo ng mga Filisteo. Hindi nilalabanan ng mga Israelita ang mga Filisteo dahil natatakot sila kay Goliat, na paulit-ulit na humahamon sa kanila. Kaya naghihintayan lang ang dalawang hukbong ito, at ilang linggo nang ganito ang sitwasyon. Noong nandoon si David, lumabas ulit si Goliat at hinamon ang mga Israelita. Galit na galit si David! Para kasing ang Diyos na Jehova ang iniinsulto ng lalaking ito, na sumasamba sa walang-kuwentang mga diyos. Para palakasin ang loob ng mga mandirigma na labanan si Goliat, tinanong sila ni David: “Ano ang gagawin para sa lalaking makapagpapabagsak sa Filisteong iyon at makapag-aalis ng kahihiyan sa Israel? Sino ba ang di-tuling Filisteong ito para insultuhin ang hukbo ng Diyos na buháy?” Pero pinagalitan siya ng kuya niyang si Eliab. Iniisip kasi nito na nandoon lang siya para panoorin ang labanan. Pero hindi tumigil si David. Patuloy lang niyang pinalakas ang loob ng mga mandirigma.

Nakarating kay Haring Saul ang mga sinabi ni David, kaya ipinatawag niya ito. Sinubukan ni David na palakasin ang loob ng hari. Sinabi niya: “Wala pong dapat masiraan ng loob dahil [kay Goliat].” Pagkatapos, sinabi niya na siya na ang “lalaban sa Filisteong iyon.” Noong una, ayaw pumayag ni Saul kasi sigurado siyang mapapatay si David. Pero sinabi ni David na tinulungan na siya ni Jehova noon—napatay niya ang isang leon at isang oso na umatake sa mga kawan ng tatay niya. Kaya sigurado siyang tutulungan din siya ni Jehova ngayon. Dahil dito, pumayag na si Saul, at ipinasuot niya kay David ang kasuotang ginagamit niya sa pakikipagdigma. Ipinagamit din niya ang espada niya. Pero hindi sanay si David sa mga iyon. Kaya ang sarili na lang niyang panghilagpos at baston na pampastol ang dinala niya.

Habang naglalakad si David sa lambak papunta kay Goliat, huminto siya sa isang batis at kumuha ng limang makikinis na bato. Pagkatapos, nagsimula na siyang lumapit sa higante. Nang makita ni Goliat ang kabataang si David, hinamak niya ito at pinagtawanan kasi “patpat” lang daw ang panlaban nito sa kaniya. Posibleng ang baston na pampastol ni David ang tinutukoy ni Goliat. Pero baka hindi niya napansin ang dala nitong panghilagpos—isang sandata na puwedeng makapatay sa kaniya. Isinumpa ng higanteng ito si David “sa ngalan ng kaniyang mga diyos.” Sinabi rin niya na ipapakain niya ang bangkay nito sa mga ibon at mababangis na hayop.

Hinarap ng kabataang si David ang isang higante para ipagtanggol ang pangalan ni Jehova

Sumagot si David: “Lalabanan mo ako gamit ang isang espada at isang sibat at isang diyabelin, pero lalabanan kita sa ngalan ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng hukbo ng Israel, na ininsulto mo.” Iyan ang dahilan kung bakit napakalakas ng loob ni David. Hindi niya ikinumpara ang sarili niya kay Goliat. Ikinumpara niya si Goliat sa Diyos na Jehova! Kaya sigurado siya na mapapabagsak niya ang higante at na matatalo sa labanan ang mga Filisteo.

Nagsimulang tumakbo si David palapit kay Goliat. Kumuha siya ng bato sa bag niya, inilagay iyon sa panghilagpos, at pinaikot. Kung napansin na ngayon ni Goliat ang panghilagpos, huli na ang lahat. Itinira ni David ang bato at mabilis na tumama iyon sa noo ni Goliat at bumaon. “Bumagsak [ang higante] nang pasubsob sa lupa.” Pagkatapos, tumakbo si David palapit kay Goliat, kinuha ang espada nito, at pinugutan ito ng ulo. Ngayon, malakas na ang loob ng mga mandirigmang Israelita, kaya sumigaw sila at sinugod ang mga Filisteo. Nanalo sa labanan ang bayan ng Diyos. Natulungan sila ni David na magkaroon ng lakas ng loob, at hanggang sa ngayon, ganiyan pa rin ang epekto sa atin ng magandang halimbawa niya.

Basahin sa Bibliya:

Talakayin:

Paano nagpakita ng lakas ng loob ang kabataang si David?

Alamin

  1. 1. Sino ang ilan sa mga ninuno ni David na nagpakita rin ng lakas ng loob? (Mat. 1:​5, 6; Luc. 3:​31-38; w12 10/1 24 ¶2)

  2. 2. Ano ang mga patunay na talagang nangyari ang ulat na ito? (wp16.5 13) Larawan A

    Collection the Israel Antiquities Authority. Photo © The Israel Museum, by Meidad Suchowolski

    Larawan A: Isang piraso ng bato na mula pa noong ikasiyam na siglo B.C.E. Nakaukit dito ang mga salitang “Sambahayan ni David”

  3. 3. Ilarawan ang buhay ng kabataang si David bilang pastol. (w11 9/1 27 ¶1–28 ¶1) Larawan B

    Todd Bolen/BiblePlaces.com

    Larawan B

  4. 4. Paano natin nalaman na mababa ang tingin ng ilan kay David? (w21.03 3 ¶6; it “Eliab” Blg. 4 ¶1)

Gawin ang mga Natutuhan Mo

  • Paano makakatulong sa iyo ang halimbawa ni David kapag . . .

    • natatakot ka? Larawan C

      Larawan C

    • natutukso kang gumawa ng mali?

  • Kapag nagpakita ka ng lakas ng loob, paano iyon puwedeng makatulong sa iba? (1 Sam. 17:​50-53)

  • Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ni David?

Mahalagang Pag-isipan

  • Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?

  • Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?

  • Ano ang itatanong mo kay David tungkol sa ulat na ito kapag binuhay na siyang muli?

Tingnan Din

Sa kantang ito na pambata, alamin kung bakit malakas ang loob ni David.

David—Halimbawa Para sa mga Bata (2:35)

Gaya ni David, ano ang puwedeng gawin ng mga brother para irespeto sila ng iba?

“Mga Kabataang Brother—Paano Ninyo Makukuha ang Tiwala ng Iba?” (w21.03 2-5 ¶1-11)