ARALIN 13
Ano ang Isang Payunir?
Ang terminong “payunir” ay karaniwan nang tumutukoy sa isa na tumutuklas ng bagong teritoryo at nagbubukas ng daan para sa iba. Masasabi nating isang payunir si Jesus, dahil isinugo siya rito sa lupa para simulan ang isang nagliligtas-buhay na ministeryo, at buksan ang daan papunta sa kaligtasan. (Mateo 20:28) Gaya ni Jesus, ibinubuhos din ng kaniyang mga tagasunod sa ngayon ang kanilang oras para “gumawa ng mga alagad.” (Mateo 28:19, 20) Ang iba ay nagpasiyang maglingkod bilang payunir.
Ang payunir ay isang buong-panahong mángangarál. Ang lahat ng Saksi ni Jehova ay mamamahayag ng mabuting balita. Pero isinaayos ng ilang Saksi na maglingkod bilang regular pioneer. Gumugugol sila ng 70 oras buwan-buwan sa pangangaral. Para magawa ito, marami sa kanila ang nagtrabaho na lang nang part-time. Ang iba naman ay pinili bilang special pioneer. Ipinadadala sila sa mga lugar na may malaking pangangailangan para sa mga mángangarál ng Kaharian, at gumugugol sila ng 130 oras o higit pa buwan-buwan sa pangangaral. Simple ang pamumuhay ng mga payunir at nagtitiwala silang ilalaan ni Jehova ang kanilang pangunahing pangangailangan. (Mateo 6:31-33; 1 Timoteo 6:6-8) Ang mga hindi makapagpayunir nang buong panahon ay puwede namang maglingkod bilang auxiliary pioneer kung makapangangaral sila nang 30 o 50 oras sa isang buwan.
Ang isang payunir ay naglilingkod dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Gaya ni Jesus, nakikita rin namin sa ngayon ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao sa espirituwal. (Marcos 6:34) Pero may natutuhan kami na makatutulong sa kanila sa ngayon at makapagbibigay ng pag-asa sa hinaharap. Ang pag-ibig sa kapuwa ang nag-uudyok sa isang payunir na isakripisyo ang kaniyang lakas at panahon para maibahagi sa iba ang mabuting balita. (Mateo 22:39; 1 Tesalonica 2:8) Sa paggawa nito, tumitibay ang kaniyang pananampalataya, napapalapít siya sa Diyos, at lalo siyang lumiligaya.—Gawa 20:35.
-
Paano mo ilalarawan ang isang payunir?
-
Bakit nagpapayunir nang buong panahon ang ilan?