Paghihimagsik sa Dako ng mga Espiritu
Lahat ng espiritung persona na nilikha ni Jehova ay mabubuti. Pagkatapos isang anghel ang naging masama. Siya ay si Satanas na Diyablo. Nais ni Satanas na ang mga tao sa lupa ay sumamba sa kaniya sa halip na kay Jehova. Ganito ang nangyari:
Sa hardin ng Eden, ay maraming puno na namumunga ng masasarap na bunga. Sinabi ni Jehova kay Adan at sa kaniyang asawa, si Eva, na malaya silang makakakain mula sa mga yaon. Ngunit sinabi ng Diyos na may isang puno na hindi sila maaaring kumain mula roon. Sinabi niya na kung kakain sila mula roon, sila ay tiyak na mamamatay.—Genesis 2:9, 16, 17.
Isang araw nang si Eva ay nag-iisa, may isang ahas na kumausap sa kaniya. Siyempre pa, hindi talaga ang ahas ang nagsalita; si Satanas na Diyablo ang nagpangyari na wari’y ang ahas ang nagsasalita. Sinabi ni Satanas kay Eva na kung kakain siya mula sa ipinagbabawal na bunga, siya ay magiging matalino na gaya ng Diyos. Kaniya ring sinabi na siya ay hindi mamamatay. Ang mga pangungusap na ito ay parehong kasinungalingan. Gayumpaman, naniwala si Eva kay Satanas at kinain niya ang bunga. Pagkatapos, binigyan niya si Adan, at kumain din siya.—Genesis 3:1-6.
Mula sa tunay na kuwentong ito, natutuhan natin na si Satanas ay isang rebelde at isang sinungaling. Sinabi niya kay Eva na kung susuwayin niya ang Diyos, siya ay hindi mamamatay. Iyon ay kasinungalingan. Siya ay namatay at gayon din si Adan. Hindi namatay si Satanas noon, bagaman hahantong din siya roon dahil siya ay nagkasala. Ngunit pansamantala, siya ay buháy at patuloy na inililigaw ang sangkatauhan. Sinungaling pa rin siya, at sinisikap niyang ipalabag sa mga tao Juan 8:44.
ang mga batas ng Diyos.—Naghimagsik ang Ibang mga Anghel
Nang malaunan, naging masama ang ibang mga anghel. Napansin ng mga anghel na ito ang magagandang babae sa lupa at hinangad nilang magkaroon ng seksuwal na relasyon sa kanila. Kaya bumaba sila sa lupa at nagkatawang-tao bilang mga lalaki. Pagkatapos ay kumuha sila ng mga babae para sa kanilang sarili. Ito ay labag sa layunin ng Diyos.—Genesis 6:1, 2; Judas 6.
Lumikha rin ito ng labis na kaguluhan sa sangkatauhan. Ang mga asawa ng mga anghel na ito ay nagkaanak, ngunit hindi sila normal. Nagsilaki silang mga higanteng mararahas at malulupit. Nang malaunan ang lupa ay napunô ng karahasan anupa’t naipasiya ni Jehova na wasakin ang mga balakyot na tao sa pamamagitan ng malaking baha. Ang mga taong nakaligtas lamang sa Baha ay ang matuwid na si Noe at ang kaniyang pamilya.—Genesis 6:4, 11; 7:23.
Ang mga balakyot na anghel, gayumpaman, ay bumalik sa dako ng mga espiritu; hindi sila namatay. Ngunit pinarusahan sila. Hindi sila pinahintulutang bumalik sa pamilya ng Diyos ng matutuwid na anghel. Higit pa riyan, hindi na sila pinahintulutan ni Jehova na magkatawang-tao. At sa bandang huli sila ay mamamatay sa dakilang paghuhukom.—2 Pedro 2:4; Judas 6.
Pinalayas si Satanas Mula sa Langit
Sa maagang bahagi ng ating siglo, nagkaroon ng digmaan sa langit. Ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay naglalarawan kung ano ang nangyari: “At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: Si Miguel [ang binuhay-muling si Jesu-Kristo] at ang kaniyang [mabubuting] anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas], at ang dragon at ang kaniyang [masasamang] anghel ay nakipagbaka at hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit. At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanlibutan; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang [masasamang] anghel ay inihagis na kasama niya.”
Ano ang naging resulta? Ang ulat ay nagpapatuloy: “Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan!” Maaari nang magalak ang mabubuting anghel dahil si Satanas at ang masasamang anghel, o mga espiritu, ay wala na sa langit. Ngunit papaano naman ang mga tao sa lupa? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:7-9, 12.
Oo, inililigaw at dinudulutan ni Satanas at ng kaniyang balakyot na mga kampon ng malaking kaabahan ang mga tao sa lupa. Ang balakyot na mga anghel na ito ay tinatawag na demonyo. Sila ay mga kaaway ng Diyos. Lahat sila ay balakyot.