Ang mga Demonyo ay Mamamatay-Tao!
Si Satanas at ang mga demonyo ay malulupit at labis na mapanganib sa lahat nang panahon. Noong unang panahon ay pinatay ni Satanas ang mga kawan at mga katulong ng tapat na si Job. Pagkatapos ay pinatay niya ang sampung anak ni Job sa pamamagitan ng “isang malakas na hangin” upang wasakin ang bahay na kinaroroonan nila. Pagkaraan niyaon ay pinadapuan ni Satanas si Job ng “mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo.”—Job 1:7-19; 2:7.
Noong kapanahunan ni Jesus, may mga taong ginawang pipi at bulag ng mga demonyo. (Mateo 9:32, 33; 12:22) Pinahirapan nila ang isang lalaki at pinagsusugatan ang kaniyang sarili ng mga bato. (Marcos 5:5) Ang isang bata ay kanila ring pinahiyaw, ibinuwal siya sa lupa, at “pinangatal na mainam.”—Lucas 9:42.
Ngayon, higit kailanman si Satanas at ang mga demonyo ay mamamatay-tao. Sa katunayan, ang kanilang
masasamang gawain ay lalong tumindi buhat nang sila ay ihagis mula sa langit. Ang mga ulat sa buong daigdig ang nagpapatunay sa kanilang kalupitan. Sinasalot nila ang ilang tao ng sakit. Ang iba ay ginugulo nila sa gabi, pinagkakaitan sila ng tulog at binibigyan sila ng nakatatakot na mga panaginip. Ang iba ay inaabuso nila sa seksuwal na paraan. Ang iba naman ay tinutulak nila tungo sa pagkabaliw, pagpatay, o pagpapakamatay.Si Lintina, na nakatira sa Suriname, ay nagsasaysay na isang demonyo, o masamang espiritu, ang pumatay sa 16 na miyembro ng kaniyang pamilya at pinahirapan siya sa pisikal at mental na paraan sa loob ng 18 taon. Mula sa sarili niyang karanasan ay binanggit niya na ang mga demonyo ay “natutuwang pahirapan ang kanilang walang laban na mga biktima hanggang kamatayan.”
Ngunit kayang ipagsanggalang ni Jehova ang kaniyang mga lingkod mula sa mga pagsalakay ni Satanas.—Kawikaan 18:10.