Isang Kagila-gilalas na Kinabukasan
Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi na magtatagal sa pandaraya sa sangkatauhan. Inihagis na sila ni Jehova mula sa langit. (Apocalipsis 12:9) Sa malapit na hinaharap, kikilos muli si Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Sa isang pangitain mula sa Diyos, sinabi ni apostol Juan: “At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na hawak ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya nang isang libong taon. At siya’y inihagis niya sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hanggang sa matapos ang sanlibong taon.” (Apocalipsis 20:1-3) Pagkatapos, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay pupuksain nang walang-hanggan.—Apocalipsis 20:10.
Ang masasamang tao sa lupa ay lilipulin din.—Awit 37:9, 10; Lucas 13:5.
Mabubuhay Muli ang mga Patay!
Matapos na si Satanas at ang mga demonyo ay mapaalis, si Jehova ay magdudulot ng maraming pagpapala sa sangkatauhan. Maaalaala mo na ang patay ay walang buhay, hindi umiiral. Inihambing ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog—isang mahimbing na tulog na walang mga panaginip. (Juan 11:11-14) Ginawa niya iyon dahil alam niya na darating ang panahon na yaong mga natutulog sa kamatayan ay gigisingin sa pagkabuhay. Kaniyang sinabi: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . magsisilabas.”—Juan 5:28, 29; ihambing ang Gawa 24:15.
Sila ay ipanunumbalik sa buhay dito sa lupa. Sa halip na mga patalastas na ang mga tao’y namatay, nakatutuwang mga balita ang babanggit ng mga ipinanumbalik sa buhay! Anong ligaya na tanggapin ang mga mahal sa buhay mula sa libingan!