Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pulong sa tabing-dagat malapit sa Sokhumi, 1989

GEORGIA | 1924-1990

1924-1990 Mga Unang Naghahanap ng Katotohanan

1924-1990 Mga Unang Naghahanap ng Katotohanan

SING-AGA ng dekada ng 1920, sinikap ng mga Estudyante ng Bibliya na maabot ang taimtim na mga naghahanap ng katotohanan sa Georgia. Noong 1924, isang opisina ang binuksan sa Beirut, Lebanon, para pangasiwaan ang pangangaral sa lugar na ito kasama ang Armenia, Georgia, Syria, at Turkey.

Bagaman maaaring naihasik ang ilang binhi ng katotohanan sa Georgia noong panahong iyon, hindi agad napansin ang resulta nito noong una. (Mat. 13:33) Pero sa paglipas ng panahon, lumaganap ang mensahe ng Kaharian na bumago sa buhay ng maraming tao sa Georgia.

Hangad Niya ang Katarungan

Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, si Vaso Kveniashvili ay isang tin-edyer. Yamang bahagi noon ng Unyong Sobyet ang Georgia, ang tatay niya ay tinawag para maglingkod sa Soviet army. Patay na noon ang nanay ni Vaso. Bilang panganay, nagnanakaw si Vaso para suportahan ang kaniyang sarili at ang mga kapatid niya.

Sumama si Vaso sa isang gang at nang maglaon ay nasangkot sa organisadong krimen. Sinabi niya, “Pakiramdam ko mas makatarungan pa ang daigdig ng mga kriminal kaysa sa gobyerno o lipunan.” Pero natanto ni Vaso na may hinahanap siyang hindi maibibigay ng lipunan ng tao. Naalaala niya, “Hangad ko ang katarungan.”

Si Vaso Kveniashvili noong 1964, pagkalaya niya sa bilangguan

Kalaunan, naaresto si Vaso dahil sa mga krimeng ginawa niya at ipinatapon sa isang labor camp sa Siberia. Nakilala niya roon ang isang Saksi ni Jehova na nakulong dahil sa kaniyang pananampalataya. “Sa wakas, nasumpungan ko na ang hinahanap ko,” ang sabi ni Vaso. “Wala kaming anumang literatura, pero sinikap kong matuto nang husto mula sa itinuturo sa akin ng brother.”

Paglaya ni Vaso noong 1964, nagbalik siya sa Georgia at hinanap ang mga Saksi ni Jehova. Samantala, nakipagsulatan siya sa dati niyang kasama sa bilangguan. Nakalulungkot, namatay ang tapat niyang kaibigan, at wala na muling kontak si Vaso sa mga lingkod ng Diyos. Halos dalawang dekada ang lumipas bago niya muling nasumpungan ang mga Saksi. Alamin natin iyan mamaya.

Mga Paghihirap na Naging Pagpapala

Pulong sa kagubatan

Para kay Valentina Miminoshvili, isang kabataang taga-Georgia, naging pagpapala ang pagkakakulong niya sa isang kampong piitan ng mga Nazi. Doon niya unang nakilala ang mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga siya sa kanilang di-natitinag na pananampalataya. Lubha siyang naantig ng mga natutuhan niya mula sa Bibliya.

Pag-uwi niya pagkatapos ng digmaan, ibinahagi ni Valentina sa iba ang kaniyang bagong pananampalataya. Pero napansin agad ng lokal na mga awtoridad ang kaniyang gawain kaya hinatulan siyang mabilanggo nang 10 taon sa isang labor camp sa Russia. Doon niya muling nakita ang mga Saksi ni Jehova, at nang maglaon ay nabautismuhan siya.

Paglaya niya sa kampo noong 1967, lumipat si Valentina sa kanlurang Georgia, kung saan maingat niyang ipinagpatuloy ang pangangaral. Wala siyang kamalay-malay na siya ang magiging sagot sa isang taos-pusong panalangin.

Sinagot ni Jehova ang mga Panalangin Niya

Noong 1962, lumipat sa Georgia si Sister Antonina Gudadze mula sa Siberia nang umuwi sa sariling bayan ang kaniyang di-Saksing asawa. Nalaman ni Antonina ang katotohanan sa Siberia mula sa mga Saksing ipinatapon doon. Nakatira siya ngayon sa Khashuri, isang lunsod sa silangang Georgia, at napawalay siya sa mga kapananampalataya niya.

Ang pamilyang Gudadze noong dekada ’60

Naalaala ni Antonina kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya: “Isang araw, tumanggap ako ng isang kahon mula kay Inay sa Siberia, at nakatago sa loob nito ang ilang literatura sa Bibliya. Sa ganitong paraan ako tumanggap ng espirituwal na pagkain sa sumunod na anim na taon. Pinasasalamatan ko si Jehova sa kaniyang espirituwal na patnubay, pampatibay-loob, at pangangalaga.”

Gayunman, nag-iisa si Antonina. Sinabi niya: “Patuloy kong hiniling kay Jehova na muli kong makasama ang mga kapatid. Isang araw, dalawang babae ang pumasok sa tindahan kung saan ako nagtatrabaho bilang tindera. Tinanong nila ako, ‘Ikaw ba si Antonina?’ Nalaman ko mula sa maaamo nilang mukha na sila ay aking espirituwal na mga kapatid. Nagyakapan kami at nag-iyakan.”

Isa sa kanila si Valentina Miminoshvili. Tuwang-tuwa si Antonina na malamang may mga pagpupulong na ginaganap sa kanlurang Georgia! Nagbibiyahe siya nang mahigit 300 kilometro minsan sa isang buwan para daluhan ang mga pulong.

Nag-ugat ang Katotohanan sa Kanlurang Georgia

Noong dekada ’60, ang ilang Saksi na pinag-usig ng mga awtoridad sa ibang bahagi ng Unyong Sobyet ay lumipat sa mga lugar na mas kaayaaya ang kalagayan. Isa sa kanila si Vladimir Gladyuk, isang masigasig na brother. Noong 1969, lumipat siya mula sa Ukraine tungo sa lunsod ng Zugdidi, sa kanlurang Georgia.

Sina Lyuba at Vladimir Gladyuk

Noong una, ang mga lumipat sa Georgia ay nagpupulong sa wikang Ruso. Pero dahil parami nang paraming Georgiano ang regular na dumadalo sa mga pulong, isinaayos nila na ang mga pulong ay gawin sa wikang Georgiano. Lubhang matagumpay ang paggawa ng alagad anupat noong Agosto 1970, 12 tagaroon ang nabautismuhan.

Noong tagsibol ng 1972, si Vladimir at ang pamilya niya ay lumipat pakanluran, sa lunsod ng Sokhumi sa baybayin ng Black Sea. Sinabi ni Vladimir: “Mayaman kami sa espirituwal at nagpapasalamat kami kay Jehova dahil sa mga pagpapala niya. Napakabilis sumulong ng kongregasyon doon.” Noong tagsibol na iyon, 45 ang dumalo sa kauna-unahang Memoryal na idinaos sa Sokhumi.

“Nakinig Ako Nang Buong Puso at Kaluluwa”

Si Babutsa Jejelava, mga edad 90 na ngayon, ang isa sa mga unang tumanggap ng katotohanan sa Sokhumi maaga noong 1973. Naalaala niya: “Isang araw, napansin ko ang apat na babaeng masiglang nag-uusap. Madre ang dalawa sa kanila, at ang dalawa naman ay mga Saksi ni Jehova.” Asawa ni Vladimir Gladyuk ang isang sister, si Lyuba, at ang isa naman ay si Itta Sudarenko, isang napakasigasig na payunir mula sa Ukraine.

Si Babutsa Jejelava noong 1979 at 2016

Naalaala ni Babutsa ang nadama niya nang marinig niya ang usapan, “Nakinig ako nang buong puso at kaluluwa.” Nang marinig niya na ang Diyos ay may personal na pangalan, sumali na siya sa usapan at nagtanong kung nasa Bibliya ba ito. Napakarami niyang tanong anupat tumagal nang tatlong oras ang usapan.

Natakot si Babutsa na baka hindi na niya makitang muli ang mga Saksi, kaya nagtanong siya, “Aalis ba kayo at basta iiwan ako rito?”

Sumagot ang mga sister: “Hindi, hindi ka namin iiwan. Babalik kami sa Sabado.”

Noong Sabado, laking tuwa ni Babutsa nang dumating ang dalawang sister! Nagsimula agad ang pag-aaral sa Bibliya. Sa pagtatapos ng pag-aaral, gusto muling matiyak ni Babutsa na hindi siya mapapawalay sa bayan ng Diyos. Sinabi niya sa sarili: ‘Nasumpungan ko sila. Hindi ako dapat mapawalay sa kanila.’

May naisip si Babutsa. Sinabi niya: “Alam kong may asawa si Lyuba, kaya tinanong ko si Itta kung may asawa rin siya. Sinabi ni Itta na wala. ‘Lumipat ka na sa apartment ko!’ ang sabi ko. ‘May dalawang kama, at isang lampara sa pagitan nito. Puwede nating ilagay ang Bibliya sa ilalim nito at mag-usap tungkol sa Bibliya kahit sa gabi!’” Pumayag si Itta at lumipat siya sa apartment ni Babutsa.

Naalaala ni Babutsa: “Kung minsan, hindi ako natutulog sa gabi dahil binubulay-bulay ko ang natutuhan ko. Bigla na lang may maiisip akong tanong. Gigisingin ko si Itta, at sasabihin: ‘Itta, kunin mo ang Bibliya mo. May tanong ako!’ Pupungas-pungas, sasabihin ni Itta, ‘O sige.’ Saka niya bubuksan ang Bibliya at ipakikita sa akin ang sagot.” Tatlong araw lang pagkalipat ni Itta, nangangaral na si Babutsa ng mabuting balita!

May matalik na kaibigan si Babutsa, si Natela Chargeishvili. Naalaala ni Babutsa: “Akala ko, hindi niya tatanggapin ang katotohanan kasi mayaman siya, pero nagkamali ako. Mula sa aming unang pag-uusap, ang katotohanan ay nagsimulang mag-alab sa kaniyang puso.” Di-nagtagal, masigasig na nilang ibinabahagi sa mga kaibigan, katrabaho, at kapitbahay ang kanilang pag-asa.