Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

HUNYO 1, 2016
UNITED STATES

Ibinebenta ng mga Saksi ni Jehova ang The Towers, Mahalagang Property sa Brooklyn

Ibinebenta ng mga Saksi ni Jehova ang The Towers, Mahalagang Property sa Brooklyn

Ang eleganteng Towers Hotel sa pasimula.

NEW YORK—Noong Mayo 24, 2016, opisyal na inianunsiyong ibinebenta ng mga Saksi ni Jehova ang The Towers, isang 16-na-palapag na residential property na nasa 21 Clark Street sa Brooklyn Heights Historic District. Ang 29,150-metro-kuwadradong (313,768 square foot) dating hotel, na kilalá dahil sa apat na Venetian tower na may mga kolonada sa taluktok nito, ay isang maringal na tanawin sa Brooklyn sa loob ng siyam na dekada.

Ang The Towers ay ang dating Leverich Towers Hotel, na nagkaroon ng magarbong opening noong 1928. Ang hotel ay dinisenyo ng bantog na mga arkitektong sina Starrett & Van Vleck, na nagdisenyo rin ng mga flagship store ng Lord & Taylor at Saks Fifth Avenue sa New York City. Pagkaraan ng ilang taon, iba na ang may-ari nito at ipinakilala naman bilang ang Towers Hotel. Ito ay may istilong-Romanesque na mga dekorasyon, ballroom na may mga chandelier, at rooftop terrace kung saan kitang-kita ang Lower Manhattan, New York Harbor, at Brooklyn Bridge; kaya naman ipinagmamalaki ito noon bilang “The Aristocrat of Brooklyn Hotels.”

Ang grand staircase ng The Towers ay may dalawang malalapad na gabay na gawa sa mahogany, tatlong arko na may mga kolonada, at miyural ng magandang tanawin.

Sa kabila ng magarbong pasimula, nag-umpisa na itong masira noong dekada ’70. Binili ng mga Saksi ang gusali noong Enero 14, 1975. Noong 1978, ni-remodel nila ito para magamit na tirahan at dining room ng mahigit 1,000 Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan. Ganito ang paliwanag ni Richard Devine, isang tagapagsalita ng mga Saksi: “Mabilis ang paglaki ng printing operation namin. Tamang-tama ang The Towers para maging tirahan ng dumarami naming tauhan.”

Kapag tumingin sa hilaga mula sa rooftop terrace ng The Towers, makikita ang office complex ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi, ang mga tulay ng Brooklyn at Manhattan, at ang Empire State Building sa malayo.

Noong 1995, inumpisahan ng mga Saksi ang mas malaking renovation, at dito muling tumingkad ang dating ganda ng hotel. Ipinaliwanag ni Mr. Devine kung ano ang kasama sa renovation: “Noong dekada ’90, binago namin nang husto ang loob ng gusali at pinalitan ang plumbing at electrical system. Pero inayos din namin ang magandang grand staircase na pababa mula sa main lobby patungo sa dining room.”

Sinabi ni David A. Semonian, isang tagapagsalita sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi: “Kapag naglalakad ka sa daan sa Brooklyn Heights at nakarating ka sa tabi ng The Towers, tiyak na mapapansin mong napakaelegante ng gusaling ito. Pero sa kabila ng kagandahan na talagang pinagsikapan naming maingatan, ang The Towers ay nagsilbing komportableng tahanan ng mga miyembro ng aming punong-tanggapan sa loob ng maraming dekada.”

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000