Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

NOBYEMBRE 1, 2016
UNITED STATES

Mga Saksi Ni-repair ang 60-Taóng Dam sa Warwick

Mga Saksi Ni-repair ang 60-Taóng Dam sa Warwick

NEW YORK—Natapos ng mga Saksi ni Jehova ang pagtatayo ng kanilang bagong pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, noong Agosto 2016. Bilang bahagi ng plano sa konstruksiyon, natapos din ng mga Saksi ang rehabilitasyon ng Blue Lake Dam sa tulong ng SUEZ Water New York Inc.

Pagkabili nila sa property noong 2009, ang mga Saksi ay nagsimulang gumawa ng mga plano para ayusin ang sirang-sira na Blue Lake Dam. Ang dam (larawan sa itaas, gawing unahan) ay katabi ng bagong pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi at naglalaman ng tubig ng Blue Lake (kilala rin bilang Sterling Forest Lake). Kinumpirma ng pag-iinspeksiyon ng Department of Environmental Conservation (DEC) na tumatagas na ang tubig sa dam at hindi na gumagana ang gate valve nito. Dahil sa 195 kabahayan sa subdivision ng The Woodlands at Tuxedo na wala pang isang milya ang layo sa Blue Lake, ipinasiya ng DEC na ang dam ay napakamapanganib.

Ang bagong pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi (ibaba, gawing kaliwa) ay katabi ng Blue Lake Dam (gitna, gawing kanan).

Si Jeffrey Hutchinson, dating park manager ng Sterling Forest State Park.

“May tagas na ang dam,” ang sabi ni Jeffrey Hutchinson, park manager ng Sterling Forest State Park nang panahong iyon, “at kapag bumigay iyon, magkakaroon ng masasamang resulta. Lahat ng kabahayan sa Woodlands subdivision, o karamihan sa mga iyon, ay mawawasak.”

Sinabi ni Robert R. Werner, presidente ng The Woodlands at Tuxedo Homeowners Association: “Kung hindi dahil sa mga Saksi ni Jehova, hindi magagawa ang proyektong ito at baka tuluyan nang bumigay ang istraktura. Kapag nangyari iyon, tiyak na may mamamatay at mawawalan ng mga ari-arian.”

Ang subdivision ng Woodlands at Tuxedo (pinakaitaas sa kaliwa) ay wala pang isang milya ang layo sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova (kanan sa ibaba) at sa Blue Lake Dam.

“Noong 2011, ang Echo Lake Dam, na wala pang 30 milya ang layo sa Blue Lake, ay bumigay at winasak ang ilang bahagi ng East Village sa Tuxedo, New York,” ang sabi ni Mr. Hutchinson. Tinataya ng mga engineer ng bayan na 100 milyong galon ng tubig ang rumagasa sa Ramapo River nang bumigay ang Echo Lake Dam. Ang Echo Lake ay may lawak na 5.2 ektarya (13 acre)—wala pang sangkawalo ng 46.5-ektaryang (115 acre) lawak ng Blue Lake.

Ang Blue Lake Dam, ginawa noong 1956, ay nasa silangang panig ng lawa at dating may dalawang bahagi: isang dikeng lupa at isang kongkretong primary spillway. Isang safety valve din, na ginagamit para ibaba ang lebel ng tubig kapag may emergency, ang inilagay sa may pinakasahig ng lawa.

Ipinaliwanag ni Richard Devine, chairman ng Warwick Construction Project Committee ng mga Saksi: “Natutuwa kami na nagtagumpay ang dam rehabilitation project, at pinasasalamatan namin ang tulong ng SUEZ Water. Pinatibay ng aming construction team ang dam, pinalitan ang luma at sirang valve, nagdagdag ng auxiliary spillway, at itinaas at pinatibay ang kongkretong primary spillway. Ngayong tapós na ang proyekto, siguradong nakakaabot na ang dam sa mga tuntunin at pamantayan ng industriya para sa safety.”

Ganito ang komento ni Mr. Hutchinson sa mga Saksi at sa pagtatrabaho nila sa proyekto: “Gumagawa kayo ng mabuti para sa komunidad at tumutulong kayo hangga’t kaya ninyo. Napakataas ng kalidad ng inyong konstruksiyon at palaisip kayo sa kalikasan.”

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000

 

Inalis ng personnel ng Watchtower ang sirang low-level outlet valve mula sa pinakasahig ng Blue Lake. Ligtas na maibababa ng valve ang lebel ng tubig kapag bigla itong tumaas.

Nilagyan ng isang bagong trash rack ang pinakasahig ng lawa para hindi makahigop ng malalaking debris ang outlet valve kapag binubuksan ito.

Nilakihan ng personnel ng Watchtower ang primary spillway. Ang tubig na aapaw sa Blue Lake ay aagos sa primary spillway at mapupunta sa isang kalapit na sapa.

Itinaas ng mga manggagawa ng Watchtower nang apat na piye ang gilid ng primary spillway at ni-repair ang mga bitak nito.

Pinalitan ang lupa ng angkop na panambak na dinisenyo para rito. Mga 19,000 metro kubiko (25,000 cu yd) ng panambak ang kinailangan para patibayin ang dam.

Kinikinis at sinisiksik ng isang leveler ang inilatag na panambak.

Dinagdagan ng landscaping team ang lupa sa ibabaw at tinaniman ito ng damo galing sa lugar na iyon para bumagay ang dam sa paligid nito.