Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

AGOSTO 5, 2013
UNITED STATES

Konstruksiyon ng Bagong Pandaigdig na Punong-Tanggapan sa Warwick, New York, Nagsimula Na!

Konstruksiyon ng Bagong Pandaigdig na Punong-Tanggapan sa Warwick, New York, Nagsimula Na!

NEW YORK—Opisyal nang sinimulan ng mga Saksi ni Jehova ang konstruksiyon sa kanilang bagong pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, noong Lunes, Hulyo 29, 2013, matapos tanggapin ang isang importanteng approval ng lokal na mga opisyal.

Noong Miyerkules, Hulyo 17, may-pagkakaisang inaprobahan ng Town of Warwick Planning Board ang site plan ng bagong pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. Ito ang pinakahuling approval na kailangan bago makakuha ng mga building permit para masimulan ang konstruksiyon. Dumating ang approval na ito eksaktong apat na taon mula nang mabili ng mga Saksi ang property sa Warwick noong Hulyo 17, 2009. Pagkakuha ng unang building permit noong Biyernes, Hulyo 26, sinimulan ng mga Saksi ang pagtatrabaho sa site at paghuhukay ng pundasyon noong Lunes, Hulyo 29.

Ang isang dahilan kung bakit pumayag ang town planning board ay ang disenyo ng gusali ng mga Saksi na di-makasisira sa kalikasan. Halimbawa, kasama rito ang paglalagay ng harang para makontrol ang pagguho ng lupa, na magsisilbing proteksiyon din ng maiilap na hayop, gaya ng mga timber rattlesnake, para mailayo sila sa construction area.

“Natutuwa kaming makipagtulungan sa mga opisyal ng bayan ng Warwick at maisakatuparan ang proyekto,” ang sabi ni Richard Devine, isang tagapagsalita ng mga Saksi. “Ang approval na ito ng town planning board ay isang mahalagang hakbang para mailipat sa Warwick ang aming pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn.” Si Enrique Ford, na kasama ni Mr. Devine sa construction project committee ng mga Saksi, ay nagsabi: “Ang pagbibigay sa amin ng site plan at special-use permit na ito noong Hulyo ay napakahalaga para maabot namin ang tunguhing matapos ang proyekto sa loob ng apat na taon.”

Ang property ay dating pag-aari ng International Nickel Company mula 1960 hanggang 1987. Mayroon itong tanggapan at pasilidad para sa research and development. Matapos mabakante nang mga apat na taon, binili ito ng King’s College para gawing college campus. Hindi natuloy ang planong iyon, at nanatiling bakante ang property nang mahigit dalawang dekada hanggang sa bilhin ito ng mga Saksi noong 2009.

Media Contact:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000