Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Pumili ng wika Tagalog

MAYO 22, 2017
UNITED STATES

Nasiyahan ang mga Tao sa Komunidad sa Open House sa Bagong Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Nasiyahan ang mga Tao sa Komunidad sa Open House sa Bagong Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi

NEW YORK—Noong Sabado, Abril 29, 2017, inanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa ikalawang espesyal na open house sa kanilang bagong pandaigdig na punong-tanggapan sa Warwick, New York, at mas marami ang pumunta kaysa noong unang open house.

May 468 bisita sa okasyong ito nitong nakaraang Sabado, 18 porsiyentong mas marami kaysa noong nakaraang Sabado. “Tuwang-tuwa kami na napakaraming kapitbahay, lalo na ang mga opisyal ng bayan, ang nag-tour sa aming mga pasilidad,” ang sabi ni Troy Snyder, manedyer ng pasilidad para sa mga gusali sa punong-tanggapan. “Mayroon ding lokal na mga residenteng bumalik, dahil sa nakita at naranasan nila noong una naming open house nang nakaraang linggo.”

May 863 na nagpunta sa dalawang open house, na ginanap nang magkasunod na Sabado mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. “Isang napakalaking tagumpay ang open house,” ang sabi pa ni Mr. Snyder. “Marami kaming narinig na magagandang komento mula sa mga dumalo. Malugod naming tatanggapin ang aming mga kapitbahay kapag bumalik sila para mag-tour sa aming pasilidad at museo.”

Ingrid Magar

Si Ingrid Magar, residente sa kalapit na Tuxedo Park, New York, ay isa sa maraming kapitbahay na pumunta sa open house. May 18 taon siyang nagtrabaho sa research laboratory ng dating may-ari nito, ang International Nickel Company. Naaalaala pa ang dating lugar na iyon, sinabi niya: “Natutuwa ako sa nangyari dito. Matagal itong bakante at malaking palaisipan sa akin kung ano ang gagawin dito. Magandang lugar ito, at lalo pa ninyong pinaganda.” Ganito pa ang sinabi ni Ms. Magar sa mga nakatira ngayon: “Sa palagay ko, kayo [mga Saksi ni Jehova] ay mabuting mga kapitbahay. Mahabagin kayo, mapagmalasakit, pinangangalagaan ninyo ang kapaligiran pati na ang komunidad, at mapalad kami sa pagkakaroon ng mga kapitbahay na katulad ninyo.”

William Hoppe

“Maliwanag na gusto nila ng pinakamataas na pamantayan ng paggawa hangga’t maaari.  . . . Makikita ito sa kalidad ng kanilang pagtatayo,” ang sabi ni William Hoppe, isang engineer na nag-inspeksiyon sa proyekto para sa Bayan ng Warwick noong huling dalawang taon ng konstruksiyon. “Hangang-hanga ako sa pangangalaga at atensiyon na ibinigay ng mga Saksi sa ecosystem at kapaligiran noong panahon ng konstruksiyon ng proyektong ito. At sa palagay ko, mahusay na halimbawa sila para sa ibang proyekto ng konstruksiyon.”

Media Contact:

David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000