Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Pumili ng wika Tagalog

SETYEMBRE 5, 2017
UNITED KINGDOM

Bagong Tanggapang Pansangay ng mga Saksi sa Britain—Tumanggap ng Mataas na Rating sa BREEAM Dahil sa Sustainable Design

Bagong Tanggapang Pansangay ng mga Saksi sa Britain—Tumanggap ng Mataas na Rating sa BREEAM Dahil sa Sustainable Design

LONDON—Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatayo ng bagong tanggapang pansangay sa Britain. Ang kanilang disenyo at mga paraan ng pagtatayo ay binigyan ng rating na Outstanding, ang pinakamataas na rating ayon sa nangungunang pandaigdig na pamantayan ng BREEAM (Building Research Establishment Environmental Assessment Method) na sumusuri sa pagiging sustainable nito (paggamit ng likas na yaman nang hindi pinipinsala ang kapaligiran). Ang pasilidad ng mga Saksi, na mga 70 kilometro (43 milya) sa silangan ng London, sa Chelmsford, Essex, ang pangalawa pa lang sa kaayusan ng BREEAM Communities na tumanggap ng mataas na rating.

Noong Mayo 25, 2017, ang bagong pasilidad ng mga Saksi sa Chelmsford ang naging pangalawa sa proyekto ng BREEAM Communities na tumanggap ng rating na Outstanding.

Ang BREEAM ay itinatag ng BRE (Building Research Establishment), ang kilaláng sentro ng siyensiya sa pagtatayo. Sinusukat nito ang pagiging sustainable ng mga proyekto sa pagtatayo, imprastraktura, at mga gusali sa iba’t ibang kategorya: enerhiya, kalusugan, bagong ideya, paggamit ng lupa, materyales, pangangasiwa, polusyon, transportasyon, basura, at tubig. Pagkatapos, ang mga proyekto ay tatanggap ng rating na Pass, Good, Very Good, Excellent, o Outstanding. Para aprobahan ang plano sa pagtatayo ng bagong pasilidad ng mga Saksi, hiniling ng Chelmsford City Council na maabot ng proyekto ang mga pamantayan sa sustainable design, isa na rito ang rating ng BREEAM na Very Good. Si Neil Jordan, ang senior planning officer of the directorate for sustainable communities sa Chelmsford City Council, ay nagkomento tungkol sa proyekto ng mga Saksi: “Natutuwa kami na sinunod ng mga Saksi ni Jehova ang mga kahilingan para sa proyektong ito, nilampasan pa nga nila ang mga pamantayang inaasahan ng konseho ng lunsod.” Sinabi pa niya na ang proyekto ay “maipagmamalaki sa ating lunsod, bilang isang mahusay na halimbawa sa pag-abot sa pinakamataas na pamantayang pangkapaligiran.”

Bukod pa sa rating na Outstanding, kinilala rin ang proyekto dahil sa bagong ideya nito sa “green design.” Nabawasan ng mga Saksi ang paglalabas ng carbon nang 2,250 metrikong tonelada (2,480 tonelada) dahil nakatira sa site ang mga manggagawa at inihahatid sila gamit ang mga minibus at iba pang sustainable na paraan ng transportasyon. Dahil dito nakakuha ang mga Saksi ng “innovation credit,” ang kauna-unahan sa binigyan ng BREEAM Communities ng ganitong parangal. Sinabi ni Mr. Jordan na ang proyekto ay “nakatulong sa paghahanap ng bagong mga paraan para mabawasan ang paglalabas ng carbon sa kapaligiran, kaya opisyal na idineklara itong hindi pa kailanman nagawa sa kaayusang pangkapaligiran ng BREEAM Communities.”

Si Mr. Pallab Chatterjee, isang BREEAM assessor.

Si Mr. Pallab Chatterjee, isang BREEAM assessor, ay nagkomento tungkol sa pagtatrabaho niya kasama ng mga Saksi at sa kanilang interaksiyon sa mas malalaking komunidad: “Gusto ko ang positibo at palakaibigang saloobin sa lugar ng konstruksiyon, na bihirang makita ngayon. Sinikap ng mga Saksi na isama ang pinakamaraming BREEAM sustainable item sa kanilang disenyo. Ang pokus nila ay maging matipid sa paggamit ng enerhiya at hindi makapinsala sa kapaligiran hangga’t maaari, at hindi lang [basta] makakuha ng mga BREEAM credit. Humanga ako sa malawak na pagsangguni nila sa lokal na komunidad at sa mga maninirahan doon sa hinaharap. Isa ito sa paborito kong proyekto.”

Sinabi ni Andrew Schofield, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Britain: “Sa loob ng halos 60 taon, ang aming tanggapang pansangay sa Britain ay nasa London. Pero kinailangan ang mas malaking pasilidad dahil sa lumalaking pangangailangan para sa salig-Bibliyang literatura at materyales. Sinimulan namin ang paghahanda sa 34-na-ektaryang ari-arian (mga 85 akre) noong Abril 2015 at inaasahan naming matatapos ang pagtatayo sa mga huling buwan ng 2019.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, +1-845-524-3000

United Kingdom: Andrew Schofield, +44-20-8906-2211