Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ENERO 21, 2014
RUSSIA

UPDATE: Pagtatangkang Ipagbawal ang JW.ORG, Nabigo

UPDATE: Pagtatangkang Ipagbawal ang JW.ORG, Nabigo

ST. PETERSBURG, Russia—Noong Agosto 7, 2013, ang Tsentralniy District Court ng lunsod ng Tver, mga 160 kilometro sa hilaga ng Moscow, ay nagdesisyong ipagbawal sa buong Russian Federation ang jw.org, isang website sa pagtuturo ng Bibliya.

Bagaman daan-daang libo sa buong daigdig ang pumapasok sa jw.org at iginagalang ng mga mananaliksik ang website na ito, kinampihan pa rin ng korte ang mga opisyal na gustong ipagbawal ang popular na website na ito. Nagbaba ng desisyon ang korte nang hindi man lang nagbibigay ng abiso o kumukuha ng testimonya sa mga tagapaglathala ng site, ang Watchtower Bible and Tract Society of New York. Umapela sa Tver Regional Court ang mga Saksi ni Jehova. Ang apela ay nakatakdang dinggin sa Enero 22, 2014.

Kapag ibinasura ang apela, ang website na ito ay hindi na mapapasok ng mahigit 160,000 Saksi ni Jehova sa Russia, na regular na gumagamit nito sa kanilang pagsamba at sa personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Magiging krimen na sa Russia ang pagpo-promote sa website na ito. Karagdagan pa, mga 142 milyong naninirahan sa Russia ang hindi na puwedeng kumonsulta sa jw.org para sa libreng impormasyon tungkol sa Bibliya. Sinabi ni Yekaterina Elbakyan, Doctor of Philosophy, eksperto sa mga pag-aaral tungkol sa relihiyon, at propesor sa Academy of Labor and Social Relations sa Moscow, na ang jw.org ay “isang regalo para sa sinumang nagre-research tungkol sa relihiyon. Naglalaan ito ng komprehensibo at madaling-maintindihang materyal. Inihaharap nito ang mahahalagang espirituwal at moral na usapin sa simpleng paraan. Kapag ginagamit mo ang website, para kang malugod na tinatanggap sa tahanan ng mga Saksi ni Jehova.”

Mula sa St. Petersburg, sinabi ni Grigory Martynov, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Russia: “Ang website na jw.org ay isang magandang kasangkapan para sa mga nasa bansa namin na naghahanap ng impormasyon tungkol sa Bibliya at wala itong anumang kinalaman sa politika o komersiyo. Umaasa kami na titiyakin ng Tver Regional Court na mananatiling available sa lahat ng mamamayan ng Russia ang popular at nakapagtuturong website na ito.”

Ganito naman ang komento ni J. R. Brown, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa New York: “Ang website na jw.org ay pinahahalagahan bilang kasangkapan sa pagre-research at bilang mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang impormasyon para sa mga pamilya sa buong daigdig. Sa katunayan, mga 900,000 katao ang pumupunta sa site na ito araw-araw para makakuha ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa mga 600 wika. Maliwanag na walang basehan para ipagbawal ang materyal na ito.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Russia: Grigory Martynov, tel. +7 812 702 2691