Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Mga Saksi ni Jehova na umaawit sa isang Kristiyanong pagpupulong sa Rostov-on-Don, Russia

SETYEMBRE 22, 2016
RUSSIA

BAHAGI 1

Paliwanag ng mga Eksperto: May-katusuhang Ginagamit ng Russia ang Batas Kontra-Ekstremista Para Kasuhan ang mga Saksi ni Jehova

Paliwanag ng mga Eksperto: May-katusuhang Ginagamit ng Russia ang Batas Kontra-Ekstremista Para Kasuhan ang mga Saksi ni Jehova

Ito ay Bahagi 1 ng serye na may tatlong bahagi batay sa mga interbyu sa kilaláng mga iskolar sa relihiyon, politika, at sosyolohiya, gayundin sa mga eksperto sa pag-aaral tungkol sa pamamahalang Sobyet at pagkaraan nito.

ST. PETERSBURG, Russia—Sinisikap ng Prosecutor General’s Office of the Russian Federation na maideklarang “ekstremista” ang mga Saksi ni Jehova. Kung kakatigan ito ng korte, maaaring buwagin ng gobyerno ang legal na korporasyon ng mga Saksi sa bansa, sa gayon ay maipagbabawal ang kanilang gawain sa buong pederasyon. Inapela ng mga Saksi ang mga paratang sa kanila at inaasahang ipagpapatuloy ang pagdinig sa korte sa Setyembre 23, 2016.

Ang kaso laban sa mga Saksi ay batay sa batas kontra-ekstremista ng Russia, batas na sa tingin ng mga iskolar ay “di-patas,” “maraming depekto,” at “talagang kakatwa.”

Dr. Derek H. Davis

“Ang mga uri ng ekstremismo na dapat sugpuin ay ang mga nagsasapanganib sa mismong buhay ng mga tao,” ang sabi ni Dr. Derek H. Davis, dating direktor ng J.M. Dawson Institute of Church-State Studies sa Baylor University. “Ang pagsugpo sa anumang iba pa rito ay maituturing na ekstremismo.”

Dr. Mark Juergensmeyer

Ipinaliwanag ni Dr. Mark Juergensmeyer, direktor ng Orfalea Center for Global and International Studies sa University of California, Santa Barbara, kung bakit pinupuntirya ang isang mapayapang grupo ng relihiyon gaya ng mga Saksi: “Ang pagkakait sa kalayaan sa pagsamba para sugpuin ang ekstremismo ay isang nakakahiyang pakana.” Bukod diyan, ipinaliwanag ni Dr. Jim Beckford, fellow (miyembro) ng British Academy, “ang mga elemento sa loob ng Simbahang Ruso Ortodokso ay nakikipagsabuwatan sa mga awtoridad para itaguyod ang sarili nilang interes at ipagbawal ang itinuturing nilang karibal.”

Dr. Jim Beckford

Sinasabi ng mga eksperto na ang problema ay hindi lang ang pag-abuso gamit ang batas kundi pati ang pagpapahintulot ng mismong batas sa gayong pag-abuso. Ayon sa SOVA Center, na nagtataguyod ng karapatang pantao at nakasentro sa Moscow: “Gaya ng paulit-ulit naming sinasabi, ang batas kontra-ekstremista, dahil sa malabo nitong pananalita, ay napakahusay na instrumento para pag-usigin ang mga kalaban sa politika o ang iba pang grupo na nakikitang iba sa karamihan.”

Dr. Emily B. Baran

“Dapat mabahala ang mga mamamayan ng Russia sa desisyon ng Estado na tratuhin nang may diskriminasyon ang mga Saksi,” ang sabi ni Dr. Emily B. Baran, assistant professor ng Russian and Eastern European history sa Middle Tennessee State University, “dahil ipinahihiwatig nito na hindi mag-aatubili ang Estado na pagkaitan ng mga karapatan ang iba pang mga grupo, at gumawa ng katulad na mga pagkilos laban sa iba pang komunidad na minorya.”

Media Contacts:

International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000

Russia: Yaroslav Sivulskiy, 7-812-702-2691