Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ABRIL 7, 2014
GERMANY

Richard Rudolph, Survivor ng Kampong Piitan, Namatay sa Edad na 102

Richard Rudolph, Survivor ng Kampong Piitan, Namatay sa Edad na 102

SELTERS, Germany—Si Richard Rudolph, isang Saksi ni Jehova na nakaligtas sa limang kampong piitan ng mga Nazi at nabilanggo sa ilalim ng pamamahalang Komunista, ay namatay noong Enero 31, 2014. Siya ay 102 anyos.

Nang magsimulang mamahala ang mga Nazi noong 1933, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa kalakhang bahagi ng Germany. Dahil dito, 11,300 Saksi ang ibinilanggo ng mga Nazi, at 4,200 sa mga ito ang inilagay sa mga kampong piitan, kabilang na si Mr. Rudolph. Mga 1,500 ang namatay. Sa ilalim ng rehimeng Nazi, si Mr. Rudolph ay siyam na taóng nabilanggo sa limang kampong piitan, kasama na ang kinatatakutang mga kampo ng Sachsenhausen at Neuengamme, kung saan mahigit 300,000 katao ang ibinilanggo at mga 140,000 ang namatay.

Si Richard Rudolph (nasa bubong, dulong kanan) ay isa sa mga bilanggong pinagtrabaho sa pagtatayo ng kampong piitan sa Neuengamme noong 1940.

Noong 1944, inilipat si Mr. Rudolph sa Salzgitter-Watenstedt, isang kampong sakop ng Neuengamme. Dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, ayaw niyang gumawa ng anumang trabahong may kinalaman sa paggawa ng mga armas, kung kaya pinagbantaan siyang papatayin. Pero isang mabait na opisyal ng SS ang humanga sa paninindigan ni Mr. Rudolph kaya itinago niya ito sa isang trak ng pagkain, kaya naman hindi siya napatay.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ipinagpatuloy ni Mr. Rudolph ang kaniyang gawain bilang Saksi ni Jehova sa Soviet Occupation Zone, na nang maglaon ay naging German Democratic Republic (GDR). Inaresto uli siya noong 1950 at sinentensiyahang mabilanggo. Sa kabuuan, mahigit 19 na taon siyang nabilanggo dahil sa kaniyang paniniwala.

Sina Ann-Jacqueline Frieser at Richard Rudolph. Ang talambuhay ni Mr. Rudolph ang paksa ng artikulo ni Ann-Jacqueline na nanalo ng award noong 2009.

Sa loob ng mga dekada, ibinahagi ni Richard Rudolph sa iba ang mensahe ng Bibliya at ang mga aral na natutuhan niya tungkol sa masasamang epekto ng diskriminasyon. Noong 2009, isang estudyanteng Aleman, si Ann-Jacqueline Frieser, ang nanalo ng dalawang award sa Federal President’s History Competition na pinamagatang “Just Normal Heroes.” Ito’y dahil sa ginawa niyang talambuhay ni Richard Rudolph at pag-iinterbyu rito. Siya ang nakakuha ng unang puwesto sa estado ng Rheinland-Palatinate at napabilang sa tatlong nangungunang estudyante na nanalo ng Federal award.

Ganito ang sabi ni Wolfram Slupina, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Germany: “Si Richard Rudolph ay isang minamahal na kaibigan at kapananampalataya; marami rin siyang nailaang impormasyon tungkol sa kasaysayan. Ang kaniyang kahanga-hangang pananampalataya at lakas ng loob ay isang magandang halimbawa para sa ating lahat.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Germany: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110