Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ENERO 14, 2013
FRANCE

Si Irénise Moulonguet, ang Pinakamatandang Pranses

Si Irénise Moulonguet, ang Pinakamatandang Pranses

Si Irénise Moulonguet, na tumuntong sa edad na 112 noong Nobyembre 2012, ay itinuturing na pinakamatandang nabubuhay na Pranses. Kilala siya bilang isang Saksi ni Jehova.

Kamakailan, si Maria Richard—isa pang centenarian sa Pransiya—ay ipinalagay na pinakamatandang nabubuhay na Pranses. Pero ang totoo, mas bata siya nang 22 araw kay Irénise. Si Maria Richard, na namatay noong nakaraang Oktubre sa edad na halos 112, ay isa ring Saksi ni Jehova.

Hindi laging maalwan ang buhay ni Irénise. Naranasan niya ang pagsabog ng Mount Pelée na malapit sa kanilang bayan sa Martinique noong dalawang taóng gulang pa lang siya. Sa edad na 15, lumipat si Irénise sa French Guiana at nagtrabaho roon para masuportahan sa pinansiyal ang kaniyang pamilya. Pagkatapos ng ilang taon, bumalik siya sa Martinique, nag-asawa at nagkapamilya. Nakalulungkot, maagang namatay ang kaniyang asawang si André, kung kaya kinailangan niyang palakihing mag-isa ang kanilang tatlong anak na babae.

Para masuportahan ang sarili at ang kaniyang mga anak, nagtrabaho si Irénise sa mga taniman ng saging. Naaalaala ng isa sa kaniyang dating katrabaho, na ngayon ay mahigit nang 80 anyos, ang kasipagan ni Irénise. Sinabi nito: “Sa loob lang ng isang araw, nakapaghahanda siya ng mahigit 175 malalaking piling ng saging na ipadadala bilang kargamento!”

Kahit mahirap ang buhay kung minsan, lagi pa ring positibo si Irénise. Inilarawan siya ng isa sa kaniyang 75 inapo na “masayahin, mahilig magpatawa, at laging handang magkuwento ng magagandang karanasan.” Ganiyan din ang marami sa mga may-edad na.

Puwedeng makaapekto ang mga gene sa pagkakaroon ng mahabang buhay, pero maaaring mahalaga rin ang paraan ng pamumuhay at pananatiling positibo. Nang tanungin ang mga centenarian tungkol sa kanilang mahabang buhay, sinabi ng marami na sinisikap nilang magkaroon ng isang di-pabagu-bagong rutin, kumain nang katamtaman, at mapanatili ang kanilang sigla sa buhay. Sinabi ng isang pag-aaral: “Para bang napakaaktibo at napakalakas nila.”

Kabaligtaran sa inaakala ng karamihan, hindi nangangahulugang maalwan ang buhay ng mga taong mahahaba ang buhay. Ipinakikita ng isang masusing pagsusuri sa Pransiya na ang karamihan sa mga centenarian ay “matatatag na indibiduwal na nakapanagumpay sa kahirapan ng buhay.”

Totoo iyan kay Irénise, na nakapagtiis sa kabila ng maraming problema. Madalas purihin ng isa sa kaniyang mga apo ang pagkakaroon niya ng positibong pananaw. Sinabi nito: “Kahit hindi na siya gaanong nakakakilos ngayon, hindi siya dumaraing.”

Si Irénise, na isang Romano Katoliko mula pagkabata, ay maraming tanong tungkol sa Diyos at sa kaiklian ng buhay. Nasiyahan siya sa mga sagot mula sa Bibliya nang makipag-aral siya sa mga Saksi ni Jehova. Sa edad na 74, inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova. Kapag tinatanong siya kung ano ang nakatutulong sa kaniya na maharap ang mga problema sa kalusugan at pagtanda, madalas niyang sabihin: “Galing kay Jehova ang lakas ko. Siya ang aking ‘malakas na bisig.’ Kaya pakiramdam ko, ako ay ‘nababago sa araw-araw’!”—Deuteronomio 3:24; 2 Corinto 4:16.