Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

SETYEMBRE 22, 2015
CANADA

Mga Opisyal sa Malayong Northern Canada Nagpasalamat sa mga Saksi ni Jehova sa Pagtuturo ng Bibliya

Mga Opisyal sa Malayong Northern Canada Nagpasalamat sa mga Saksi ni Jehova sa Pagtuturo ng Bibliya

TORONTO—Mga 150 Saksi ni Jehova ang sumali sa isang espesyal na kampanya sa pagtuturo ng Bibliya, na inorganisa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi sa Canada, noong Setyembre at Oktubre 2014. Tatlumpu’t limang malalayong komunidad sa bansa ang dinalaw nila.

Mahigit 32,000 ang nakatira sa 35 komunidad ng mga Inuit na dinalaw ng mga Saksi, na ipinakikita ng mga marker na dilaw. Mahigit dalawang teritoryo at isang probinsiya, kinulayan ng berde, ang saklaw ng kampanya.

Ang mga Saksi ay hinati sa mga grupo at inatasang magpunta sa mga bayan at nayon mula sa Aklavik, Northwest Territories, sa kanluran hanggang sa Kangiqsualujjuaq, Quebec, sa silangan, isang rehiyon na sumasaklaw ng mahigit 3,300 kilometro (2,000 milya). Sinagot ng mga nakibahagi sa kampanyang ito ang sarili nilang gastos sa biyahe, na sa kaso ng ilang indibiduwal ay kasama ang ilang libong dolyar na pamasahe sa eroplano.

Isa sa mga bayan na narating ng mga Saksi ang Paulatuk. Ito ay may populasyon na mga 300 at nasa baybayin ng Beaufort Sea sa hilagang rehiyon ng Northwest Territories.

Bago ang kampanya, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova na isalin sa wikang Inuktitut ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? Ang wikang ito ng mga Inuit ay ginagamit ng mga 35,000 katao sa Canada at kinikilala bilang isang opisyal na wika sa Nunavut at sa Northwest Territories.

Ganito ang sinabi ni Ms. Velma Illasiak, isang prinsipal ng paaralan sa Aklavik, tungkol sa pagdalaw ng mga Saksi: “Talagang nagustuhan ng mga estudyante ang mga materyal na ipinakita ninyo at pinag-iisipan nila [ang mga ito] . . . Balak naming umorder ng isang kopya ng parehong tomo ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas para sa bawat tin-edyer sa paaralan . . . Salamat sa pagpunta ninyo sa aming paaralan at sa aming komunidad.”

Si Mr. Peter Iyaituk, mayor ng bayan ng Ivujivik sa hilagang Quebec, ay nakipag-usap sa mga Saksi at nanood ng video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? Pagkatapos, ipinasyal niya ang mga bisita sa palibot ng komunidad gamit ang kaniyang sasakyan sa loob ng dalawang oras. Inihatid din niya sila sa airport noong araw ng pag-alis nila at pinasalamatan sila sa pagdalaw.

Ipinapanood ni David Creamore, isang Saksi ni Jehova, kay Mr. Peter Iyaituk, mayor ng Ivujivik, ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Sinabi ni Matthieu Rozon, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Canada: “Natutuwa ang mga Saksi ni Jehova na mag-alok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Para sa mga nakibahagi sa kampanyang ito, sulit ang kanilang panahon at pagsisikap.”

Sa dalawang-buwang kampanya, ang mga Saksi ay nakapamahagi ng mahigit 37,000 piraso ng literatura. Halos 600 indibiduwal ang humiling na dalawin silang muli ng mga Saksi para ipagpatuloy ang pag-uusap tungkol sa Bibliya.

Media Contact(s):

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Canada: Matthieu Rozon, tel. +905 873 4100

 

Kuujjuarapik Airport, Quebec

Isang grupo ng mga Saksi ang dumating sa Kuujjuarapik, isang bayan na nasa silangang panig ng Hudson Bay.

Salluit, Quebec

Ang Salluit ay nasa hilagang Quebec, at mahigit 1,300 ang naninirahan doon.

Ivujivik, Quebec

Ang Ivujivik ay nasa hilagang Quebec din at may populasyon na halos 400.

Ivujivik, Quebec

Si David Creamore ay ipinasyal ni Mr. Peter Iyaituk, mayor ng bayan ng Ivujivik, sa palibot ng komunidad.

Ivujivik, Quebec

Isang kabataang Inuit ang nanonood ng video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Paulatuk, Northwest Territories

Sa bayang ito na mga 300 ang nakatira, makikitang may mga bahay sa makitid na lupain sa Beaufort Sea.

Umiujaq, Quebec

Pinatuloy ng isang mag-asawang Inuit sa kanilang bahay si Julien Pinard, isa sa mga dumadalaw na Saksi, para mag-usap tungkol sa Bibliya. Halos 450 ang populasyon sa bayang ito.

Umiujaq, Quebec

Nagpalitrato ang ilang naninirahan sa bayang ito sa hilagang Quebec kasama si Roxanne Pinard (kanan), isa sa mga dumadalaw na Saksi.

Puvirnituq, Quebec

Mga 1,700 ang nakatira sa nayong ito sa hilagang Quebec.