Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

HULYO 21, 2014
AUSTRIA

Mga Saksi ni Jehova Pinarangalan sa Gusen Concentration Camp Memorial

Mga Saksi ni Jehova Pinarangalan sa Gusen Concentration Camp Memorial

SELTERS, Germany—Noong Linggo, Abril 13, 2014, isang plake ang ipinakita ng Gusen Concentration Camp Memorial ng Austria sa publiko. Ito ay bilang pagkilala sa mga 450 Saksi ni Jehova na ibinilanggo ng mga Nazi sa concentration camp ng Mauthausen at sa subcamp nito sa Gusen. Mahigit 130 ang dumalo sa seremonya.

Plakeng ipinakita sa publiko sa isang seremonyang ginanap sa Gusen Concentration Camp Memorial noong Abril 13, 2014.

Nang dumating ang mga Saksi sa concentration camp ng Mauthausen, binantaan sila ng kumander: “Walang Estudyante ng Bibliya ang makalalabas dito nang buháy.” Si Martin Poetzinger ay nakaligtas sa siyam-na-taóng pagkabilanggo sa Dachau, Mauthausen, at Gusen. Nang maglaon, siya ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Ganito ang sabi niya tungkol sa kaniyang naranasan sa Mauthausen: “Lahat ng paraan ay ginawa ng mga Gestapo para sirain ang aming pananampalataya.”

Mayo 1945: Gusen Concentration Camp. Si Martin Poetzinger (nakaupo sa harapan, pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang 23 pang nakaligtas, noong palayain sila.

Nang maglaon, ang ilang Saksing nasa Mauthausen ay inilipat sa subcamp sa Gusen. Ang lugar na ito ay isang “murder camp.” Dito, ang mga sinadya at planadong pagpatay ay bahagi na ng rutin sa araw-araw. Para mapatibay ang kanilang pananampalataya, ang mga Saksi ay nagtitipon sa maliliit na grupo sa gabi para talakayin ang mga saulado nilang teksto sa Bibliya. Minsan, nakakuha sila ng isang Bibliya. Pinaghiwa-hiwalay nila ang mga pahina nito, ibinigay sa bawat Saksi, at nagpalitan ng mga pahina pagkabasa rito. Habang nakatago sa ilalim ng kama, sinasamantala nila ang kaunting panahong mayroon sila para makapagbasa.

Maingat ding ibinabahagi ng mga Saksi ang mensahe ng Bibliya sa iba. Limang bilanggong taga-Poland ang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at palihim na binautismuhan sa isang labangáng kahoy na sadyang ginawa para dito. Ibinahagi naman ni Franz Desch, isang Saksi, ang mensahe ng Bibliya sa isang opisyal ng SS na naging Saksi ni Jehova nang maglaon.

Sinabi ni Wolfram Slupina, tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Austria: “Nagpapasalamat kami na naalaala ang mga Saksi dahil sa kanilang pananampalataya at lakas ng loob habang nasa mga kampo ng Mauthausen at Gusen. Ang kanilang determinasyong magpakita ng Kristiyanong empatiya at kabaitan ay isang tagumpay laban sa kasamaan na karapat-dapat alalahanin at tularan.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Austria: Wolfram Slupina, tel. +49 6483 41 3110