DISYEMBRE 26, 2019
VENEZUELA
Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Liblib na Lugar sa Venezuela
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na mangaral sa isang probinsiya sa Guajira Peninsula sa hilagang-kanluran ng Venezuela. Nagsimula ang kampanya noong Hulyo 15, 2019 at matatapos sa Disyembre 31, 2019. Mga 640 mamamahayag ang gumugol ng mahigit 32,000 oras sa pangangaral at nakapagpasimula ng halos 2,000 Bible study.
Malaki ang teritoryo na kukubrehan, mahirap ang biyahe, at kakaunti lang ang kapatid na tagaroon. Pero marami sa nakatira doon ang hindi pa napapangaralan o nakakarinig sa pangalan ng Diyos. Nagsakripisyo ang mga kapatid para makasama sa kampanyang ito. Patuloy pa rin ang krisis sa ekonomiya sa Venezuela. Marami ang walang trabaho at mataas ang bilihin, kaya ilang buwan na nag-ipon ang mga kapatid o nagbenta pa nga ng mga gamit para makabahagi sa kampanyang ito.
Nangangaral sila sa wikang Spanish at Wayúunaiki—ang wika ng mga Wayúu, mga katutubong nakatira sa liblib na komunidad. Dahil iilan lang sa mga kapatid ang nakakapagsalita nito, binigyan na agad ang mga sasama sa kampanya ng mga salig-Bibliyang publikasyon sa wikang Wayúunaiki, mga training video, at mga brosyur na nagpapaliwanag ng kultura ng Wayúu. Kaya nakapaghanda ang mga kapatid sa kampanya.
Tuwang-tuwa ang isang babae na marinig sa sarili niyang wika ang mensahe, at nagprisinta siyang samahan ang mga kapatid sa isang liblib na komunidad kung saan nakatira ang ilan sa pamilya at kaibigan niya. Gumising ng 3:30 n.u. ang grupo ng mamamahayag para maghanda, pinuntahan nila ang babae sa bahay niya, at sinundan siya. Naglakad sila nang halos isang oras.
Nang makarating sila, sumigaw nang malakas ang babae: “Lumabas kayo! Lumabas kayo! Dinala ko sa inyo ang Diyos!” Nagulat ang mga kapatid nang maglabasan ang mga tao sa mga bahay nila na may dalang upuan para makinig sa mensahe. Sinabi nila na ngayon lang may nagpunta sa kanila para makipag-usap tungkol sa Diyos. Bilang pasasalamat, naghanda sila ng agahan para sa 17 kapatid.
Tuwang-tuwa ang babae at sinabi niyang dadalhin niya sila sa tatlo pang nayon sa lugar na iyon. Sa bawat nayon, sumisigaw siya sa mga tagaroon para lumapit sila at makinig sa mensahe. Nang matapos na ang mga kapatid, umiiyak silang nagpaalam sa babae at sa iba pa na pinangaralan nila habang kinakanta ang isang Kingdom song sa wikang Wayúunaiki.
Gusto ni Jehova na marinig ng lahat ang mensahe na nasa Bibliya. Patunay ang mga espesyal na kampanya na pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang bayan na ihayag ang “mabuting balita ng mabubuting bagay” sa mga liblib na komunidad sa buong mundo.—Roma 10:14, 15.

